Lunes, Disyembre 14, 2009

Ina-Anak dyornal

Isang Paglingon

Postmortem. Ito ang proseso ng pagbabalik-tanaw ko sa aking journal. Isang introspeksyon o pagsukat sa sarili bilang ina at anak. Sa proyektong ito, napatunayan kong ang pagsusulat ay isang paglalantad. Isang proseso ng pagbubukas sa sarili. Ang totoo’y may kasamang malaking hiya ang pagpasa ko nito bilang isang malikhaing akda. Hindi naman talaga maituturing na akdang pampanitikan ang aking mga tala sa journal. Naudyukan lamang ako ng ilang kaklase sa Malikhaing Pagsulat at inabisuhan ng aking guro na ipasa ito bilang pinal na papel. Editing ang aming subject at tingin ko’y malayo at hindi angkop na materyal ang journal. Gayunpaman, itinuloy ko pa rin ang proyektong ayusin ang ilang tala sa aking journal at nagkamali ako sa aking haka. Mayamang batis pala ang aking sariling buhay at maraming-marami pala ang kailangan kong baguhin sa gramatika gayundin sa tamang pagbaybay ng mga salita. Baguhan ako sa kursong malikhaing pagsulat at aminado akong isa ako sa mga tinatawag na manunulat na nagsusulat para sa sarili lang dahil hanggang journal lang itinatawid ng aking panulat. Dahil hindi pang-akademya ang mga gamit na salita at conversational ang halos kabuuang tono, madali namang nagamot ang mga akda. Gayunman, inaamin kong marami pa ring elemento ang kailangang baguhin tulad ng stratehiya sa magandang pagsisimula at ang kabuuang tono ng mga tala.
Bukod sa mga librong ginamit at napag-aralan sa klase tungkol sa pag-eedit, binalikan ko ang ilang librong tumatalakay sa pagsusulat ng ganitong genre. Nakatulong ng malaki ang Creative Nonfiction Manual for Filipino Writers ni Cristina Pantoja Hidalgo at ang kakambal nitong libro na naglalaman ng ilang halimbawa ng mga sanaysay. Hinalungkat ko rin ang ilang elementong nagpapayaman sa mga akdang gaya nito sa librong The Literature of Reality ni Gay Talese. Binasa ko rin ang koleksyon ng mga personal na sanaysay ng mga premyadong manunulat na sina Rene Villanueva at Fanny Garcia. Matapos nito, lumundag na ako sa muling pagbabasa ng aking sariling journal. Mahilig akong magsulat ng journal. Kipkip ko lagi ang aking notebook sa tuwing umaalis lalo’t bumabyahe nang malayo. Selective kasi ang aking memorya. Kailangang maitala ang mga alaala bago pa ito tuluyang umalpas. Pinili kong ipasa ang mga talang naglalandas sa aking karanasan bilang ina at anak. Ipinapalagay kong may malikhaing puwersa para sa akin ang dalawang mahalagang papel na ito. Binaybay ng aking gunita ang bawat malulungkot at masasayang bahagi ng aking pagiging ina at anak.
Madaling proseso ang pagbabalik-tanaw at muling pagsilip sa ilang nagdaang sandali. Madaling ayusin ang ilang datos at alisin ang ilang bahaging sa tingin ko ay dapat manatiling pribadong alaala. Ang mahirap na bahagi ay ang mabigat na paglilimi na sumasabay sa agos ng bawat gunita.

KAY AMBON
Noise barrage, pulahang bandila ng mga makakaliwa, oust Erap! Mga taong nagmamartsa sa kahabaan ng EDSA, sumisigaw ng kanilang panawagan. “Sobra nang pahirap! Patalsikin si Erap!” Tinawag nila itong EDSA Dos, ang makasaysayang People Power na naging saksi sa pagbubuntis ko sa iyo. Nagsimula sa matinding pag-iingay sa unang gabi kasabay ng parang langgam na pagsulpot ng taumbayan habang nagmamartsa patungong EDSA Shrine. Ang malaking imahe ni Inang Maria sa tuktok ng shrine ang nagsilbing “sumbungan” ng mga Pilipino sa tuwing may namumuno sa bansa na tiwali at abusado. Ito rin ang makasaysayang lugar na naging saksi sa unang People Power, ang mapayapang rebolusyon noong 1986. Bata pa ako noon anak, nagpunta rin kami ng lolo mo sa EDSA, pasan-pasan niya ako sa balikat niya. Katulad noon, sari-sari ang taong dumating sa shrine, katoliko, muslim, estudyante, manggagawa, bata, matanda. Lahat pinabababa sa puwesto ang noo’y Pangulo ng Pilipinas. Namumukod tangi ang isang mamang nasa paanan ng higanteng rebulto ng Inang Maria. Nakatatak sa pulang bandilang isinasayaw niya, “Erap’s Ouster is the people’s demand but Gloria is not the people’s choice”. Halos limang araw ding nagtagal ang raling ito. Hindi mahulugang karayom ang tao sa kahabaan ng Ortigas Avenue at EDSA. Langkay-langkay ang pagdating ng mga taong nakikiisa sa panawagan ng lahat. Sa ika-huling araw nang mapabalitang aalis na sa Malakanyang ang unang pamilya, naroon muli ako sa EDSA. Dalawang buwan ka pa lang noon sa sinapupunan ko. Tulad ng dati, nakibahagi akong muli sa isa na namang makasaysayang yugto sa Pilipinas. Nagtatrabaho na ako noon sa news department ng isang kilalang broadcasting company. At kahit sumasakit na ang puson ko, tumuloy pa rin ako sa pakikipaggitgitan sa mga tao makaakyat lang sa entabladong ginawa sa tuktok ng shrine. Doon daw manunumpa ang magiging bagong Pangulo ng Pilipinas. Kailangang maipuwesto ko ng maayos ang camera. At mula sa aking vantage point, kitang-kita ang panunumpa ni Gloria.
Noong panahong iyon, ipinaglalaban namin ang karapatang maging malaya sa kamay ng isang tiwaling pinuno. Pero walang pinagkaiba ang sumunod na nangyari, naging matagumpay ang pagpapatalsik kay Erap sa Malakanyang pero kauri din niya ang sumunod na namuno. Kasabay ng panunumpa ni Gloria, naramdaman ko ang paninigas ng puson ko. Pakiramdam ko, pati ikaw ay nag-aalsa tulad ng mamang nakapula sa paanan ng Inang Maria. Tiniis ko ang sakit. Hinintay na matapos ang panunumpa at hinayaang numipis ang kapal ng mga tao sa kalsada. Ang sumunod na eksena, nasa ospital na ako. Hindi ko halos maintindihan ang mga sinabi ng doktor. Isa lang ang klaro, nakunan ako. Inisip ko, malupit ang kasaysayang ito. Ngayon, sa tuwing naiisip ko ang EDSA Dos, naiisip kong ipinagpalit kita sa isang walang saysay na panunumpa ni Gloria.
Gayunpaman, hindi ko itinuring na nawala ka. Muli akong nagbuntis, Oktubre nang malaman kong nagbalik ka. Naisip kong hindi baguhin ang pangalang naisip ko nang ibigay sa iyo noong una – Sidhaya Pravda. Ang ibig sabihin nito ay pagpapahayag ng katotohanan. Sabi ng lola mo, baka raw magreklamo ka paglaki mo dahil baka mahirapan kang isulat ang mahaba mong pangalan. E kaysa naman Joycelyn na wala man lang kahulugan? Ewan ko ba, para sa akin kasi mahalaga ang pagbibigay ng pangalan sa bata. Dapat itong pinaghahandaan katulad ng paghahandang ginagawa ng magulang para sa kinabukasan ng anak. Naalala ko noong bata ako, tampulan ng tukso ang kaklase kong si Restituto Bulalakaw. Wala na naman siyang magagawa pa sa apelyido niya dahil Bulalakaw talaga, pero sana’y napag-isipan ng magulang niya na pagandahin kahit papaano ang unang pangalan niya. Dangan kasi’y mahina rin sa klase si Restituto, kaya’t ang tawag sa kanya ng mga pilyo kong kaklase e “Restitutong di matuto-tuto”. Naisip ko tuloy ngayon, hindi kaya tuksuhin ka rin ng iyong mga kaklase kapag nalaman nila ang iyong palayaw? Ambon kasi ang nakasanayan kong itawag sa ‘yo. Nagustuhan ko kasi ang isang dula ni Nick Pichay na napanood ko noong nagbubuntis ako sa iyo. Ambong Tahimik ang pangalan ng bidang bata sa dula. Naisip ko, tulad ni Ambong Tahimik, tahimik din ang iyong muling pagdating. Banayad tulad ng mahinang uyayi ng patak ng ambon.

