Miyerkules, Hunyo 17, 2009
Kung Ibig Mo Akong Makilala: Pagtuklas at Pagpapalaya
ANG RETORIKA NG BABAENG MAKATA
Sa mundo ng panulaang Filipino, si Ruth Elynia S. Mabanglo ay masasabing isa sa mga kinikilala at premyadong makata ng kanyang panahon. Ang kanyang mga akda ay maaring maihanay sa mga nangungunang paradigm sa mundo ng panitikang Filipino. Tumanggap si Mabanglo ng titulong Makata ng Taon sa Talaang Ginto, nasungkit niya ang Hall of Fame sa Gawad Palanca at nagkamit ng mga gawad at pagkilala mula sa National Commision for Culture and the Arts, Cultural Center of the Philippines, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Komisyon sa Wikang Filipino atbp.
Sa kalipunan ng kanyang mga tula ay mababakas ang mga sentimyento ng isang indibdwal, partikular ang babae bilang persona, patungkol sa kanyang lipunan. Ang ilan sa mga kalipunan na ito ay ang Liham ni Pinay na tumatalakay sa katauhan ng babae at ang iba’t ibang papel na ginagampanan nito sa lipunan. Sa tulang Kung Ibig Mo Akong Makilala, humahaginit ang kanyang mga talinghaga na nagbibigay ng impresyong makapuwing at makapag-iwan ng hamon sa mga mambabasa. Punong-puno ng angas ang tulang ito, kakaibang hamon ang naidulot nito hindi lang sa mga mambabasa kundi sa iba pang makata ng kanyang panahon at ng kasalukuyan.
Sa unang pagbasa, pag-ibig at pagtuklas sa sarili ang sentral na tuon ng tula. Hinahamon ng persona ang kanyang mangingibig o ang mambabasa na kilalanin ang buo niyang pagkatao tulad ng pagkakatuklas niya sa kanyang sarili. Ang tula ay may apat na bahagi. Sa umpisa ay ipinababatid sa mambabasa na higit pa sa pisikal na aspekto ang dapat pagtuunan ng pansin.
lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat,
ang titig kong dagat –
yumayapos ng mahigpit sa bawat saglit
ng kahapon ko’t bukas
Dito’y hinahamon ng persona na kilalanin siya hindi lamang sa panlabas niyang katangian kundi ang buo niyang pagkatao. Ginawang lunsaran ni Mabanglo ang tulang ito para tungaliin ang pagtingin ng lipunan sa pisikal na katangian ng babae bilang pamantayan ng kagandahan. Sa kasalukuyan, ang pagpapaganda o ang pagiging maganda ay maituturing nang isang obsesyon hindi lang sa babae kundi pati na rin sa mga lalaki. Dala ng komersyalisasyon, naglipana ang mga produktong pampaganda, pampapayat at pampapaputi, lahat ng may kinalaman sa pisikal at panlabas na katangian ng isang tao. Sa unang taludtod pa lamang ng tula, tumitiwalag na ang makata sa umiiral na de kahong konsepto ng kagandahan. Aangat ang lebel nito sa ikalawang bahagi kung saan ibinubulalas ng persona ang kanyang mga kahinaan at kapighatian.
sunduin mo ako sa himlayang madilim
at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil
ibangon ako at saka palayain
Ang himlayang madilim at inunang hilahil ay maaring representasyon ng iba’t ibang anyo ng represyon sa kababaihan. Nais humulagpos ng babae sa tanikalang nanggigipit sa kanyang katauhan na bunga ng normatibong kalagayan sa lipunan. At ang mambabasa ang inaasahan niyang sumagip sa kanyang kinasadlakan. Sa ikatlong saknong inilarawan ng makata ang pag-ibig na ideyal, mga katangiang malayong-malayo sa realidad.
pag-ibig na lipos ng lingap,
tahanang malaya sa pangamba at sumbat,
may suhay ng tuwa’t kaluwalhatia’y
walang takda –
Lahat ng ito’y hinihiling ng persona na iaalay sa kanya. Sa huling bahagi ng tula, ipinakita ang pagiging bukas ng pagkatao ng persona upang siya’y kilalanin. Sukdulan ang mga ginamit na metapora sa bahaging ito, bukas pati ang kanyang kaluluwa upang lubusang makilala ang kanyang tunay na esensya.
