Huwebes, Hulyo 31, 2008

Elehiya kay Inay

Sa malayong bayan siya’y nagsikhay
Pangungulila ang naging kapalit
Nalunod sa sariling pighati’t lumbay

Sa payapang bundok siya’y nawalay
Pikit matang nilisan ang kanyang paslit
Sa malayong bayan siya’y nagsikhay

Dahil walang kaagapay sa buhay
Tiniis ang lahat ng panggigipit
Nalunod sa sariling pighati’t lumbay

Isang malamlam na gabi, siya’y hinalay
Ng kanyang among walang kasinglupit
Sa malayong bayan siya’y nagsikhay

Binusalan ang bibig, ginapos ang kamay
Kaluluwa niya’y napuno ng galit
Nalunod sa sariling pighati’t lumbay

Isang gabing mapanglaw, siya’y naglakbay
Ngunit isa nang malamig na bangkay
Sa malayong bayan siya’y nagsikhay
Nalunod sa sariling pighati’t lumbay

hiwaga ng tadhana

prosa ni nanaybunso

Walang makatatalos sa hiwaga ng tadhana. Walang anumang bagay sa uniberso ang makapipigil sa makapangyarihang puwersa na nagtutulak dito upang ito’y maging ganap. Tila batu-balaning humihigop ng salamisim ang malamlam na panginorin. Pupunlaan ang ating isip at damdamin ng mga sagimsim.

At tayo, bilang alipin ng isang malawak na mundo ng misteryo ay mabibighani o di kaya’y walang lakas na magpapatianod sa hiwagang dulot nito.

Likas ito at tiyak sa makapangyarihang may likha ngunit walang kasiguruhan sa mga nilikha lamang. Waring malaon nang nakabalangkas ang kuwento ng bawat isa. Hinihimay ng tadhana ang mga pahina ng buhay. Tinutuldukan nito ang anumang materyosong paghahangad at tayo ay dadalhin sa pighati o luwalhati ng kapalaran. Ito’y makapangyarihan.

At ito’y naghari. Isang trahedya sa karagatan. Lumutang lutang ang mga inulilang pangarap sa payapang isla ng Sibuyan. Walang sinuman ang nagkahinuha sa mga pangyayari. Walang pasabi. Gumulantang na lang sa kanilang paggising ang galit ng kalikasan. Ang iba’y masuwerteng kinatigan ng kaligtasan. Ngunit malagim na pagbawi sa buhay ng ilan. Ang mga naipong karanasan ay nawalan na ng kabuluhan. Nagpapatunay na ang lahat sa mundong ito ay panandalian.

Tulad ng bagyo, lumilihis ang bawat itinakda ng tao. Trahedya. Ito ay nagbabanta. Ito ay itinadhana.

Miyerkules, Hulyo 23, 2008

soneto ng pangungulila

Ni Nanaybunso

Ang hamog at mahinang patak ng ulan
Lumilikha ng matinding pananabik
Sana’y ilipad ng hanging amihan
Ang iyong yakap at mainit na halik

Sana’y dalhin ng alon sa iyong gunita
Ang lahat ng tanda ng pangungulila
Ang mga patlang at buntong hininga
Ang alaala ng masuyong pagsinta

Masdan mo ang kumikindat na bituin
habang ika’y nakahiga sa buhangin
ang ‘yong diwa at kaluluwa’y lunurin
sa pusod ng naulilang paglalambing

Sabay nating sisirin ang luwalhati
ng pag-ibig habang malamig ang gabi.

pista ng pag-iisa

(Kay Biboy, sa apat na taong pagsasama)
ni nanaybunso

Kinumutan ng lungkot ang aking umaga
Madaling nagbalik sa aking gunita
Tila mga nalagas na tuyong dahon
Ang alaala ng nagdaang taon

Paano nga ba palilipasin ang araw na ito
Espesyal na araw pero tila ordinaryo
Ordinaryo dahil wala ka, nasa malayo
Pumalaot mag-isa dahil sa trabaho

Apat na taon na nang nagtapat tayong dalawa
Sa bistro, sa saliw ng tugtog ni Gary Granada
Sa ilalim ng espiritu ng serbesa
Binulong ang pagibig sa isa’t isa

Nagtama ang ating paningin
Kahit hilo na at naduduling
Umamin ng nakatagong pagtingin
Kasabay ng mainit na paglalambing

Hindi ito ang inaasahan kong pagselebra
Malungkot ang magdiwang mag-isa
Kaharap ko ulit ang isang basong serbesa
Pinupunan nito ang aking pag-iisa

kalaguyo ko ang sigarilyo

Ni nanaybunso

Bawat hithit, bawat buga
Nakakabawas ng pangamba
Inuubos ko ang aking baga
Para lang makasama ka

Bawat hithit, bawat buga
Nawawala ang problema
Iniiwan ako pansamantala
ng sariling kaluluwa

Lagi akong nirarahuyo
Ng di maiwanang bisyo
Ayaw lubayan, tila pagkit
Ngayon ako’y nagkasakit

Ano bang mapapala
Sa bawat hithit at buga
Wala naman, wala
Kundi sakit sa baga.

bawat hithit, bawat buga
lumalakas ang kaba
ako ba’y aabutan pa
ng bukas na may hininga?

Sabado, Hulyo 12, 2008

anak ng...kalye!

Ni nanaybunso

Pinagmasdan ko ang iyong mukhang marusing
Himbing na himbing
Tila di mo iniinda ang hapdi ng sikat ng araw
Kinumutan ng lamig nang nagdaang gabi
Ang iyong hubad na katawan
Sa sulok ng Makati, sa tabi ng kanal
sa bangketang madumi at sa paligid ng mga taong pusakal
Iniluwal ng tulirong ina at pinalaki ng kalsada
Ang batang singrungis ng basura
Ang kalyeng ito ang nagsilbi mong tahanan
Saksi sa iyong pagluha at pagtahan
Sa anino ng mga matatayog na gusali
Ang iyong mga pangarap at pag-asa’y nagkukubli
Sa iyong paggising, sumisilay ang luha
sa iyong malamlam na mata
papalahaw sa hapdi ng sikmura
Hahanapin ang tuyot na suso ng iyong ina
Uhaw na uhaw sa mainit na pagkalinga
Natakot akong lusungin ang iyong damdamin
Umiiwas ako sa nakakapaso mong tingin
Nanunumbat, nananaghili
Di maapuhap ng iyong pang-unawa
ang kalagayan mong kaawa-awa
Dagling sumungaw ang luha
sa aking mga mata…
kinukurot ang aking konsensya
Sa muling pagkarga sa iyo ng iyong ina
Kakantahan ka nito ng oyayi ng pag-iisa
Kasabay ng paghithit ng yosi
At pagsinghot ng rugby
Matutulog kang muli na nakanganga
Iduduyan nito ang iyong gunita
At sa muling paggising
Muli kang papalahaw
Sa tindi ng gutom at uhaw
Kasabay ng aking pagbuntong hininga
Tanda ng kawalang pag-asa
Naisip ko, sana’y di ka na lang muling nagising…