Halos hilahin ko ang paglubog ng araw at paikliin ng buwan ang mahahabang gabi. Hunyo 18, alas siete ng umaga ng maramdaman kong lalabas ka na. Pumutok na raw ang panubigan ko sabi ng lola mo kaya’t nilakad na namin ang ospital na ilang metro lang ang layo mula sa ating bahay. Naisip kong mas mapapabilis ang panganganak ko kapag naglakad. Pagdating sa ospital, idineretso na nila ako sa delivery room. Nagdadry labor na raw ako. Nauna raw kasing pumutok ang panubigan kahit hindi pa gaanong nakabuka ang sipit-sipitan ko. Naramdaman kong patindi nang patindi ang paghilab ng aking tiyan. Ilang oras pa ang hinintay at nag-umpisa nang bumilang ang doktor kasabay ng maya’t maya kong pag-ire. Bumilang pa siyang muli kasabay naman ng pagtulak sa tiyan ko ng dalawang komadronang noong panahon na iyon ay kinaiinisan ko. Pakiramdam ko kasi, sige lang sila nang sige sa pagtulak sa tiyan ko gayong naiiyak na ako sa sakit. Naisip ko rin baka matabingi ang mukha mo o mabalian ka ng buto dahil sa puwersado nilang pagtulak sa iyo. Kahit nanghihina, hinahawakan ko ang kamay nila para malaman nilang nasasaktan na ako pero ibinabalik nila iyon sa bakal na nasa ulunan ng kamang hinihigaan ko. Matapos ang mahigit labing-apat na oras na paglelabor, pag-ire at pakikipagbunuan sa dalawang komadrona, narinig ko ang iyong pagpalahaw. Kasabay ng iyong pagpalahaw ay ang tahimik kong pagluha. Noon ko napatunayan na ang hirap at sakit ay kakambal ng tuwa. Pakiramdam ko sa mga oras na iyon, nagtagpo ang ating mga mata at nag-usap ang ating kaluluwa.