Ang persona ng tula ay masasabing isang moderno at progresibong babae. Ito ay ipinapalagay ng mag-aaral sapagkat iginigiit din ng tulang ito ang malayang oryentasyong sekswal ng isang indibidwal. Ito’y produkto hindi lamang ng biyolohikal na dahilan kundi pati na rin ang sikolohikal, historikal at personal na sirkusmtansya. Masasabing may malakas na puwersa pa nga ang huling tatlong nabanggit na salik sa pagpapatibay ng kamalayan at oryentasyon ng indibidwal. Nakikita ang mga ito bilang epekto ng lipunang patriyarkal na humuhulma sa pagkatao ng isang indibidwal partikular ang babae bilang persona sa tulang ito. Samakatwid, maaring ipalagay na kapwa babae (homosekswal) o lalake o ang kabuuang lipunan ang kinakausap ng tula.
Lumitaw naman ang kontradiksyon sa konsepto ng pagiging malaya ng persona. Sa ikalawang saknong ay inilarawan ng persona ang kanyang pagkakakulong sa “himlayang dilim” at sa “inunang hilahil” na sisidlan din ng kanyang mga dalamhati. Taliwas ito sa huling taludtod na nagsasabing siya’y hubad mula ulo hanggang paa. Ang pagiging hubad ay sumasagisag sa pagiging malaya. Samakatuwid, hindi talaga nakakulong ang persona, tuluyan nitong binabasag ang konteksto ng “pagpapalaya” dahil siya naman pala ay hubad at malaya sa kanyang sariling introspeksyon.
Ngunit kung atin pang paglilimian ang konteksto ng pagiging malaya sa tulang ito, mulat ang makata sa tungkulin nitong palayain ang kababaihan sa rehas na likha ng kapitalistang sistema kung saan ang mga babae ay itinuturing na commodity o di kaya ay object of desire ng kalalakihan at ng buong lipunan. Malay ang makata sa obligasyon nitong kontrahin ang dominanteng kulturang iniluwal ng sistemang kapital. Hindi man direktang naipinta sa tula ang mga ispesipikong sitwasyon na nagpapakita ng iba’t ibang anyo ng represyon at opresyon sa kababaihan, naipahiwatig ito at nakapaloob sa mga imaheng ginamit niya sa tula. Mapapahalagahan din ang tula bilang rebolusyunaryong akda dahil ito’y tumutugon sa pagkamulat ng masang mambabasa hindi lamang para sa kababaihan kundi pati na rin sa kalalakihan.
Kumbaga, ang dapat lamanin ng isang akda ay hango mula sa karanasan ng masa at ito’y gagawing masining upang bumalik din sa masa. Ito ang panitikan mula sa masa, para sa masa.
Maging sa mundo ng panulaan ay macho ang umiiral na kalakaran. Sa tulang Ako Ang Daigidig ni Alejandro Abadilla, inako ng makata ang panulaan at ang daigdig. Ang ganitong tuwirang pagpapahayag at asersyon ay may negatibong implikasyon lalo na sa mga babaeng makata.
Sa bahaging ito mailuluwal ang mga tanong: sino ang tunay na makata? At mulat na makata para kanino? Diyalektikal ang diskursong ito, ang pagsuri sa ugnayan ng makata sa mambabasa at ang mambabasa sa makata ay isang usaping matagal nang pinagdedebatehan. Marahil isang angkop na batayan ng pagpapalapot ng ugnayan ng dalawa ay kung paano napagsisilbihan ng makata ang masang mambabasa.