Huwebes, Hulyo 10, 2008

HALAGA

Galit na naman ang langit. Pabugso bugso ang buhos ng ulan. Dinig na dinig ang malakas na hampas ng alon sa baybayin. Nasa gilid lang kami ng pier, sa opisina ng Sulpicio. Wala naman daw bagyo sabi ng PAGASA. Kaya walang abiso ng pagpapatigil sa paglayag maliban sa mga pampasaherong barko ng Sulpicio. Tanging mga cargo vessels lang ang pinayagang maglayag. Maantala daw kasi ang negosyo ng kanilang mga kliyente. Natuwa rin ang mga tripulante ng Sulpicio dahil makakabyahe na sila matapos silang pagbawalang maglayag ng ilang araw. Marahil nakabatay sa bawat byahe nila ang kanilang sasahurin kaya ganun na lang ang kasiyahan nila ng malamang maaari na sila muling maglayag. Mahalaga sa may-ari ng sulpicio ang kikitain nila, singhalaga din kaya ng sasahurin ng mga tripulanteng inaalipin nila?

-----

Kabi-kabila ang pagdinig ngayon kaugnay sa nangyaring aksidente. Wala kasing ginawa ang Sulpicio at Coast guard kundi ang magsisihan, pati ang PAGASA, kinasuhan. Hindi nila malaman kung paano sosolusyunan ang kanilang kapabayaan, kaya turuan lang sila ng turuan. Nariyan ang Board of Marine Inquiry at ang mababang kapulungan. Wala kasing tiwala ang kongreso sa BMI na lagi’t lagi na lang inaabswelto ang Sulpicio sa lahat ng sakunang nangyari mula pa ng paglubog ng MV Dona paz na kumitil din ng maraming buhay. Itong senado, sumasawsaw pa sa isyu, samantalang marami pang nakabinbin na iba pang pagdinig sa tanggapan nila. Lampas tao na marahil ang tambak na isyu na kailangan nilang pagtuunan ng pansin. Siguro, natutulog na at naghihilik pa sa pagkakahimbing ang mga kasong natabunan na ng iba pang malalaki ring isyu tulad ng NBN-ZTE deal. Kabi-kabilang pagdinig, wala namang nangyayari, nagpapapansin lang sa media ng kanilang pagpapanggap na kunwa’y may ginagawa sila. Sa dami ng kaso na hinahawakan nila, di na nila alam kung anong mas mahalaga.

-----

Marami-rami pa ring kamag-anak ng mga biktima ng lumubog na barko ang pumupunta dito sa Sulpicio. Pero kaiba sa mga nakaraang linggo ng kanilang pagpunta, kalmante na sila ngayon. Marahil tanggap na nila ang sakit ng trahedyang humagupit sa kanila. Matapos masaid ang luha, mahinang hikbi na lang marahil ang maririnig mula sa kanila. Di tulad ng mga nakaraang araw, hindi na nababalutan ng matinding emosyon ang tanggapan ng may ari ng barko. Ang kanilang inaasikaso, ang makakuha ng tulong pinansyal mula sa sulpicio. Dalawangdaang libong piso, kapalit ang buhay at mga pangarap na nilamon lang ng matinding alon. Naisip ko, ganito lang ba kaliit ang halaga ng buhay ng tao?

PAGLAYA

ni nanaybunso

Pagod na ang aking mga kamay sa pagtipa.
Pagod ang isip dahil lahat ng ideya tila walang halaga.
Mas madalas na nakatunganga
Kasalit ng pagbuntong hininga
Hindi maapuhap ang mga salita
hindi makabuo ng tamang linya
Hindi makahuli ng mailap na talinhaga
Marahil kailangan ko ng pahinga
Esensyal ang espasyo at pagiging payapa
Walang ibang kaniig kundi ang diwa
Hahayaan kong umalon ng mahinahon
ang mga alaala ng kahapon
na matagal nang nananahan sa aking kaluluwa
Kumawala sa tanikalang binuo ng aking hiraya
Hanggang sa malaya itong sumisid
at magpatianod sa agos ng rumaragasang tubig
Lumangoy sa kaibuturan ng aking diwa
At kumampay sa kabila ng sigwa…

Lunes, Hulyo 7, 2008

LIGAW NA PARU-PARO

Tulad mo'y isang paruparo na sa bulaklak
ay humahalik, nangungulit.
Ngunit sa bawat pagniniig,
katumbas nito ay pait at sakit.
Singhapdi ng sikat ng araw
ang katot0hanang ngsusumksik
na kahit an0ng pilit d m0 maaring ituwid.
Tulad m0'y hanging banayad
na yumayakap sa aking gabi...
nanunu0t, nag iinit.
Ngunit biglang nanlalamig
dahil sa kat0t0hanang kailanma’y
hinding hindi kita maaring maangkin.
D tulad ng kragatan na tila walang katapusan
ang pagmamahalan na ito'y tila walang kahahantungan.

Linggo, Hulyo 6, 2008

TANING

Lahat ng bagay dapat tinataningan
Dahil lahat naman may katapusan
Parang kanta,
Bilang ang bawat titik at tono
Nagfefade out sa dulo
Parang karera,
Lahat may finish line
Ganyan din daw ang himig ng pag-ibig
Di magtatagal napapagod, nanlalamig.

Sabado, Hulyo 5, 2008

padayon

pagbawi ito sa matagal na matagal na pagkahimbing ng kagustuhan kong maibahagi ang mga sinusulat ko. may kuwenta man o wala. ang totoo, di ako sigurado kung gusto ko ngang ibahagi ito. bahala na, liberating pala talaga ang bumuo ng blog...parang paninigarilyo, bawat hithit parang nagpapalaya ng kung anumang angst sa mundo. bawat post sa blog, parang nakakapag unload ng kung ano...

padayon!