HOSPITAL JOURNEY



Tama si Nanay. Hindi nagtatapos sa pag-ire at pagluwal ng sanggol ang pagiging ina. Ito’y panimulang hudyat lamang ng habambuhay na dedikasyon at bokasyon. Bokasyon dahil daig pa nito ang kahit anong propesyon sa mundo. Mahirap sa kaso ko lalo’t ako ang ina at ama. Tanging konsolasyon ko lang ang malamang hindi lang naman ako ang nasa ganitong sitwasyon.
Hindi naman ako tarantahing tao, madalas akong kalmado sa halos lahat ng bagay. Pero isang bagay ang nakapagpataranta sa akin (at marahil ng kahit sinong ina) ay noong nagkasakit ang aking anak. Ilang araw siyang nilagnat. Wala pa siyang isang buwan noon. Dinala ko sa ospital makaraan ang tatlong araw na ‘di humuhupa ang lagnat. Alas diyes pasado ng gabi noon, umakyat kasi ang lagnat niya hanggang kuwarenta kaya ako nataranta. Pagdating sa ospital, nilagyan siya agad ng suwero matapos ang ilang mga tanong sa akin ng doktor. Mabilis siyang pinunasan ng bimpong binabad sa tubig na may yelo at dali-daling tinutuyo ng isa pang bimpo. Baka raw dehydrated na rin sa tindi ng init ng katawan. Mabuti na lamang daw at hindi kinukumbulsyon. Tinanong ako kung kelan huling umihi. Hindi ko maalala! Basta ang natatandaan ko, madalang nga akong magpalit ng diaper niya at halos hindi ito napupuno. Kinuhanan siya ng dugo, marami. Hindi ko matandaan kung ilang maliliit na botelya. Iyak nang iyak si Ambon sa bawat karayom na tinutusok sa maliit niyang braso. Nagtanong ako at nakiusap na kung maaari ay tigilan na nila. Hindi raw maaari, kailangan daw ng maraming specimen dahil iba-blood culture raw ‘yon. Tinest din ang dumi niya, hindi naman matest ang ihi dahil wala nga siyang iniihi. Mabilis lang lumabas ang resulta, kinaumagahan sinabi ng doktor sa akin na may blood infection ang anak ko. Late onset septicemia, natulala ako. Naaalala ko ang ganitong sakit, ito ang ikinamatay ng Tatay Doneng ko! Ang panganay kong tiyuhin na halos tumira na sa ospital mula nang ma-comatose. Blood infection na nagsimula sa sugat niya sa likod dahil sa matagal na pagkakahiga. Kumalat ang impeksyon sa mga internal organs niya hanggang sa namatay siya! Ang sabi ng doktor ni Ambon, kailangang marule out ang meningitis. Baka raw kasi umakyat na ang infection sa utak kaya kailangang i-cranial ultrasound.
Halos sa ospital na ako tumira ng ilang linggo. Sa ikatlong linggo naming pamamalagi sa ospital, may nakatabi kaming pasyente. Inokupa nila ang bakanteng kama sa kaliwang bahagi ng kuwarto. Sanggol rin, mas maliit ng konti kay Ambon ko. Sepsis din ang sakit. Ang nanay niya’y nasa mahigit edad trenta ang tantya ko. Madalas karga ng tatay ang baby. Nanghihina pa kasi ang nanay dahil kapapanganak lamang nito. Kinagabihan, nagkumbulsyon ang sanggol at mabilis na dinala sa ICU. Naiwan ang nanay ng bata sa kuwarto, bakas sa kanyang mukha ang kagustuhang masamahan ang anak kahit man lamang sa pinto ng ICU. Ilang oras lang ang lumipas, sa pagitan ng manipis na kurtinang naghahati sa kuwarto, narinig kong sinabi ng doktor sa ina ng bata ang malungkot na balita. Umabot na sa ibang internal organs ng bata ang infection at hindi niya ito kinaya. Bumigay ang katawan ng bata. Pinapaliwanag pa ng doktor ang prognosis ng sakit pero nalunod ang mga paliwanag ng palahaw ng ina.
Takot ang naramdaman ko ng mga oras na iyon. Niyakap ko agad si Ambon at tahimik na binulungang lumaban siya. Kinabukasan, isinagawa ang lumbar puncture, binaluktot na parang korte ng hipon ang maliit niyang katawan upang makuhaan ng likidong dumadaloy mula sa utak. Pinapirma nila ako ng waiver bago isagawa ang procedure. Kailangan daw gawin iyon para masiguro kung talagang hindi naimpeksyon ang utak. Matapos nito, ibinalik siya agad sa kuwarto. Mahigpit ang bilin ng mga doktor, kailangang nakalapat ang likod ng bata sa kama sa susunod na limang oras. Hindi pa puwedeng uminom ng gatas, kahit tubig. Hindi pa puwedeng kargahin. Importanteng nakalapat ang likod niya sa kama, pag-uulit ng doktor. Galit ang isip ko noong mga sandaling ‘yon. Ang lupit niyo naman! Iyak nang iyak ang anak ko dahil sa pagbaluktot niyo sa katawan niya tapos ni yakap, hindi ko puwedeng gawin?
Kung ibinubulalas ko siguro ang lahat ng galit ko sa mga doktor, malamang marami na akong nakaaway sa kanila. May isang resident doctor na hindi “good shot” maglagay ng suwero. Sumisirit ang dugo ng anak ko kapag nagkamali ng lagay. Mula noon, sa tuwing namamaga na ang kamay ng anak ko dahil sa suwero at kailangan nang ilipat sa paa o sa kabilang kamay niya, ipinapatawag ko pa ang pinakamagaling na resident doctor. Isang buwan kami naglagi sa ospital bago kami pinauwi. Magaling na raw si Ambon, pero matapos ang dalawang linggo, nilagnat na naman siya. Naubos ang lahat ng leave ko sa trabaho kasabay nang pagkaubos ng naipon kong pera sa bangko. Dahil dito, nakaipon ako ng mga utang sa mga kapatid at kaibigan. Panibago at komplikado ang diagnosis kay Ambon, pneumonia hanggang sa naging tumor sa baga. Ilang linggo pa kaming nagtagal hanggang sa naging tatlong buwan. Tinutunaw ng matataas na uri ng antibiotics ang pseudo tumor niya sa baga. Kasinlaki ng kalamansi ang nakitang tumor noong pina-CT-scan siya. Ipina-dye rin ang kanyang baga bago ipasok sa makipot na tunnel ng MRI (Magnetic Resonance Imaging). Sa tuwing isinasagawa sa kanya ito, ilang oras ang ginugugol namin sa pagpapatulog sa kanya. Isang uyayi na paulit-ulit kong kinakanta ang nakakapagpatulog sa kanya. Ayokong i-sedate siya ng mga doktor gamit ang cough syrup o isang uri ng gas na pinapump sa bibig. Kailangan kasing tulog na tulog siya para hindi gumalaw habang isinasagawa ang diagnostic procedure.
Hindi lang utang ang naipon namin sa loob ng tatlong buwan, nakaipon din kami ng mga X-ray, CT scan at MRI films. Matapos ang ilang buwang kalbaryo kasama ng walang tigil na dasal, gumaling na nang tuluyan si Ambon. Pinag-aralan ng mga eksperto ang kaso niya dahil madalang raw na kaso ang ganoong sakit na gumagaling. Sabi ng isa sa mga doktor niya, espesyal daw at matapang na bata si Ambon. Baka raw maging presidente ng Pilipinas biro pa ng isa. Nangiti ako at naglaro sa isip ko kung ano nga kaya siya paglaki niya?