Huwebes, Pebrero 26, 2009
kung paanong nakalimutan ko ang sarili ko
Pinipilit kong alalahanin ngayong umaga ang panaginip ko. Mabigat kasi ang pakiramdam ko paggising ko, kaya inaalala ko ang dahilan nito. Malamang nandun lang ang dahilan sa panaginip ko. Dati, nakakabuo pa ako ng dyornal sa mga panaginip ko, mga flash fiction kumbaga. Pero ngayon, kahit anong pilit kong alalahanin, di ko magawa. Naubos na ang ata ang powers ko para dun o baka puno na ang memory bank ko at di na kayang tumanggap ng utak ko ng mga bagong impormasyon? Paano kung ang memorya mo ay tila kandilang unti-unting nauupos? o kaya naman, bigla na lang namatayan ng apoy, mas nakakatakot siguro yon. Sa edad na 30, masyadong palyado na ang memorya ko. Puwedeng sabihin na may mild amnesia ako. Sa dami kasi ng iniisip ko at ginagawa, nakakalimutan ko ang ilang bagay na importante. Masyadong selective ang memory kaya hirap na hirap ako. Minsan nga dahil sa frustration, naiiyak na lang ako sa inis. Pero lilipas ang mga araw, mananatiling may amnesia ang mode ko. Ang anak ko nga may ganun ding manipestasyon. Batang ulyanin ang tawag ko tuloy sa kanya. Isang beses, binati ko ang isang kaibigan, bumeso ako sa kanya. di pa ako nakakalimang hakbang, bumeso ako ulit sa kanya. nakalimutan kong binati ko na siya at bineso, wala pang isang minuto. Ang susi ko ng bahay, lagi kong nakakalimutan kung saan ko iniiwan, ang cellphone, ganun din. birthday ng mga kaibigan at kapatid, madalas nakakalimutan ko. Marahil karamihan sa atin nakaranas na ng ganoon. Madalas napapakunot na lang ang noo ko at sasabayan ng nag-untugang mga kilay. Maraming bagay ang hindi ko maalala, umaalpas ang lahat ng mahalagang pangyayaring hindi ko halos namalayang dumaan. Paano kung isang umaga, lahat ng mahalaga sa buhay ko eh di ko na maalala? Paano kung pati ang sarili ko’y di ko na rin makilala? Nababagabag ako, kaya gustuhin ko mang ngumiti ang panulat ko, hindi ko magawa. Nababagabag sa mga alaalang tila tuyong dahon na nililipad ng hangin sa kung saan. Kung sino mang nakapulot noon, hindi ko alam. Pulutin naman kaya ng iba? O hayaang magpalutang-lutang na lang sa kawalan?
Miyerkules, Disyembre 10, 2008
kronikel ng isang nanay
(Si Ambon ng tatlong taong gulang)
Nanay: ambon anak, ibili mo ako ng laurel leaf kay tita tess diyan sa tindahan sa tabi.
Ambon: (nagmamadaling sumunod, pagdating sa pinto)
Nanay: o, wag magmadali anak. O sige nga anak, anong pinabibili ko kay tita tess?
Ambon: lawlaw brief po!
(bwaharharhar!)
(si Ambon ng apat na taong gulang)
Nanay: Ate ging, ibili mo naman ako ng panty SHIELD sa tindahan.
Ambon: (nanlalaki ang mata) Nanay? May powers ang panty niyo?
J
Iyak ng iyak ang anak ko nang malaman niyang bumili ako ng pamatay ng mga daga. Ilang araw na kasi kaming pinepeste ng mga bubwit na nakikipagpatintero sa amin tuwing naglalakad kami sa maliit naming kusina. Ang iba naman sa mga ito’y naghahabulan pa sa lagayan ng mga laruan niya. Ayaw niyang ipapatay ang mga ito kahit pa ipinaliwanag kong delikado sa kalusugan ang pagkakaroon ng mga daga sa bahay. Sabi niya, baka daw malungkot ang ina ng bubwit pag namatay ito. Baka mamatay din daw ang nanay nung bubwit sa kaiiyak, dagdag niya pa. Humupa lang ang pag-iyak niya nang sinabi kong hindi na namin papatayin ang mga ito. (itatrap na lang naming at itatapos sa basura?) Sa isang banda, natuwa ako sa nakita ko sa anak ko. Senyales ito na may pagpapahalaga siya sa buhay, kahit pa ito daga. Sensitibo rin siya sa mararamdaman ng nanay ng bubwit kung sakaling mamatay ito. Alam niya ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. Ramdam ko ang pagiging sensitibo ni ambon sa mararamdaman ko at nang ibang tao lalo na nitong mga nakaraang buwan. Nagmamature na talaga ang anak ko…hay.