"SIDHAYA"

sidhaya- pangalan ng aking anak; napulot ko sa nabasa kong librong puno ng maiikling kuwentong tagalog na ang ibig sabihin ay pagpapahayag

ika 27 ng Hulyo

Unang araw ko sa klase ng malikhaing pagsulat. Nasa ika-apat na palapag ng gusali ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ang aming klase. Hingal-kabayo ako sa pag-akyat. Singbilis ng pag-akyat ng nag-uunahan kong mga paa ang tibok ng puso ko. Kahiya-hiya dahil huli na ako sa klase. Pasado alas nuebe na kasi ng umaga, ilang minuto na akong late. Ang tanging pag-asa ko lang ay ang mahuli rin sa klase ang aking guro o kaya’y may mas mahuli pa akong kaklase. Ang sama ko, gusto pa ng karamay at heto ang aking alibi: Puyat na naman kasi ako kagabi dahil sa trabaho. Pagdating pa sa bahay, hindi naman ako agad makatulog. Daig pa nga ako ng guwardiya ng kapitbahay naming condominium. Si manong, sa tuwing uuwi ako ng dis-oras ng gabi, tulog. Sa hula ko, mga ilang oras na siyang tulog dahil sa pagkakalungayngay niya sa kanyang upuan. Kulang na lang mag-abot ang kanyang leeg at baywang.

Sa pagmamadali ko, natapilok pa ako. Sinisi ko ang hindi mabilang na baitang ng hagdan ng gusali ng KAL. Naisip kong maghinay-hinay sa pag-akyat. Wala naman pag-asang umurong pa ang orasan at hindi rin naman umiikli ang hagdan. Di tulad kanina, wala na sa tiyempo ang tibok ng puso at ang paglalakad ko. Mas mabilis na ngayon ang pintig nito. Kakapalan ko na lang talaga ang mukha ko mamya pagpasok sa klasrum. Plano ko, sa likod umupo. Sana matiyempuhan kong nakatalikod ang titser ko. Sana nagsusulat siya sa blackboard pagpasok ko ng kuwarto. Sana…

Kaya lang nakalimutan ko kung anong klasrum ko. Hindi ako sigurado kung 405 o 406! Habang umaakyat, hinahalungkat ko pa ang mala-bodegang bag ko. Naiinis ako sa sarili ko, inatake na naman ako ng amnesia. Ito yata talaga ang epekto ng naturukan ng anesthesia. Buti na lang bago pa man dumating nang ika-apat na palapag, nakita ko na ang form 5 ko, room 406 daw. Habang papalapit ang nangangatog kong mga paa sa room 406, bumibilis ang pintig ng dibdib ko, pabilis nang pabilis. Hindi ko malaman kung sa kaba o sa hiya, o mukhang naghalo na. Muli akong nainis sa sarili ko, pero wala nang panahon para mainis pa. Nasa pintuan na ako ng room 406. Ang kailangan ko, lakas ng loob. Pero parang minamalas yata ako, hindi nakatalikod ang titser ko, nakapaikot ang buong klase na parang matagal nang nagkukuwentuhan! Hindi uubra ang mga plano ko. Gusto kong takluban ng malaki kong bag ang nangangapal kong mukha. Nakakahiya! Bago pumasok sa kuwarto, nilingon ko kung may kasunod akong humahangos din na kaklase, pero malinis ang buong pasilyo. Kaya’t nakakahiya man, lakas loob akong pumasok ng klasrum, humila ng isang upuang pinakamalapit sa pintuan at umupo. Sa hiya ko, mukhang naiwan ang kaluluwa ko sa labas ng pinto. Hindi ko na napansin kung lahat ba sila nakatingin sa akin. O kung lahat ba sila masama ang tingin sa akin. Lumikha kasi ng ingay ang paghila ko sa upuan. Kumiskis sa semento, nakakangilo.

Nagsasalita na ang kaklase kong may hawak nang kanyang litrato noong bata siya. Heidi ang pangalan niya. Sa litrato, nakasuot siya ng t-shirt na may nakasulat na happy. Mukha naman siyang happy sa larawan, nakalabas ang dalawang biloy sa kanyang magkabilang pisngi. Naisip ko agad, masaya ang kanyang kabataan. Siguro mayroon siyang mamahaling Barbie na tinitirintasan pa ang ginintuang buhok. Ako kasi, manikang papel lang ang nahawakan ko, pati sandamakmak na teks na itinatago ko pa sa nanay ko. Marahil nagawa niyang makapagpalipad ng makulay na saranggola noong bata pa siya. Ang sa amin kasi ng kuya ko, black and white na saranggola lang, gawa sa dyaryo at dinikitan ng kaning lamig. Tantya ko din, madalas siyang makapagtampisaw sa ulan noong bata pa siya. Ako kasi, tuwing unang buhos ng ulan sa buwan ng Mayo lang pinapayagang makapaligo sa ulan. Sakitin at patpatin kasi ako noong kabataan ko. Nagkakasya na lang ako sa pagsahod sa alulod ng aming bahay. Ginagawa ko itong dutsa. Habang basang basa na naghaharutan ang mga kapatid ko sa labas, nakikipagpatintero naman ako sa sarili sa loob ng aming bahay. Taga-sahod sa tulo ng butas-butas naming bubong na ilang kalawang na lang yata ang di pa pumipirma.

Habang pinagmamasdan ko si Heidi, hindi maiwasang maglaro sa isip ko kung talaga nga bang masaya siya. Para kasing may nagkukubling kalungkutan sa lalim ng biloy ng kanyang pisngi. Ewan ko kung tama, pero naisip ko lang naman, maari rin namang mali. Hindi ko dapat sinusukat ang kasiyahan ng tao sa unang pagkikita. Napatunayan kong hindi siya gaanong masaya nang binasa niya ang kanyang blog entry. Ikinuwento niya sa amin ang kanyang karanasan nang minsang pumunta siya sa isang tanggapan ng gobyerno. Pumunta siya sa tanggapan ng MMDA na mistulang tore na kinabitan ng bakal na baging ng pekeng kadena de amor. Nakatsinelas siya, sinita ng guwardya at minata ng isang empleyado dahil sa suot niya. Para bang sila lang na nasa opisina at nakapormal na damit ang marangal. Para bang sinusukat sa suot ng tao ang respetong ibibigay, na kapag nakatsinelas ay hindi na kagalang-galang. Para bang sila lang na nakasuot nang pang-anak sa binyag araw-araw ang karapat-dapat bigyang respeto. Hindi nga naman makatarungan.