AMBISYON

Isa lang ang inambisyon ko noong bata ako. Gusto kong maging abogado. Pero nang naghigh school ako, naiba ang ihip ng hangin. Noon kasi ako nahasa sa pagdidirehe ng mga sabayang bigkasan at mga dula. Madalas din akong sumali sa mga declamation at oratorical contest. Tuwang-tuwa ang tatay at nanay ko dahil lagi akong nakakapag-uwi ng medalya sa tuwing sumasali ako. Mula noon, naging pambato ako ng eskuwelahan kapag paligsahan na sa labas ang pinag-uusapan. Pero doon na ako umuuwing luhaan. Iba na kasi ang kumpetisyon sa labas. Mas maraming magaling na pinagpipilian at naglalaban-laban. Nang nagkolehiyo ako, lalong napamahal sa akin ang teatro. Doon ko nakilala ang mga kaibigan ko habambuhay. Ginagabi ako madalas ng pag-uwi hindi lang dahil sa mga rehearsal kundi dahil na rin sa “bonding” naming magkakabarkada. Mahilig kaming tumambay sa lumang auditorium at doon nagkukuwentuhan ng mga bagahe at pangarap sa buhay. Noon ko na-realize, hindi ko pala natupad ang ambisyon kong maging abogado. At kahit marami pang panahon, ayoko nang tuparin pa ito. Nalaman ko kasing magaling lang magbaluktot ng katotohanan ang mga abogado. Teatro, pagsusulat, pag-arte o pagdidirehe, ‘yun ang gusto ko.
Hindi ko katulad ang anak ko na may pagkarami-raming ambisyon sa buhay. Kapag tinatanong ko siya kung anong gusto niyang maging paglaki niya, depende sa mood at sitwasyon. Noong una’y gustong-gusto niyang maging doktor, pediatrician pa nga. Siguro’y dahil sa regular naming pagbisita sa doktor niya, nagustuhan niya ang ganitong propesyon. Ibinili ko pa siya ng mga laruang plastic na stethoscope, syringe at kung anu-ano pa. Nang naglaon, tinanong niya ako kung puwede raw bang maging pediatrician at veterinarian. Sabi ko isang espesyalisasyon lang hangga’t maaari. “Baka naman mapagbaliktad mo ang gamot sa baby at sa aso anak,” biro ko pa sa kanya. Hanggang sa makalimutan na niya ang pagdodoktor pero hindi ang pagmamahal sa hayop. Pinangarap niyang maging zoo keeper. Inaral niya ang mga parte ng katawan ng iba’t-ibang klaseng hayop pati na ang mga dinosaurs! Alam na alam niya kung mga plant eaters o meat eaters ang bawat isa. Basa siya nang basa ng lahat basta tungkol sa mga hayop. Kung ang ibang mga bata, nagko-computer para maglaro, si Ambon, basa nang basa sa ininstall kong Encarta Library. Lahat tungkol sa mga hayop. Isang beses dinala ko siya sa Dino’s Alive, isang exhibit/adventure camp ng mga dambuhalang dinosaurs. Dinaig niya ang mga tour guide sa exhibit dahil kabisado niya ang bawat dinosaurs na makita niya. Matagal niyang papangaraping maging zoo keeper hanggang sa magustuhan niyang maging janitor, basurero at rainforest keeper. Wow! Environmentalist ang anak ko! Ayaw niyang may mga nakakalat na basura. Sa bahay, kahit anim na taong gulang lang siya, responsibilidad niya ang magpunas ng sahig bukod sa pagliligpit ng laruan niya. Masaya naman niya akong susundin kapag inuutusan ko siya nito pero nang inayawan niya na ang pagiging janitor at basurero, kinatamaran na rin niya ang paglalampaso. Ginusto niya ring maging karpintero o kaya’y construction worker. Ibinili ko rin siya ng mga laruang plastic na martilyo, lagare, mga malalaking turnilyo, pako, plais at iba pa. Kapag may sirang upuan sa bahay at nakikita niyang kinukumpuni ko, aakuin niya ang trabaho sa akin at mangingiti na lang ako. May mga laruang truck din akong binili. Iba-iba, truck na panghalo ng semento, crane, trailer, forklift truck hanggang sa makabuo na siya ng maliit na construction site. Semento niya ang iba’t-ibang kulay ng clay at naglalamukos siya ng maliliit na papel para maging graba niya.
Isang beses, nadeploy ako sa Benguet dahil may nangyaring landslide. Tumawag siya at nagpaalam sakin na ibebenta niya raw ang ilan sa mga pinamili namin. Gusto niya raw kasing maging businessman! Nagtinda siya ng mga biskwit, stick-o at nilagang itlog ng pugo sa compound kung saan kami umuupa. Binentahan niya ang mga kalaro niya, tuwang-tuwa siya nang umabot ng 107 ang benta niya. Makaraan ang isang linggo nang makabalik ako, inintrega niya agad sa akin ang pinagbentahan niya.
Minsan naman, gusto niyang maging chef. Lagi ko kasi siyang sinasali sa paghahanda ng pagkain namin. Taga-kuha ng platito, ng sibuyas, bawang at sangkalan. Hindi ko siya pinapayagang maghiwa. Minsan lang, kapag hindi nagmamadali at ginagabayan ko ang kanyang kamay. Kung may apron ako, may apron din siya. Nakatuntong siya sa puting monoblock na upuan habang naggigisa ako o nagsasangkutsa ng mga sangkap. Paborito niya ang amoy ng bawang sa simula ng paggigisa. Habang nagluluto ako, sinasabayan ko ng kuwento tungkol sa karinderya namin noong bata ako. Tapos bigla maiisip niyang sana hindi na ako nagtatrabaho, sana magkarinderya na lang daw kami, para parati kaming magkasama.
Manunulat in the making din ang anak kong si Ambon, mahilig siyang gumuhit at magkuwento. Ang pad paper niya nauubos sa kadodrawing na may kasamang kuwento. May mga kuwentong ang mga tauhan ay may mga superpowers na palagay ko’y nakuha niya sa mga pinapanood niyang cartoons. Mayroon namang kuwento tungkol sa isang batang binubully. Tinanong ko tuloy siya kung binubully ba siya sa eskuwelahan. Sabi niya naman ay hindi. Mayroon ding kuwento tungkol sa pamilya. Ang miyembro ng pamilya niya? Ako, siya at ang aso naming si Danaya. Ito ang konsepto niya ng pamilya. Hindi na siya gaanong nagtatanong kung bakit kaiba ang pamilya niya. Maaga ko kasing ipinamulat sa kanya ang sitwasyon naming mag-ina. Inilagay ko sa isang clear book ang lahat ng mga kuwento niya na isinulat niya sa inggles. Paglaki niya, ipababasa kong muli lahat sa kanya.
Alam kong ilang taon mula ngayon babalikan kong muli ang sinulat kong ito at mangingiting muli sa bawat munting pangarap na binuo niya sa kanyang musmos na isipan. Malay natin, siya pala ang tutupad sa pangarap kong maging isang mahusay na manunulat.

TOXIC

Magdamag akong alumpihit sa higaan. Hindi ako halos nakatulog ng maayos. Pagbaling ko sa kaliwa, naroon si Ambon, himbing na himbing sa pagtulog. Tinititigan ko ang maaamo niyang mukha. Isa ito sa mga paborito kong gawin, ang titigan siya habang himbing. Napapawi ang lahat ng lungkot, pagod at lahat ng pangamba. Banayad kong idinikit ang aking pisngi sa kanyang mukha. Ipinaghehele ako ng mahina niyang hilik. Bago pa man ako nakatulog, marahan kong dinampian ng halik ang namimintog niyang pisngi.

