Huwebes, Pebrero 26, 2009

kung paanong nakalimutan ko ang sarili ko

Pinipilit kong alalahanin ngayong umaga ang panaginip ko.  Mabigat kasi ang pakiramdam ko paggising ko, kaya inaalala ko ang dahilan nito.  Malamang nandun lang ang dahilan sa panaginip ko.  Dati, nakakabuo pa ako ng dyornal sa mga panaginip ko, mga flash fiction kumbaga.  Pero ngayon, kahit anong pilit kong alalahanin, di ko magawa.  Naubos na ang ata ang powers ko para dun o baka puno na ang memory bank ko at di na kayang tumanggap ng utak ko ng mga bagong impormasyon?  Paano kung ang memorya mo ay tila kandilang unti-unting nauupos?  o kaya naman, bigla na lang namatayan ng apoy, mas nakakatakot siguro yon.  Sa edad na 30, masyadong palyado na ang memorya ko.  Puwedeng sabihin na may mild amnesia ako.  Sa dami kasi ng iniisip ko at ginagawa, nakakalimutan ko ang ilang bagay na importante.  Masyadong selective ang memory kaya hirap na hirap ako.  Minsan nga dahil sa frustration, naiiyak na lang ako sa inis.  Pero lilipas ang mga araw, mananatiling may amnesia ang mode ko.  Ang anak ko nga may ganun ding manipestasyon.  Batang ulyanin ang tawag ko tuloy sa kanya.  Isang beses, binati ko ang isang kaibigan, bumeso ako sa kanya.  di pa ako nakakalimang hakbang, bumeso ako ulit sa kanya.  nakalimutan kong binati ko na siya at bineso, wala pang isang minuto.  Ang susi ko ng bahay, lagi kong nakakalimutan kung saan ko iniiwan, ang cellphone, ganun din.  birthday ng mga kaibigan at kapatid, madalas nakakalimutan ko.  Marahil karamihan sa atin nakaranas na ng ganoon.  Madalas napapakunot na lang ang noo ko at sasabayan ng nag-untugang mga kilay.  Maraming bagay ang hindi ko maalala, umaalpas ang lahat ng mahalagang pangyayaring hindi ko halos namalayang dumaan.  Paano kung isang umaga, lahat ng mahalaga sa buhay ko eh di ko na maalala?  Paano kung pati ang sarili ko’y di ko na rin makilala?  Nababagabag ako, kaya gustuhin ko mang ngumiti ang panulat ko, hindi ko magawa.  Nababagabag sa mga alaalang tila tuyong dahon na nililipad ng hangin sa kung saan.  Kung sino mang nakapulot noon, hindi ko alam.  Pulutin naman kaya ng iba?  O hayaang magpalutang-lutang na lang sa kawalan?