Huwebes, Nobyembre 20, 2008
ang nawawalang libog sa pagsusulat
Lunes, Nobyembre 10, 2008
Ms. Unibers-idad
Ano ba ang batayan ng kasiyahan ng isang tao? Nagpapapakalalim na naman ang tono ko pero ang totoo simple lang naman ang sagot diyan: kung nagagawa mo ang mga gusto mong gawin ng wala kang natatapakan. Nitong mga nakaraang buwan, natuklakasan kong kaya ko rin naman palang makapagsulat ng mga kuwento, tula at kritisismo. May kababawan man ang mga sinusulat ko, ang mahalaga, naibubulalas ko ang mga gusto kong sabihin. Kaya’t napagdesisyunan kong lumipat ng kurso ng malikhaing pagsulat mula sa gradwadong aralin ng Filipino. Mainam ito naisip ko, dahil marami akong oras nakatunganga at nag iisip, mas mabuting isinusulat ko na lang ang lahat ng ideyang naglalaro sa isip ko. Pangalawa, lagalag naman ako araw-araw. Maraming ideya na maaring laruin sa mga sulatin. Pangatlo, hinikayat na rin ako ng mga kaklase ko at guro nitong nakaraang semestre. Matrabaho ang paglipat, bibiktimahin ka ng burukrasya sa unibersidad. Kayraming kailangang papirmahan, para akong pingpong na pabalik-balik sa mga opisina ng mga dekano at advisers ko. Kadalasan pa, kailangang hintayin ko mula sa isang meeting o oral defense o training ang adviser ko para lang makapagpapirma. Kayhirap hagilapin ng mga propesor sa UP. Kaya naman umabot ng apat na araw ang pag-aasikaso ko nito. Noong ikalawang araw ko ng pag-aasikaso nito, naisipan kong tumambay sa opisina ng kasamahan ko sa cultural work na guro sa UP. Nabanggit ko sa kanya ang desisyon kong paglipat sa MP mula sa AP. Siya lamang ang bukod tanging nagsabi sa akin na wala naman daw akong matutunan sa programang iyon. At kung ang tanging dahilan ko lang ng paglipat ng programa ay dahil sa nag-enjoy ako nang nakaraang semestre, eh malaking kababawan daw iyon. Bakit daw ba ako nag-aaral? Kagyat kong sinagot na para matuto. Eh kung gusto ko raw matuto, wag kong hanapin ang madali, walang madaling bagay sa pag-aaral. At kaya ko rin naman daw magsulat kahit hindi pumasok sa programa ng malikhaing pagsulat. Kinontra agad ng isip ko ang ideyang yon, dahil alam kong maraming-marami pa akong dapat matutunan. Napaisip ako pagkatapos nito, ni hindi ko na malunok ang kapeng barakong inialok nila sa akin kanina. Nanliit ako ng bahagya, basta ang nasa isip ko, e sa pakiramdam ko doon ako magiging masaya e, bakit ko pa ba pahihirapan ang sarili ko? At wag niyang sabihin na walang matutunan don sa prgoramang iyon, dahil kung wala, hindi na iooffer ng unibersidad ang kursong iyon. Matapos ang huling mapait na lagok sa kape, nagpaalam na ako. Inasikaso ko pa rin ang paglipat ko, desisdo na talaga ako.
At matapos ang apat na araw na hilong talilong sa pagpapapirma, nasimulan ko na rin sa wakas ang pag-eenrol ng mga subjects sa malikhaing pagsulat. Ang nakakatuwa rito, hindi na ako binigyan ng mga undergrad na subjects ng adviser ko. Konsolasyon ito sa namimintig kong mga binti at kinakalyong talampakan. Habang pinipirmahan ng tagapangulo sa gradwadong aralin ang papel ko, tinanong niya ako kung bakit naisipan kong lumipat. Naalala ko ang nakapanliliit na reaksyon ng kakilala kong guro noong isang araw. Naisip ko, magpapabibo ba ako at sasagot ng pang- Ms. Universe o magpapakatotoo ako. Hindi naman pang beauty contest ang personalidad ko kaya nagsabi ako ng totoo. Ang sabi ko, “masaya po ako kapag nakapagsusulat, yun lang po talaga ang dahilan ko.” Akala ko, manliliit akong muli sa reaksyon niya, pero nagkamali ako. Itinaas niyang muli ang tiwala ko sa sarili ko nang sinabi niyang best reason naman daw ang kasiyahan para sa lahat ng bagay. Kung saan ako masaya, dapat sinusunod ko. Nang narinig ko to, parang nakatanggap ako ng korona na pang-Ms. U. Winner!