Sing-amo ng kanyang mukha ang sikat ng araw ngayon, hindi tulad ng nakaraang sabado at linggo. Humupa na talaga ang masungit na panahon na dala ng bagsik ng bagyong Frank. Magsisimula na naman ang mahabang araw ko. Naunahan pa ng pagtunog ng alarm ng cellphone ko ang tawag mula sa aming opisina. Pinapapasok ako ng maaga. Kailangan daw ng technical team sa Pier 12. Naroon daw ang tanggapan ng Sulpicio Lines, ang may-ari ng barkong lumubog noong nakaraang sabado sa Romblon. Ayon sa nakalap na balita ng aming tanggapan, parami na raw nang parami ang mga kamag-anak ng pasahero ng MV Princess of the Stars sa opisina ng Sulpicio para makibalita. Karamihan sa mga ito ay mula rito sa Maynila, ang iba naman ay galing pa sa probinsya. Dali-dali kong ibinaba ang telepono matapos malaman ang kaunting detalye.

Nagpakulo ako ng tubig na pangkape, nagsalang ng kawali at pinainit ang mantikang pagpiprituhan ng itlog, tuyo at hotdog –- ang paborito naming almusal ng anak ko. Nagsalang na rin ako ng sinaing sa isa pang kalan. Habang nagluluto at kasabay ng paghigop ng mainit na kape, naisip ko kaagad ang mga eksenang tatambad sa akin pagdating ko sa pier. Mga nag–iiyakan at nagwawalang kamag-anak na nakaabang sa kung anumang balitang ihahain sa kanila ng Sulpicio at ng coast guard. Pagkaluto ng almusal, naligo na ako. Tulog pa si Ambon, tanghali pa ang pasok niya sa eskuwela. Grade 1 na siya ngayong taon, “binata ka na anak, 6 kana,” ang biro ko pa sa kanya noong unang araw ng pasukan. Kapag binibiro ko siya ng ganun, naniningkit na ang mata niya sa pagkakangiti at saka yayakap ng mahigpit. Likas na malambing ang anak ko. Palibhasa’y lumaking puno ng pagmamahal kahit ako lang ang kinagisnan na nanay at tatay. Hindi siya hirap sa pagpapakita at pagpapahayag ng nararamdaman. Kaka-anim na taong gulang niya pa lang noong a-disi-otso nitong buwan na ‘to. Nagulat ako nang sinabi niya sakin noong bertdey niya na ayaw niya na raw tumanda. Tinanong ko siya kung bakit. “Eh, kasi po ayoko pang mamatay, ikaw din nanay, ayokong tumanda ka, kasi ayokong mamatay ka.” Sabi ko, “bakit mo naman nasabi ‘yan? Anak, lahat ng tao ay tatanda. Lahat ay talagang hahantong sa ganoon. Bakit? Natatakot ka ba?” Tumango siya ng marahan. Tinanong ko kung bakit siya natatakot. Sabi niya “kasi po si Lola, ang tanda-tanda na, tapos maraming sakit, sabi ni Kuya Ched (ang pinsan niya) malapit na mamatay si lola…totoo ba ‘yun nanay?” Natahimik ako, naramdaman ko ang takot niya, dahil tulad niya, takot din akong mawala na ang nanay ko.
Sa edad niya ngayon, ang inaasahan kong tanong ay kung gaano karami ang mga kumikindat-kindat na bituin sa langit at kung bakit sumusunod sa kanya ang buwan sa tuwing naglalakad siya. Ito kasi ang mga tanong ko sa nanay ko noong bata pa ako. Hindi ang tungkol sa kamatayan. Hindi ako naging handa sa ganitong klaseng usapan. At hindi yata ako magiging handa sa kasalukuyan. Tulad ng maraming pagkakataong hindi ko na maapuhap ang mga paliwanag sa kanyang mga tanong, yakap lang ang kaya kong ibigay na sagot.
Pupungas-pungas na bumaba si Ambon kasunod ng aming kasambahay na si Ate Ging. Inaya ko na agad silang mag-almusal dahil maya’t maya ang tunog ng cellphone ko. Nangungulit na sa text ang mga kasamahan ko. Bahagyang nagtaka ang anak ko kung bakit nagmamadali na naman daw ako. May nangyari na naman daw ba? Tanong niya. Kabisado na ng anak ko kapag ganitong nagmamadali ako, ibig sabihin, may nangyari na naman. Kabisado na rin niya ang trabaho ko – na kung saan may gulo, may sunog, may patayan o kung anumang sakuna, nandoon ako.
“Pupunta ako sa pier anak, doon nakapark ang mga big boat. May lumubog kasing big boat noong Sabado,” paliwanag ko. Bahagyang kumunot ang noo niya, “Nanay, wag ka sasakay sa big boat ha”, paniniguro niya. Tipid na ngiti ang sagot ko. Hinalikan ko siya sa noo, sabay nagpaalam kahit di pa tapos nguyain ang huling sinubo kong pagkain.
Habang bumabyahe, bumalik sa alaala ko ang malulungkot na imahe sa naganap na paglubog ng MV Princess of the Stars. Mga lumulutang lutang na katawan ng mga biktima, mga naagnas at lumobong katawan ng mga bangkay, mga sugatan na nakaligtas sa malagim na trahedya. Naisip ko tuloy, ano ang iniisip nila nang nagdeklara na ang kapitan na iwan na nang lahat ang barko. Naisip ko ang mga batang sakay ng barko, mga batang punong-puno ng pangarap. Mga pangarap na tinuldukan ng isang malagim na trahedya. Naitanong ko rin sa sarili, ano ang gagawin ko kung sakaling ako ang nasa kalagayan nila? Isang malalim na buntong hininga lang ang naisagot ko. Sa pagitan ng buntong hininga at pagiging tulala, naisip ko si Ambon, ang kanyang takot.
Pagdating sa pier, hindi na ako nagulat sa dinatnan ko. Tulad ng inaasahan, napakaraming pamilya ang dumagsa sa tanggapan ng Sulpicio. Lahat ay umaasa na buhay pa nilang makikita ang kanilang mga kaanak na sakay ng barko. Sa una’y maayos pa silang nakikipagdayologo sa tagapagsalita ng Sulpicio pero nang kalaunan, ‘di na napigilan ang ilan. Pinaghalong galit, sakit at pagod ang nararamdaman ng bawat kapamilyang naroroon. Ang iba’y nawalan ng malay dahil sa lumiliit na pag-asang makita pa nilang buhay ang kanilang kaanak. Ang isa’y umakyat pa sa mataas na tore na kinalalagyan ng tangke ng tubig ng Sulpicio at doon ipinahayag ang kanyang hinaing. Desperado na ang lahat, isa-isa nilang idinikit sa pader ang mga larawan ng kanilang mahal sa buhay na sakay ng lumubog na barko. Sa tapat nito, nagtirik sila ng mga kandila. Mga larawan ng mga buhay na nasayang at inanod na mga pangarap. Sa isang iglap, maraming naglahong pangarap at nabuwisang buhay.
Maya-maya, dumating na ang kasama naming reporter, hudyat na ito na kailangan ko nang mag-edit para makahabol sa ere. Pagkatapos ng ere, kukuha na naman ng bagong video, edit ulit, ere ulit. Sa buong maghapon, ganito ka-toxic. Pasado alas dose na ng madaling araw nang matapos ang huling ere namin sa pang-gabing programa. Pagkauwi, hindi na naman ako makatulog. Gusto ko nang ipahinga ang pagod kong katawan, pero di mawaglit sa isip ko ang mga imahe nitong mga nakaraang araw. Magdamag na naman akong alumpihit sa higaan. Pagbaling ko sa kaliwa, naroon ang aking anak, himbing na himbing sa pagtulog. Tinititigan ko ang maamo niyang mukha. Isa ito sa mga pinakagusto kong gawin, ang titigan siya habang himbing. Napapawi kasi ang lahat ng lungkot, pagod at lahat ng pangamba. Banayad kong idinikit ang aking pisngi sa kanyang mukha. Narinig kong muli ang mahina niyang hilik, ipinaghehele ako nito.
Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang dapuan ako ng antok. Humalik na ang buwan sa maamong sikat ng araw. Marahan kong dinampian ng halik ang namimintog niyang pisngi at saka pumikit. Saglit kong hinayaang iduyan ng magagandang alaala ang pagod kong katawan.