Naisip ko, dapat kasi nagkulay pink siya na t-shirt, kulay pink na pantalon, kulay pink na ribbon sa buhok, kulay pink na tsinelas, kulay pink na bag, kulay pink na panty at bra, at pagharap niya sa guwardiya, sasabayan niya ng ngiti, kulay pink din dapat ang ngipin niya. Para walang argumento! Presto! Nasa loob agad siya ng pink na opisina ng MMDA.

Sinulat niya ang lahat ng angst niyang ito sa wikang inggles. Wow, sosyal, naisip ko, inggles ang dyornal! Pilit kong sinalansan sa buhaghag kong utak ang mga posibleng dahilan kung bakit pinili niyang inggles ang gamitin. Gumana ng bahagya ang mga naiidlip kong brain cells na para bang mga doktor na nag-uusap-usap ng differential diagnosis ng kanilang pasyente.

Nakapagtataka dahil sinabi niyang ang kanyang mga sinusulat ay mga maiikling kuwentong tagalog. Naisip ko, pinili niyang inggles para siguro di kahiya-hiya kapag binasa ng ilan ang kanyang blog? O para siguro mas maintindihan ng nakararami na may access at panahon na makapag-internet? O di kaya’y para masabing “in” sa cyberworld?

Kung ating lilimiin, hindi si Heidi ang hinuhusgahan ko, kundi ang kultura ng ganitong klaseng mentalidad. Hindi maikakaila, marami pa rin sa atin ang kolonyal mag-isip. Yun bang may konsepto na kapag nakapag-inggles ka, intelektuwal ka. Maiiwan na lang na nakamaang ang sinumang kausap mo na di marunong mag-inggles. Duduguin ang ilong ng ilan at magpupumilit sumagot ng pautal-utal sa pamamagitan ng pagsabing “you know, well, ah, I think, ah, I mean” at walang katapusang “aah” na parang mapuputulan na ng hininga sa pag- apuhap sa susunod pang salitang inggles.

Isang mainam na halimbawa itong si Manny Pacquiao, nagpupumilit mag-inggles, hindi naman kayang pangatawanan? Mabuti pa ang mga mehikanong nabubugbog niya, may taga-salin sa lengguwahe nila kapag iniinterbyu. Si Manny, kahit anong baluktot ng dila, pilit itinutuwid ang pagsagot sa tanong nang nalilito nang announcer. Mabuti, hindi dumugo ang ilong ng announcer. Hindi sa suntok ni Pacman kundi sa pag-iingles nito. Kitang kita ang ironiya sa kanya. Pinagyayabang niyang mahal niya ang Pilipinas pero trying hard siya mag-inggles? Pinagmamalaki niyang pinoy siya pero di naman siya magkandatuto sa panghihiram ng dilang banyaga? Hindi sa minamaliit ko ang kakayanan ni Manny na mag-inggles. Ang punto dito ay ang pagyakap at pag-angkin natin sa sarili nating wika. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit wala tayong matibay na pambansang identidad. Hindi natin pinagyayaman at ipinagmamalaki ang wikang nauunawaan ng ating kaluluwa.

Pero iba ang katwiran ni Heidi. Sabi niya, sinasanay lang niya ang kanyang sarili sa pagsulat sa wikang inggles dahil kailangan niyang maging bihasa dito dahil sa uri ng kanyang trabaho. Nagtatrabaho siya sa dambuhalang kumpanya bilang tagasulat ng updates sa internet. Trabaho na ang sangkot, wala nang argumento, talo na ako sa kaso. Madalas talaga kapag trabaho na ang dahilan, tumitikom na lang ang bibig ng sinuman. Talaga namang ang kabuhayan ang nagdidikta sa lahat. Kahit gaano ka kaprinsipyado, titiklop at yuyukod ka sa iyong amo. Hindi ako nagmamalinis sa ganitong puna, dahil tulad niya at tulad ng karamihan, naging sunud-sunuran na lang din ako sa ganitong sistema. Para tayong mga sundalong patpat na iginigiya ng tagapagsalaysalay sa teatro. Sa pagbubukas ng tabing, ang mga sundalong patpat ang totoong mga bida, ang puppeteer ang nagsisibing tagapagpaganap. Ang mga sundalong patpat ang mga manggagawa at ang puppeteer ang amo na mistulang diyos na tagapagpagawa sa lahat. Pagpinid ng telon, maiisantabi ang sundalong patpat at ang puppeteer ang aani ng papuri at palakpak.

Kung susuriin ang konteksto nang kanyang sinulat, masasabing kritikal naman siyang mag-isip. May katwiran kung bakit niya ibinahagi sa klase at sa internet ang karanasan niyang ito. Una, gusto niyang maglabas ng sama ng loob. Pangalawa, gusto niyang makapamukaw ng atensyon. Atensyon mula sa gobyernong bingi at bulag. Atensyon mula sa mga taong nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan.

Ang totoo, gusto kong magpalalim sa sinimulan niyang kuwento, sa mga kalokohan ni Bayani Fernando at sa burukrasya sa gobyerno. Kaya lang naisip ko, mukhang hindi ito ang tamang panahon. Ilang oras lang ang aming klase at marami pang hindi nakakapagbahagi ng kanilang sarili.

Umikot na ang bote, para kasi kaming naglalaro ng truth or consequence o truth or truth. Wala naman kasing kansikwens. Tila may imaginary na bote sa gitna ng grupo. Nagmistulang therapy session ang aming palihan. Hindi man magkakakilala, dahil kasama sa proseso ang pagbabahagi ng sariling dyornal, parang matatagal na kaming magkakaibigan.

At dahil late ako at kakapasa lamang ng dyornal at litrato, napunta sa ibabaw ang sinulat ko. Ako tuloy ang sumunod na tinawag ng titser ko at nagkuwento. Ilang bahagi lang ng dyornal ang binasa ko. Sa ikling yon, mukhang nainip pa ang mga kaklase ko. Hindi ko alam kung nakikinig sa akin ang mga kaklase ko nang oras na iyon, pero sigurado akong nakikinig ang titser ko. Siya ang tagapagpadaloy kaya kailangan niyang magkumento. Natuwa ako. Parang lumuwag ang dibdib ko. Bukod kasi sa kaibigan kong kompyuter, may iba nang nakakaalam ng mga sinusulat ko. Sinabi niya sa aking maraming paksa ang maari kong maisulat. Taong labas kasi ako. Bukod pa sa mahilig akong kumuha ng litrato at pumuna ng kung anu-ano. Tama siya, sa bawat silip ko sa lente, maraming kuwento ang laman nito. Sa isang iglap ng pagkurap ng shutter ng kamera, maraming buhay ang aking nakikita. Sa bawat pagbuka ng apperture nito, nakacapture ko ang totoong istorya.