Martes, Oktubre 14, 2008
Ang Paglalayag ng Prinsesa ng mga Bituin
alay sa mga biktima ng MV Princess of the Stars Tragedy
Isang gabi, inutusan ni Haring Sulpicio na maglakbay ang kanyang anak na Prinsesa sa kaharian ni Haring Neptuno upang maghatid ng mga binhi sa karatig na isla. Malugod na sinunod ng Prinsesa ng mga Bituin ang kanyang ama. Pumalaot siya at naglayag kasama ng mga binhi. Naaliw ang Prinsesa sa simponiyang huni ng mga ibon sa papawirin at marahang pagispis ng tubig sa kanyang katawan.
Lumipas ang mga oras, nalibang ang Prinsesa at nakisayaw sa mabining indayog ng karagatan. Tuloy, hindi niya namalayan ang nagbabadyang panganib sa kaharian. Binalaan ang Prinsesa ng mga kawal ni Haring Neptuno na huwag nang tumuloy sa paglayag ngunit ipinagsawalang bahala niya ito. Mahigpit na ibinilin ng kanyang Amang Hari na dalhin ang mga binhi sa kabilang isla anuman ang mangyari.
Ang masuyong galaw ng mga alon ay napalitan ng magaslaw na sayaw. Ang mala-orkestrang ihip ng hangin ay sinabayan ng dumadagundong na kulog at kidlat na sumusuyod sa pinakapusod ng dagat. Humiyaw ang hagayhay at binulabog ng daluyong ang buong kaharian. Dahil dito, nahintakutan ang Prinsesa ng mga Bituin. Maya-maya pa’y umalingawngaw ang mga panaghoy ng dala niyang mga binhi. Nanulay ang kanilang mga hibik sa bawat haplit ng alon. Nagsalimbayan ang kanilang mga boses sa konsyerto ng kawalang pag-asa. Hanggang sa namaos ang mga panangis at saklolo. Tuluyan na silang inanod ng agwahe ng kalungkutan.
Gustuhin mang iligtas ng Prinsesa ang mga binhi’y wala na siyang magawa. Sinagupa niya ang mga dambuhalang alon ngunit hindi siya nagtagumpay. Hanggang sa natapos ang nakabibinging dalit ng kamatayan. Maraming binhing nasayang, mga binhing papasibol pa lamang ang mga pangarap.
Napuno ng kirot ang pagdating ng umaga. Ang ibang binhi ay kinatigan ng kaligtasan ngunit lumutang ang ilang mga inulilang pangarap sa dalampasigan ng Sibuyan. Matapos ang ilang buwan, ang Prinsesa ng mga Bituin ay nanatiling naghihingalo sa karagatan. Sa pusod nito, may mga naiwang bakas ng kapabayaan. Hindi pa rin tuluyang namaalam ang alaala ng nakaraang sigwa.
nang matapos ang lahat (wow? love song!)
Nakakahinga na ako ng maayos ngayon matapos ang madugong pagsusulat ng sandamakmak na paper requirements sa school. Sabi ko nga sa mga klasmeyt kong si Beng at Ron, natuyot ang kakarampot kong brain cells sa pagsusulat. Naubusan ata ng oxygen. Sabi ko din, sana lang di ko ibagsak ang mga subjects ko ngayon sa dami ng absences ko. Naipilit ko namang ihabol kahit papano ang mga papel ko kahit pa nabubulok na 'ko dito sa isla ng Sibuyan. (amoy endosulfan nako!) Sana lang din, counted sa computation ng grades ang honesty at effort. Masyado kasing personal ang mga naisulat ko. Parang dyornal-dyornalan lang, walang kalaliman, puro kababawan. Hay. Isang malaking good luck sa 'kin.
Gusto kong magpamasahe!