SEPARATION ANXIETY

Iyakin ako. Ito ang isang bagay tungkol sa akin na hindi alam ng lahat. Matapang ang tingin ng karamihan sa akin. Pero ang totoo, iyakin ako. Mababakas ito sa panulat ko pero sa mukha at tindig ko, mahihirapan ang sinumang maaninag ito.
Naalala ko noong bata ako, madalas akong umiiyak kapag umaalis ang nanay ko sa tuwing papasok siya sa trabaho. Napilitan pa ang nanay kong tumigil na lang sa pagtatrabaho at magtinda-tinda na lang sa bahay ng kung anu-ano dahil sa lagi’t laging paghahabol ko sa kanya sa tuwing umaalis siya. Nagtinda siya ng pahulugang panty at bra pati mga cosmetics. At nang makaipon ng puhunan, nagtayo ng turu-turo sa tabi ng bahay namin. Nabawasan na lang daw ang pagiging iyakin ko at paghahabol kay nanay nang pumasok na ako sa eskuwela.
Araw-araw kong nilalabanan ang takot na mawala siya. Kahit noong dalagita na ako, bago pumasok sa eskuwela, lagi’t lagi kong tsinetsek kung tumitibok pa ang puso niya. Sinisiguro kong may pulso pa siya bago ako tuluyang bumangon. Natatakot akong hindi na siya magising. Idinidikit ko ang tainga ko sa kanyang dibdib o ‘di kaya’y tinititigan nang husto kung umaalon pa ang kanyang tiyan. Ngayon ko lang naisip, ganoon pala katindi ang takot kong mawala siya.
Kilala si Nanay sa looban dahil sa mga ibinebenta niyang pahulugan. Sa tuwing lumalabas siya, lagi siyang nakapustura. Sinasampol sa sarili ang mga ibinebenta niyang cosmetics. Maganda ang nanay ko, maputi at makinis ang balat na parang artista ang dating. Katunayan, Susan Roces ang tawag sa kanya ng mga suki niya. Lagi siyang nakabihis ng maayos, hindi siya lumalabas ng bahay nang nakadaster lang. Hindi siya mahilig mangapitbahay. Kapag nasa bahay, inaalagaan kami at ang mga paborito niyang halaman pati ang kinaiinggitang bougainvilla na umaarko sa looban. Lumalabas lang siya ng bahay kapag mag-aalok ng paninda. Hindi siya marunong makipagtsismisan. Lagi lang nakangiti sa mga tao sa looban kahit pa hindi siya binabayaran ng ilan sa mga kinuha nilang pahulugan. Basta’t lagi lang siyang nakangiti. Katwiran niya, para hindi raw agad tumanda.
May anak na ako nang nagkasakit si Nanay. Nastroke siya bago pa mag-isang taong si Ambon. Mula noon, unti-unting nanghina ang kanyang dating masiglang katawan. Hindi na siya nakakalabas ngayon ng bahay. Hindi na rin siya gaanong nasisikatan ng araw kaya’t lalong pumutla. Ang laki na nang itinanda ni Nanay. Lagi na lamang siyang nakaupo sa dalawang monoblock na upuan na may sandalan (dalawa dahil hindi kaya ng isang upuan ang bigat niya). Hindi na niya kayang itayo at iupo ang sarili niya. Kailangan ng tulong ni Tatay at ng isang kapatid kong babae ang paghiga at pagbangon niya. Ayaw niya ng sinusuotan siya ng diaper, kaya’t pahirap ang maya’t maya niyang pagpunta sa banyo para umihi o di kaya’y dumumi. Hindi na ako nakatira sa Ilaya mula nang nagkaanak ako kaya’t tuwing Linggo na lamang akong pumupunta at dumadalaw sa kanila. Tuwing Linggo, ako ang nakatoka sa pagpapaligo sa kanya. Ang totoo, iniiwasan ko ang araw ng Linggo. Iniiwasan ko ang obligasyon kong paliguan siya. Iniiwasan ko ito hindi dahil sa ayaw ko siyang alagaan. Iniiwasan ko ang katotohanang matanda na siya at kailangan nang alagaan, subuan at paliguan. Tuwing Linggo, ganitong tanawin ang bumubungad sa akin kapag dinadalaw ko si Nanay: wala na ang nakaarkong bougainvilla sa looban, wala na ang gate naming dati’y matingkad ang pagkapula, naroon na lang nakaupo sa may pintuan ang isang matandang babae na nakasuot ng kupasing daster, maputla ang mukha dahil walang pustura.
“Dati, ako ang nagpapaligo sa iyo,” sabi ni Nanay noong isang beses habang pinapaliguan ko siya. Nginitian ko siya, “e dati rin naman po hanggang balikat niyo lang ako, ngayon hanggang balikat ko na lang kayo,” pagbibiro ko pa habang itinatago ang panginginig ng boses ko.