Ang titser ko, sa tuwing nanonood daw ng balita, mas naeengganyong alamin kung ano ang mga kuwento sa likod ng mga balita. Yun ang mga sinusulat ko. Ang mismong karanasan namin sa pagkuha ng balita. Kung paanong itinataya ang buhay namin sa ngalan ng serbisyo. Sinusulat ko ang mga hindi puwedeng isulat ng reporter. Nakaposas kasi ang kanilang kamay sa journalism ethics and standards. Sa tuwing nagkukundamahog sila sa pagsusulat ng kanilang report para makahabol sa programa, nagsusulat din ako. Pero kaiba sa kanila, ang sinusulat ko’y hindi naliliman ng kanilang panuntunan. Ang kuwento ko’y hindi puwedeng saklawan ng kanilang patakaran. Malaya akong nakapagsusulat sa estilong gusto ko at sa himig na naisin ko. Hindi ko hahayaang baguhin ng sinuman sa mga amo ko ang kuwento.

Muli na namang umikot ang bote, nahagip ang aking katabing si Ron. Tila isang pamamaalam ang kanyang sinulat. Malungkot ang himig ng kanyang dyornal. Madilim ang bawat sulok nito, hindi ko maaninagan ng kahit kaunting liwanag. Habang binabasa niya ang kanyang dyornal, hinahanap ko ang kanyang katauhan sa kanyang sinulat. Sa unang tingin kasi, aakalain mong napakamasayahin nito, walang pasan na kahit anong bagahe. Walang bakas ng kahit anong hinagpis ang maamo nitong mukha. Magaan ang pakiramdam ko sa kanya, kaya’t nagtaka ako at pilit hinagilap ang katauhan niya sa sinulat niyang dyornal. Sa aking pagtingin, ang pagsulat niya nito at pagbahagi sa amin ay may malalim na pinag-ugatan. Kung anuman ito, walang ni isa sa amin ang nagtangkang mag-usisa.

Sa muling pag-ikot ng bote, marami pang tinig ang narinig. Lumulutang na ang isip ko. Tila lulan ako ng namuong ulap, lumulutang sa hangin, binabaybay ang isipan ng bawat taong kasama ko. Paikot, mula kay Heidi sa aking kaliwa hanggang kay Ron sa aking kanan. Nilandas ko ag damdamin ng bawat isa. Madalas ko itong gawin, ang basahin o hulaan kung anong iniisip ng mga tao, lalo na kung sakay ako ng dyip. Yung mga taong kaharap ko, binibihisan ko ng ibang katauhan. Parang karakterisasyon sa isang dula. Minsan nga pinapangalanan ko pa, binibinyagan ng pangalan na babagay sa kanilang bagong katauhan. Bahagyang namahinga ang aking diwa, payapa. Hinayaan kong lumipad ang aking hiraya sa bagong mundong nabuo nito.

Hanggang sa boses na nang aming titser ang nangingibabaw. Sa kanya na tumapat ang nguso ng boteng pinapaikot kanina pa. Sa totoo lang, malaman ang lahat ng namutawi sa kanyang bibig. Walang nasayang na salita. Tinalakay niya ang kasulukuyang kalagayan ng panitikang Pilipino, ang kanyang pagkabahala sa kinabukasan ng mga pilipinong manunulat, pati ang tunggalian ng mga guro para makamit ang pinakaaasam-asam na promosyon, at marami pang iba. Walang patid ang kanyang mga hinaing at kritikal na pagtingin. Lahat kami’y mataman na nakikinig. Tahimik.

Ito ang esensya ng aming palihan, ang magbukas ng mga saloobin ang bawat miyembro ng grupo. Ito’y hindi simpleng pagpapahayag ng sarili kundi isang pagniniig ng diwa at ng pinag-isang naisin, ang magsulat. Sa aming pagpapahayag, maraming paksang maaring pagmulan ng aming magiging akda.

Kaharap kong muli ang matalik kong kaibigan na wala pang pangalan. Nag-uunahan ngayon ang mga ideyang pumapasok sa isip ko na parang mga kiti-kiti na naglalaro sa estero. Pero walang kakayanan ang aking kamay na tumipa sa keyboard na mapang-anyaya. Nakatulala, hinihigop ang aking kaluluwa ng liwanag na nagmumula sa kuwadradong naglalaman ng lahat ng aking lihim at saloobin. May isa akong natuklasan, ang pagbabahagi ng dyornal ay di lamang pagpapahayag ng sarili, ito’y pagbabahagi ng iyong kaluluwa.

“TOXIC”

Ika-25 ng Hunyo, 2008

Hindi ko na halos namalayan ang tunog ng alarm ng cellphone ko. Puyat na naman sa nagdaang gabi ng pagtatrabaho. Late na ako. Hindi sa trabaho kundi sa unibersidad na pinapasukan ko. Kumukuha ako ngayon ng gradwadong aralin sa Unibersidad ng Pilipinas. Kahit hindi ako pinayagan ng boss ko, nagpumilit pa rin akong mag-aral. Nanghihinayang kasi ako sa halos sampung taong nasayang mula nang pinatulog ko ang aking pangarap na mag-aral muli. Nakatuon kasi ang buong atensyon ko sa trabaho at sa pagtataguyod ng kaisa-isa kong anak. Kaya pansamantala kong kinalimutan ang mga pansariling kagustuhan. Buong loob kong niyakap at ginampanan ang papel bilang nanay at tatay.

Habang byahe papunta sa unibersidad, iniisip ko na kung paanong pagpapaliwanag ang gagawin ko sa aking titser dahil sa pagliban sa mga nakaraang klase. Lumipas na ang dalawang linggo mula nang nagsimula ang semestre, hanggang ngayon wala pa akong napapasukang klase. Pikit-mata akong nag-enrol ngayon ng dalawang subjects kahit alam kong madalas di magtutugma ang iskedyul ko sa trabaho at pag-aaral. Isang malaking bonus na lang talaga ang magkaroon ng maunawaing guro na nagbibigay konsiderasyon sa mga estudyanteng sinasabay ang pagkayod sa trabaho at pag-aaral. Determinado akong mag-aral kahit umabot pa ito ng ilang taon, ang mahalaga ay ang pakikipagpalitan ko ng kaalaman at karanasan sa bawat klaseng aking pinapasukan.

