Miyerkules, Disyembre 10, 2008

kronikel ng isang nanay

(Si Ambon ng tatlong taong gulang)

Nanay:  ambon anak, ibili mo ako ng laurel leaf kay tita tess diyan sa tindahan sa tabi.

Ambon:  (nagmamadaling sumunod, pagdating sa pinto)

Nanay:              o, wag magmadali anak. O sige nga anak, anong pinabibili ko kay tita tess?

Ambon:  lawlaw brief po!

(bwaharharhar!)

 

 

(si Ambon ng apat na taong gulang)

Nanay:  Ate ging, ibili mo naman ako ng panty SHIELD sa tindahan.

Ambon:  (nanlalaki ang mata) Nanay?  May powers ang panty niyo? 

J

 

 

Iyak ng iyak ang anak ko nang malaman niyang bumili ako ng pamatay ng mga daga.  Ilang araw na kasi kaming pinepeste ng mga bubwit na nakikipagpatintero sa amin tuwing naglalakad kami sa maliit naming kusina.  Ang iba naman sa mga ito’y naghahabulan pa sa lagayan ng mga laruan niya.  Ayaw niyang ipapatay ang mga ito kahit pa ipinaliwanag kong delikado sa kalusugan ang pagkakaroon ng mga daga sa bahay. Sabi niya, baka daw malungkot ang ina ng bubwit pag namatay ito.  Baka mamatay din daw ang nanay nung bubwit sa kaiiyak, dagdag niya pa.  Humupa lang ang pag-iyak niya nang sinabi kong hindi na namin papatayin ang mga ito.  (itatrap na lang naming at itatapos sa basura?) Sa isang banda, natuwa ako sa nakita ko sa anak ko.  Senyales ito na may pagpapahalaga siya sa buhay, kahit pa ito daga.  Sensitibo rin siya sa mararamdaman ng nanay ng bubwit kung sakaling mamatay ito.  Alam niya ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.  Ramdam ko ang pagiging sensitibo ni ambon sa mararamdaman ko at nang ibang tao lalo na nitong mga nakaraang buwan.  Nagmamature na talaga ang anak ko…hay.