Matagal kong pinaglimian ang ganitong tagpo hanggang sa unti-unti ay nakayanan ko nang tanggapin. Marahil ganoon din si Ambon. Dati-rati’y hindi ako makapaligo ng hindi nakabukas ang banyo. Naroon siya sa pinto, nanonood. Kailangang hindi ako mawala sa pangingin niya kung hindi’y aatungal siya. Sa tuwing papasok ako sa trabaho, hinahatid pa nila ako hanggang kanto. At naaalaa ko ang isang tagpo noong anim na taong gulang siya. Ang takot niyang tumanda dahil ang pagtanda para sa kanya ay singkahulugan ng kamatayan.
Ngayon, hindi ko na iniiwasan ang araw ng Linggo. Hindi ko na iniiwasan ang pagpaligo kay Nanay. Sa tuwing dumarating ako, iba na ang tanawing nakikita ko – kahit wala na ang nakaarkong bougainvilla sa looban at kahit kalawangin na rin ang gate na dati’y matingkad ang pagkapula, mananatili sa alaala ko ang anyo ng isang magandang babaeng kahit walang pustura at nakadaster ay parating may sinasalubong na ngiti.







Bakit Hindi Mapakali si Ambon?


Marahil kung makikilala niyo si Ambon, mauunawaan niyo siya. Oo, siya iyong tipo ng bata na hindi mapakali sa upuan, iyong parang may bulate sa puwet o di kaya ay parang kiti-kiti? Hindi mapagsabihan ng isang beses at bata pa ay masyado nang nag-uulyanin. Laging nakakalimutan ang kahit anong bagay na ibilin sa kanya pati na ang mga gamit niya sa eskuwela. Sabi pa ng iba, matigas daw ang ulo ni Ambon. Matalino raw sana kaya lang ‘di marunong sumunod sa mga instructions. Kapag nasa klase siya, madalas siyang mapagsabihan ng teacher niya. Masyado raw maingay at hindi mapigilan kapag nagwawala, minsan nga raw naglulupasay pa. Napakadali niyang mainip, hindi siya nakikinig kapag wala siyang interes sa isang bagay. Halos lahat ng mga naging teachers niya mula nang nag-aral siya laging may sumbong matapos ang klase. “Mrs. si Ambon ho, nangagat ng kaklase; Nanay, nakipag-away na naman po si Ambon; Ma’am, si Ambon ho paikut-ikot sa klase, lakad nang lakad at malakas pa ho ang boses sa akin.” Araw-araw, mula nang nag-aral si Ambon ganito ang mga sumasalubong sa akin imbes na stars at smiley na karaniwang nakukuha ng ibang mga bata. Kinausap ako ng isang teacher niya at inirekumendang patingnan sa isang developmental pediatrician si Ambon. Maikli raw kasi ang attention span ng bata. Binalewala ko ito noong una. Sabi ko sa sarili ko, normal naman ang anak ko, makulit lang.
Iilan lang ang mga bagay na makapagpapatahimik kay Ambon, ‘yung tipong titigil ang mundo niya? Noong minsang nag-mall kami at pumunta sa isang malaking tindahan ng mga laruan, natigilan siya nang nasa harap niya ang mga miniature rubberized dinosaurs. Pilit siyang nagpabili ng mga ito. Kabisado niya ang bawat uri ng dinosaurs, pati ang parte ng katawan at kung para saan ito. Alam niya ang mga dinosaurs na plant eaters tulad ng diplodocus, brachiosaurus at pentaceratops. At ang mga carnivore dinosaurs tulad ng microraptor, velociraptor, T-rex at spinosaurus. Sinamahan ko na rin ng ligao, ‘yung maliliit na blocks at mumurahing version ng lego? Bukod sa dinosaurs, hilig niya rin kasi ang magbuo ng kung anu-ano – bahay, sasakyan, building at kung anu-ano pa. Matiyaga siya sa pagbuo ng mga ito, bilang na bilang niya ang lahat ng parte nito. Naiinis pa siya kapag nagkulang ng isa kasi hindi niya mabuo ang paborito niyang stegosaurus gamit ang ligao. Talagang hindi mo siya maiistorbo kapag naglalaro nito.
Sabi ng kapatid ko, parang may iba nga raw kay Ambon. Hindi raw makatingin sa kanya ng diretso kapag kinakausap niya at ibang klase raw ang kalikutan. Minsan naisip ko rin na baka tama sina Ate at Teacher Wena sa mga obserbasyon nila kay Ambon. Noong minsan na may programa sa eskuwelahan, napansin ko ang kaibahan niya sa ibang bata. Sabayang bigkasan ‘yon, inilaan ko ang sabado’t linggo para makapagpractice siya sa bahay. Namemorize naman niya ang mga linya matapos ang ilang oras na paulit-ulit na pagbabasa. ‘Yon nga lang hindi niya kayang manatili sa isang lugar. Nahilo ako sa kahahabol sa kanya at namaos ang boses ko sa kasasaway. Nariyan ang naglambitin siya sa pasimano ng hagdan, nagtago sa ilalim ng mesa, sa likod ng pinto, sa loob ng malaking plastic na basket na lagayan ng maruruming damit at sa paborito niyang taguan sa ilalim ng kama, habang isinisigaw ang mga linya na isinasaulo niya. Kahit anong pilit kong paupuin siya o patayuin sa isang lugar, hindi nangyari dahil talagang hindi siya mapakali. Mahaba na ang dalawang minuto para mapanatili mo siya sa isang puwesto. Kaya noong mismong programa, sinabihan ko siya na kapag nanatili siya sa puwesto na itinuro ni Teacher Wena, ibibili ko siya ng mga maliliit na laruang dinosaurs sa Divisoria. Akala ko, magiging effective, pero hindi, paikot-ikot siya sa entablado. Takbo nang takbo, para siyang tornado na pinaikutan ang mga kaklase niyang nagpeperform nang maayos. Sigaw nang sigaw habang pilit niyang tinatakpan ang kanyang dalawang tenga. Siguro, nabibingi siya sa sarili niya. Tuloy, nasira ang buong programa. Nagtawanan ang ilang mga kaklase niya habang ang ibang mga nanay, sa akin nakatingin. Nanatili akong nakangiti kay Ambon. Proud nanay pa rin ang asta ko. Nakaupo pa ako sa pinakaunahan, sinadya kong umupo doon kahilera ng ibang mga nanay na full support sa mga anak nila. Gusto kong makita ako ng anak ko habang nagsasabayang bigkasan sila para na rin maidikta ko ang mga linya kung sakaling makalimutan niya –
‘yan ay kung titingnan niya ako. (Tama si ate, hirap talagang makipag eye-to-eye contact si ‘Yayi.)
Naalala ko tuloy ang kakulitan ko noong kabataan ko. Lagi akong napapalo ng tatay ko. Maraming plastic na hanger ang naubos ng tatay ko sa akin, lahat ‘yon lumatay sa katawan ko. Hindi raw kasi ako makapirmi sa bahay, panay daw ako limayon. Eh ano ba kasing meron sa bahay namin para pumirmi? Bukod sa nakaarkong bougainvilla sa harap, makinang de padyak at lumang tumba-tumba na minana pa ng nanay ko sa lola niya, wala nang interesanteng bagay sa loob ng bahay namin. Ayoko namang tumanda nang nakaupo lang sa tumba-tumba at naggagantsilyo o di kaya’y tumanda singtanda ng nakaarkong bougainvilla. Noong mga panahong ‘yon wala pa kaming telebisyon. Madalas akong mahuli ng tatay kong nakatanghod sa harap ng bahay ni Ka Lusing, ito ‘yung unang bahay sa looban namin. May tatlong bahay lang ang pagitan nito sa aming bahay kaya’t pag nagbukas ng TV si Ka Lusing, nalalaman ko agad. Nakikipag-unahan na ako sa ibang batang umupo sa mahabang bangko sa harap ng bintanang kahoy ng bahay nila. Blockbuster talaga ang paborito kong programa sa umaga, ang Batibot. At sa tuwing mahuhuli ako ng tatay ko, asahan mong ang mga susunod na eksena, maaksyon. Kaya imbes na si Pong Pagong ang sikat, ako ang umeeksena sa looban.
Naalala ko pa, lagi akong tinatakot ng tatay kong patitigilin sa pag-aaral kapag hindi ko siya sinunod na pumirmi sa bahay. Panakot niya sa akin ang basain ang mga notebooks ko sa isang baldeng tubig. Naku, asahan niyong drama anthology ang eksena sa bahay. Talagang nakikipagbunuan ako sa kanya para hindi niya makuha ang mga iniingatan kong notebook. Ang arte ko raw, iyak daw ako nang iyak na wala namang luha. Ewan, marahil papaloob na ang daloy nito, papunta sa puso ko.
Kaya siguro naiintindihan ko rin si Ambon, hindi lang dahil sa ako ang nanay niya kundi dahil na rin nakikita ko ang sarili ko sa kanya. Marami rin namang singkulit ni Ambon e. Kaya lang ‘yung iba, madaling mapagsabihan, hindi na kinakailangang paulit-ulit sa bilin. Si Ambon, kahit milyong beses mo yata sabihan, lagi niyang nakakalimutan. Para na tuloy akong CD na nakarepeat mode sa component. Tulad ng mahigpit kong bilin na huwag na huwag tatawid sa kalye dahil mabibilis ang mga sasakyan sa may amin. Hindi niya siguro matandaan talaga ang bilin ko, kaya minsan kumaripas siya ng takbo sa daan, hinahabol ang kalaro niyang si Andrei. Hindi ko matandaan kung nalaglag ang puso ko at nasagasaan ng jeep. Basta mabilis ang kilos ko, parang meron akong super powers at mabilis ko siyang nahablot. Parang nag-slowmo ang pagpreno ng mamang driver habang dinig na dinig ko ang nakangingilong pagkiskis ng gulong sa kalsada. Mabuti na lang talaga at nakapagpreno nang maaga ang driver, kung hindi, baka inabot siya, baka inabot kami. Sangkatutak na mura ang inabot naming mag-ina mula sa driver ng jeep.
Nang naglaon, nagdesisyon na rin akong patingnan siya sa isang developmental pediatrician. Inirekumenda ng teacher niya ang doktor na tumingin sa kanya. Nauwi ang unang obserbasyon sa marami pang susunod na konsultasyon. Hanggang sa ilipat ko na ng eskuwelahan si Ambon, regular school pa rin naman. May sintomas daw ng ADHD ang anak ko. Attention Deficit Hyper-activity Disorder.