Humahangos akong pumasok sa tanggapan ng Departamento ng Filipino. Hinanap ko ang aking guro sa malikhaing pagsulat. Kahit abala sa harap ng kanyang kompyuter, tinanong ko si Kuya Rolly kung saan maaring puntahan ang aking guro. Simbilis ng kanyang pagtipa sa keyboard ang pagsagot niya kung nasaan si Ma’am Luna. Yun pala’y nasa likuran ko lang, may kausap na kapwa niya guro. Nag-aalinlangan pa akong lumapit sa kanya. Umuurong ang aking dila at nababahag ang aking buntot. Marahil ay inakala ni Ma’am na makikigamit ako ng kompyuter kaya inalok niya sa akin ang upuang ginagamit niya. Tumanggi ako at nagpasalamat. Hindi ko na pinalampas ang oportunidad na ito na makausap siya. Lakas loob na kong nagpakilala. Hindi pa man ako natatapos magdahilan sa pagliban sa klase, sinabi niya na ang mga asignaturang ibinigay niya noong nakaraan. Tinanong niya ako kung nagdyodyornal daw ba ako. Kagyat akong sumagot na hindi. Nagsinungaling ako, dahil ang totoo, nagdyodyornal ako. Nag-alangan akong sabihin ang totoo dahil nahihiya akong ibahagi sa iba ang mga nakasulat sa dyornal ko. Isang dahilan kung bakit hindi ako nagpopost sa blog. Ang aking mga sinusulat ay nananatiling sagrado sa pagitan naming dalawa ng kaibigan kong laptop. Kulang na lang ay binyagan ko siya ng pangalan. Itinuturing ko kasing isang tapat at maasahang kaibigan ang walang buhay kong kompyuter. Handa siyang malaman at itago ang aking mga panaginip at saloobin, malungkot man o masaya, may kuwenta o wala. Hindi niya ito huhusgahan bagkus iingatan ang lahat ng aming napag-usapan. Pinasusulat ako ng titser ko ng dyornal, ikuwento ko daw ang kahit ano. Ikuwento ko raw ang aking trabaho.

Trabaho. Ang “toxic” kong trabaho. Ang totoo, fulfilling ang mapabilang sa liga ng mga tagapagbalita. Nagbubukas ito ng maraming oportunidad upang malaman ang kaisipan at maranasan ang magkakaugnay na kultura ng iba nating kababayan. Sa bawat paglalakbay upang humanap ng balita, maraming pagkatuto ang aking napupulot. Ang bawat harurot ng aming sasakyan at bawat pitik ng kamera ang siyang nagpapatibay ng aming ugnayan at pinag-isang karanasan.

Pero toxic dahil tila lason itong pumapasok sa iyong pagkatao para turuan kang maging manhid. Manhid sa lahat ng masasama at nakalulungkot na balita. Toxic dahil maari nitong hugutin ang iyong kaluluwa at baguhin ang iyong pagkatao. Toxic dahil inaagaw nito ang lahat ng oras para sa iyong pamilya. Toxic dahil tila wala itong kapagurang humigop ng natitira mong lakas at hahayaan ka nitong maging habambuhay na alipin ng sistemang sahuran. Ang lahat ng ito ay nakakubli sa isang sinumpaang tungkulin ng pagseserbisyo. Araw-araw na ganito...araw-araw may nakahaing bagong karanasan.

Ika-26 ng Hunyo, 2008

Magdamag akong alumpihit sa higaan. Hindi ako halos nakatulog ng maayos. Pagbaling ko sa kaliwa, naroon ang anak ko, himbing na himbing sa pagtulog. Tinititigan ko ang maaamo niyang mukha. Isa ito sa mga pinakagusto kong gawin, ang titigan siya habang himbing. Napapawi ang lahat ng lungkot at pagod, nawawala ang lahat ng pangamba. Banayad kong idinikit ang aking pisngi sa kanyang mukha. Narinig ko ang mahina niyang hilik, ipinaghehele ako nito. Saglit akong nakatulog. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang naalimpungatan ako, dagli akong bumangon. Marahan kong dinampian ng halik ang kanyang namimintog na pisngi.

Sing-amo ng kanyang mukha ang sikat ng araw ngayon, di tulad ng nakaraang sabado at linggo. Humupa na talaga ang masungit na panahon na dala ng bagsik ng bagyong frank. Magsisimula na naman ang mahabang araw ko. Naunahan pa ng pagtunog ng alarm ng cellphone ko ang tawag mula sa aming opisina. Pinapapasok ako ng maaga. Kailangan daw ng technical team sa Pier 12 kung saan naroon ang tanggapan ng Sulpicio Lines, ang may-ari ng barkong lumubog nang nakaraang sabado sa Romblon dahil sa galit ng alon na dala ng bangis ng panahon. Ayon sa nakalap na balita ng aming tanggapan, parami na raw ng parami ang mga kamag-anak ng pasahero ng MV Princess of the Stars sa opisina ng Sulpicio para makibalita. Karamihan sa mga ito ay mula rito sa Maynila, ang iba naman ay galing pa ng probinsya. Dali-dali kong ibinaba ang telepono matapos malaman ang kaunting detalye.

Nagpakulo na ako ng tubig na pangkape, nagsalang ng kawali at pinainit ang mantikang pagpiprituhan ng itlog, tuyo at hotdog –- ang paborito naming almusal ng anak ko. Nagsalang na rin ako ng sinaing sa isa pang kalan. Habang nagluluto at kasabay ng paghigop ng mainit na kape, naisip ko kaagad ang mga eksenang tatambad sa akin pagdating ko sa pier…mga nag–iiyakan, nagwawalang kamag-anak na nakaabang sa kung anumang balitang ihahain sa kanila ng Sulpicio at ng coast guard.

