Biyernes, Agosto 29, 2008

pagkurap (corrupt) ng alaala

Nacorrupt ang hard disk ng mac ko, umisplit na siya sa material world tulad ng dati kong globe number. Ngayon buhay na ulit ang kaibigan kong laptop, ginastusan ko para magkaroon siya ng bagong “utak”. Minsan talaga bumibigay ang utak ‘no?

Iniyakan ko pa ang pag-iwan sa akin ng hard disk ko, pero di tulad ng pag-iyak ko noong iwan ako ng asawa ko. Ilang beses ko ring ginawan ng paraan na maretrieve ang lahat ng data nito tulad din ng ilang beses akong nagtangkang isalba ang relasyon namin ng dati kong asawa. Pero ang lahat talaga ng bagay ay may katapusan. Tinuldukan na ng pagkasira ng hard disk ang lahat ng alaala ko . Nandun kasi lahat ng mga dyornal ko. Baka nga kailangan ko nang kalimutan ang lahat-lahat. Pero nanatiling matalas ang aking gunita…di madaling kalimutan ang lahat.

Biyernes, Agosto 8, 2008

pagmumuni

isa na namang pagmumuni. Nagtatalik na naman ang mga makukulit kong brain cells. Hindi ko alam kung paano nga ba pangatawanan ang muli kong pagsabak sa hamon ng akademya. Nahihirapan ako sa sandamakmak na babasahin, sa sangkatutak na reports at papers na kailangang gawin.