“Isa po itong behavioral disorder na nakakaapekto sa isang maliit na bahagi ng utak kung saan nawawalan sila ng kontrol. Ang mga batang may ADHD po ay kadalasang kumikilos nang hindi gaanong napag-iisipan ang ginagawa, impulsive at hyperactive. Mahirap silang maka-focus sa isang bagay, madali silang mainip at dahil dito madalas silang mafrustrate. Habang lumalaki po ang batang mayroon nito, nagkakaroon sila ng mga learning disablities kaya minsan tingin sa kanila hindi marunong sa eskuwela kahit ang totoo matatalino ang karamihan sa kanila.”
Pakiramdam ko nabibingi ako nang husto sa mga paliwanag ng doktor. Mas dinig ko pa ang tunog ng mga sasakyan sa labas ng kanyang klinika. Ang totoo’y hindi ako naging handa sa ganitong klaseng diagnosis. Kung tutuusin, sisiw lang ito sa lahat ng pinagdaanan niyang sakit. Pero ewan ko ba, nahirapan akong tanggapin. Marahil dahil alam kong habambuhay na struggle ito sa aming mag-ina. Kakailanganin daw ng series ng therapy sabi ng doktor. Sinubukan kong ipatherapy si Ambon, nagtagal ng ilang buwan. Pero dahil mahal ang therapy, hindi ko na naituloy. Ipinangako ko sa sarili kong pag-aaralan ko ang lahat ng tungkol sa ADHD at pinangarap ko ring mag-aral ng SPED. Sabi ko, wala naman sigurong ibang eksperto sa anak ko kundi ako. Mula sa mga nabasa ko, nakipagtulungan ako sa mga bagong teachers ng anak ko. May behavior modification chart kami para kay Ambon sa simula pa lang ng klase. Sinasagutan ito ng mga teachers niya at ganoon din ako sa bahay. Nakatulong naman ito kahit papaano.
Ngayon pakiramdam ko, nagmamature na si Ambon. Maraming pagkakataong siya ang hinuhugutan ko ng lakas. Sa tuwing pinanghihinaan ako ng loob, parang naririnig ko ang masaya niyang pagkukuwento ng kung anu-ano habang namimilog ang kanyang mga mata tapos mangingiti na lang ako.
Naalala ko ang huling konsultasyon namin sa doktor. Mahigpit ang hawak ko sa kanya, pero mas mahigpit ang kapit niya sa akin. Ibang Ambon ang kasama ko noon. Pakiramdam ko, ako ang inaalalayan niya ng mga sandaling ‘yon.