Pagkaluto ng almusal, naligo na ako. Tanghali pa ang pasok ng anak ko sa eskuwela kaya hindi ako gaanong ngarag sa umaga sa pag-asikaso sa kanya. Grade 1 na siya ngayong taon, “binata ka na anak, 6 kana,” ang biro ko pa sa kanya. Kapag binibiro ko siya ng ganun, naniningkit na ang mata niya sa pagkakangiti at saka yayakap ng mahigpit. Likas na malambing ang anak ko. Palibhasa’y lumaking puno ng pagmamahal kahit ako lang ang kinagisnan na nanay at tatay. Hindi siya hirap sa pagpapakita at pagpapahayag ng nararamdaman. Kaka-anim na taong gulang niya pa lang noong a-disi-otso nitong buwan na ‘to. Nagulat ako nang sinabi niya sakin nung bertdey niya na ayaw niya na daw tumanda. Tinanong ko siya kung bakit. “eh, kasi po ayoko pang mamatay, ikaw din nanay, ayokong tumanda ka, kasi ayokong mamatay ka” Sabi ko, “bakit mo naman nasabi yan? Anak, lahat ng tao ay tatanda, lahat ng tao ay talagang hahantong sa ganon, bakit natatakot ka ba?” Tumango siya ng marahan. Tinanong ko kung bakit siya natatakot, sabi niya “kasi po si lola, ang tanda tanda na, tapos maraming sakit, sabi ni Kuya Ched (ang pinsan niya) malapit na daw mamatay si lola…totoo ba yun nanay?” Natahimik ako, naramdaman ko ang takot niya, dahil tulad niya, takot din akong mawala na ang nanay ko.

Naisip ko agad kung paanong maipapanatili sa kanyang kaisipan ang lahat ng magagandang bagay ng kawalang malay at kamusmusan. Nais ko siyang ingatan at hangga’t maari’y iiwas sa magulong mundo na aking ginagalawan. Sa kanyang murang edad, ang inaasahan kong tanong ay kung gaano karami ang mga kumikindat kindat na bituin sa langit at kung bakit sumusunod sa kanya ang buwan sa tuwing siya’y naglalakad. Ito kasi ang mga tanong ko sa aking ina noong ako’y musmos pa. Hindi ang tungkol sa kamatayan. Hindi ako naging handa sa ganitong klaseng usapan. At tulad ng maraming pagkakataon na hindi ko na maapuhap ang mga paliwanag sa kanyang mga tanong, yakap lang ang kaya kong ibigay na sagot.

Paglabas ko ng banyo, pababa na anak kong pupungas-pungas pa, kasunod ang aming kasambahay na si Ate Ging. Si Ate Ging na ang nag-aasikaso ng baon niya kapag ganitong may maaga kaming news coverage. Nagmamadali na rin kasi akong nag-aya na mag-almusal dahil maya’t maya ang tunog ng cellphone ko. Nangungulit marahil sa text ang mga kasamahan ko. Bahagyang nagtaka ang anak ko kung bakit nagmamadali na naman daw ako. May nangyari na naman daw ba? Tanong niya. Kabisado na ng anak ko kapag ganitong nagmamadali ako, ibig sabihin, may nangyari na naman. Kabisado na rin niya ang trabaho ko, na kung saan may gulo, may sunog, may patayan o kung anumang sakuna, nandun ako.

Minsan nga nasabi niya sa akin na gusto niya rin daw maging tulad ko. Sa una’y nagulat pa ako, nagtaka, bakit niya gugustuhin ang trabahong tulad ng sa akin, samantalang ito ang trabahong umaagaw ng oras ko sa kanya. Masyadong demanding ang ganitong klase ng trabaho, ito ang trabaho na hindi pumasok sa isip ko noon. Gusto ko lang noon, magteatro, kumuha ng litrato at sumubok magsulat. Ewan ko ba kung anong klaseng hangin ang nagtulak sa akin sa larangang ito.

Sabi ko sa kanya, magbabago pa naman ang mga gusto niya habang lumalaki siya. Kinuwento ko sa kanya noong bata pa ‘ko, pinangarap kong maging abogado. Paglaki-laki ko, inayawan ko na ang abogasya. Nalaman ko kasing magaling lang magbaluktot ng katotohanan ang mga abogado. Pero naisip ko, habang lumalaki siya, dahil ako ang lagi’t lagi niyang nakikita, posible ngang ako ang maging numero unong impluwensya niya.

Muli niya akong tinanong kung anong nangyari. Sinabi ko sa kanyang pinapapunta ko sa pier, dun kako nakapark ang mga big boat. Naroon kasi ang mga kamag-anak ng mga biktima ng lumubog na barko. Bahagyang kumunot ang kanyang noo, “nanay, wag ka sasakay sa big boat ha”, paniniguro niya. Tipid na ngiti ang sagot ko, hinalikan ko siya sa noo, sabay nagpaalam kahit di pa tapos nguyain ang huling sinubo kong pagkain.

Habang byahe, bumalik sa alaala ko ang malulungkot na imahe sa naganap na paglubog ng MV Princess of the Stars. Mga lumulutang lutang na katawan ng mga biktima, mga naagnas at lumobong katawan ng mga bangkay, mga sugatan at hapung-hapo na mga nakaligtas sa malagim na trahedya. Naisip ko tuloy, ano ang iniisip nila nang nagdeklara na ang kapitan na iwan na ng lahat ang barko. Habang nagkakagulo at iniisip nila na posibleng di na sila makaligtas sa sakunang ito. Naisip ko ang mga batang sakay ng barko, mga batang punong puno ng pangarap. Mga pangarap na tinuldukan ng isang malagim na trahedya. Naitanong ko din sa sarili, ano ang gagawin ko kung sakaling ako ang nasa kalagayan nila? Isang malalim na buntong hininga lang ang naisagot ko. Sa pagitan ng buntong hininga at pagiging tulala, naisip ko talaga palang malungkot ang buhay.

Pagdating sa pier, di na ako nagulat sa dinatnan ko. Tulad ng inaasahan, napakarami na namang pamilya ang dumagsa sa tanggapan ng Sulpicio. Lahat ay umaasa na buhay pa nilang makikita ang kanilang mga kaanak na sakay ng barko. Sa una’y maayos pa silang nakikipagdayologo sa tagapagsalita ng Sulpicio pero nang kalaunan, di na napigilan ang nagpupuyos nilang damdamin. Pinaghalong galit, sakit at pagod ang nararamdaman ng bawat kapamilyang nandoon. Ang ilan ay nawalan ng malay dahil sa lumiliit na pag-asang makita pa nilang buhay ang kanilang kaanak. Ang isa’y umakyat pa sa mataas na tore na kinalalagyan ng tangke ng tubig ng Sulpicio at doon ipinahayag ang kanyang hinaing. Desperado na ang lahat, isa isa nilang idinikit sa pader ang mga larawan ng kanilang mahal sa buhay na sakay ng lumubog na barko. Nilapitan ko ito at tinitigan, mga larawan ng mga buhay na nasayang…ng inanod na mga pangarap. Sa isang iglap, maraming naglahong pangarap at nabuwisang buhay dahil sa tindi ng galit ng kalikasan. Bahagya akong naluha, naalala ko si Sidhaya.

Maya maya, dumating na ang kasama naming reporter, hudyat na ito na kailangan ko nang mag-edit para makahabol sa ere. Pagkatapos ng ere, kukuha na naman ng bagong video, edit ulit, ere ulit. Sa buong maghapon, ganito ka-toxic. Pasado alas dose na ng madaling araw nang matapos ang huling ere namin sa pang-gabing programa. Maari na kaming umuwi.

Pagkauwi, hindi na naman ako makatulog. Gusto ko nang ipahinga ang pagod kong katawan, pero di mawaglit sa isip ko ang mga imahe nitong mga nakaraang araw. Magdamag na naman akong alumpihit sa higaan. Pagbaling ko sa kaliwa, naroon ang aking anak, himbing na himbing sa pagtulog. Tinititigan ko ang maamo niyang mukha. Isa ito sa mga pinakagusto kong gawin, ang titigan siya habang himbing. Ñapapawi kasi ang lahat ng lungkot at pagod, nawawala ang lahat ng pangamba. Banayad kong idinikit ang aking pisngi sa kanyang mukha. Narinig ko ang mahina niyang hilik, ipinaghehele ako nito.

Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang dapuan ako ng antok. Humalik na ang buwan sa maamong sikat ng araw. Marahan kong dinampian ng halik ang aking anak sa namimintog niyang pisngi at saka pumikit. Saglit kong hinayaang iduyan ng magagandang alaala ang pagod kong katawan at isipan. Kailangan kong makapagpahinga kahit kaunti para sa isa na namang hamon ng bagong umaga.

atake

inaatake na naman ako ng depresyon. ang totoo, depresyon ang nagtulak sa aking magbuo ng blog. lumikha ng mga imaginary friends sa internet. umasang may magkumento sa kalungkutan at kasalimuotan ng buhay. marami ang nakakaranas nito, alam ko. magulo ang utak ko, singgulo ng buhok kong di nasuklay mula sa pagkakahiga ko sa kama. ah, gusto ko tuloy ulit matulog...

late bloomer

late bloomer siguro akong matatawag pagdating sa mundo ng pagba blog. takot kasi akong may ibang makabasa ng kung anong tumatakbo sa isip ko. takot mahusgahan. matagal ko nang kaibigan itong kompyuter ko. kung nakakapagsalita nga lang ito. malamang matagal nang nagreklamo sa dami ng mga bagay na ibinahagi ko sa kanya. marahil, sumulat na ito sa akin at nagpaalam. lahat kasi ng angst sa mundo at mga saloobin ko, inaabsorb nito. nagsisilbing shock absorber kumbaga. madalas kasi walang kapagurang tumipa ang kamay ko sa keyboard na to. kahit walang saysay...

subok lang, sabi ko sa sarili ko...wala naman sigurong mawawala...

hayaan nating lumipad ang ating hiraya sa mundo ng pagbablog...

HIGANTENG TREN AT MALL SA HIGHWAY 54

Piiiiit-piiiiit! Peeet-peeet! Yan ang ingay ng EDSA, napakarami kasing sasakyan lalo na’t pag araw ng biyernes. Sobrang traffic. Nagmistulang malaking parking lot ang kahabaan ng dating highway 54 kapag ganitong araw. Ang sentro ng kahabaan nito, mga naglalakihang mga mall. Bawat istasyon ata ng MRT tinatayuan na ng mga mall, kung hindi naman sakto sa istasyon ng mall, nilalagyan ng cat walk o hanging bridge para nga naman mula sa istasyon, direcho ka na sa mall. Sa north Station ng MRT, may SM north na lalo pang pinalaki, tinawag nila itong the block, sa kabilang kanto nito ay may bagong itinayong mall na pag aari ng ayala, ang trinoma. Mula sa north station, may daan na direcho papasok sa loob ng mall, laking ginhawa nga naman ng mga mamimili. Sa cubao station naman, nariyan ang farmers at ang gateway, mula sa mrt EDSA may daan papuntang mrt2, ito ang tren na ang ruta ay mula santolan hanggang divisoria. Walang kahirap hirap, di ka magpapawis at mag-aabang pa ng dyip o fx. Pagdating sa ortigas, nariyan ang Robinsons galleria, sa EDSA shaw, nang-aakit ang mga higanteng billboard at LCD ad ng megamall at shangrila mall. Sa kabilang kalsada naman nito ay ang starmall (dating Manuela). Pero kung ang trabaho mo ay malapit sa pioneer, EDSA shaw, dun ka na bumaba sa may Robinsons pioneer, pagkatapos ng trabaho, aba’y magrelax ka muna sa Robinsons. Siempre pagdating sa makati, ayan na ang mga naglalakihang mga mall na pag-aari ng ayala corporation.

Napakagaling na stratehiya nito mula sa mga kapitalsita. Hindi ka na mahihirapang pumunta sa mga higanteng pamilihan. Inilalapit na nila mismo sa mga konsumer ang kanilang paninda. Maeengganyo ka nga namang mamili sa naggagandahang palamuti at pang-akit ng mall na nagsasabing may diskuwento sila hanggang 70 porsiyento. Sing ingay ng mga sasakyan sa EDSA ang loob ng mga mall. At asahan mo, kung gaano kadami ang sasakyan sa EDSA, ganun din kadami ang sasakyan sa mga parking lot ng mga mall. Naisip ko tuloy, kung maraming tumatangkilik sa mga higanteng mall ni henry sy, at senor zobel de ayala paniguradong humihiga na lang sila sa pera. Humihiga sila sa pera samantalang maraming patuloy na naghihirap sa paligid nila… hindi bilog ang mundo, tatsulok ito, silang mga nasa tuktok ang naghahari at patuloy na maghahari…peeeet peeet…. wala pa ring tigil ang mga busina ng sasakyan sa EDSA.