Martes, Setyembre 16, 2008

ANG BATA SA DULAANG PILIPINO

Rebyu sa Dalumat ng Pagkataong Filipino sa mga Dula at Maiikling Kuwentong Pambata
Tesis/disertasyon ni Edna May Landicho
Rebyu ni nanaybunso

“Ang mag-aaral ay hindi lamang nagsasagawa ng isang pag-aaral para lamang sa isang akademikong pagsulong. Manapa, higit sa layuning akademiko, ang pag-aaral na ito ay isinasagawa para sa katuparan ng halos buong-buhay na komitment para sa isang ideyal na kinabukasan ng mga batang Filipino.” - Edna May Obien-Landicho

Higit sa adhikaing mapayabong ang akademya hinggil sa panlahing identidad, layon niyang magkaroon ng matibay
na pundasyon at konkretong pananaw ang mga kabataan sa sariling pagkalahi. Ito’y isang pagpupunla para sa dalisay na diwa ng kamusmusan. Masasabing napaka-ideyal nang layunin ng may akda sa kanyang pag-aaral, isang pangarap marahil ng lahat ng magulang na sumibol at isilang ang isang pambansang diwa na may tuwirang kaugnayan sa kabataan.

Makailang ulit nang nagkaroon ng pag-aaral tungkol sa dalumat ng pagkataong Pilipino. Nariyan ang mga
iskolar na sina Dr. Zeus Salazar at Dr Prospero Covar. Itinuring ni Bb. Landicho na may malaking ambag ang
ilang mga pag-aaral na isinagawa ng mga nasabing iskolar kaya’t ginawa niya itong mahalagang sangkap sa
kanyang pagsasaliksik. Ginabayan ang buong pag-aaral na ito ng pantayong pananaw ni Dr. Salazar at ang
pilipinohiya ni Dr. Covar bilang lapit. Sa malaking bilang ng nagsagawa ng pag-aaral hinggil sa lalim ng
kahulugan ng panlahing identidad, wala pa ring tuwirang paglilirip tungkol sa kalikasan ng pagkataong
Pilipino na may direktang koneksyon sa kabataan. Wala pang (noong panahon na isinagawa ang pag-aaral na ito)
naitala na nagtangkang magpalalim sa dalumat ng pagkataong Pilipino base sa mga kuentong bayan at mga
dulang pambata. Kaya naman masasabi na wala pang malinaw o tahas na palagay ang kabataan sa tunay na
esensya ng sariling pagkalahi. Patunay dito ang isinagawang survey ni dr. ma. Luisa doronilla noong
1982, na naging isang mahalagang saligan kung bakit naging masigasig ang may akda sa pagpapatuloy ng
pag-aaral na ito. Ang survey ay kaugnay sa perspektibo ng mga bata sa ating pagkalahi “Higit na
mataas ang pagkagusto nila sa mga lahing dayo tulad ng lahing amerikano at hapones kaysa pagiging Pilipino.”
Dahil dito, umiral ang pagiging ina, lola at pagiging manunulat ni Bb. Landicho. Sumibol ang kagustuhan
niyang magkaroon ng matatag na pananaw ang kabataan sa ating panlahing identidad. Naniniwala siyang malaking
bahagi ang kultura sa pagpapayaman at pagpapalalim ng pagtingin ng mga kabataan sa ating pagkalahi. Sa
kanyang palagay, nararapat lamang na palalimin ang pag-aaral ng kultura na may tuwirang kaugnayan sa
kabataang pilipino. “ang lahi ay umaasa sa mga tagatimon, hindi na malinaw sa mga naunang pumalaot
ang paglayag pabalik sa pampang….maalon ang laot….maasigwa ang panahon…ang kinabukasan ay nasa
kamay ng kabataan. Ang paglago ng musmos ay napakahalaga…” Sa metaporang ito ni Bb. Landicho,
masasabing masidhi ang kagustuhan niyang magkaroon ng implisitong pananaw ang mga kabataan hinggil sa
kanilang pagkapinoy. Kaya naman siya’y nagsikhay na magsulat ng mga kuento at dulang pambata at magsagawa
ng isang malalim at mapanuring pag-aaral hinggil sa ating pagkapilipino na nakabatay sa mga malikhaing
dula at kuwentong pambata.

Sa disertasyong ito, lumitaw ang likas na pagiging malikhain at mapanuri ng may akda. Organisado ang
tuon ng kanyang mga ideya at malinis ang kanyang pagbalangkas sa mga paksa. Ang pag-aaral ay hinati
niya sa dalawang bahagi. Ang una ay kinatatampukan ng mga orihinal na kuento, nobela at mga dulang pambata.
Ang ikalawang bahagi ay ang pag-aaral kung saan masinop niyang ibinalangkas ang bawat paksa, may
panimula, paglalahad ng mga problema, may saklaw at hangganan. Sa huling bahagi ng disertasyon,
magkakaroon ng paglalagom, konklusyon at pagmumungkahi. Sa kabuuan ng tesis, kapansin pansin
ang madalas na paggamit niya ng metapora. Pati ang mga titulo ng mga kabanata ay hindi tuwiran at di
pormal tulad ng paghahain ng bugtong (paglalahad ng problema), paghabol sa kulasisi ng hari (layunin ng
pag-aaral), balangaw ng kamusmusan(kahalagahan ng pag-aaral), ang saklaw ng langit sa kipot ng balon
(saklaw at limitasyon ng pag-aaral), pag-aalay ng taguri sa mga katawagan (pabibigay ng kahulugan sa mga
termino), kapatiran sa pagpapantas at panitikan (mga kaugnay na apg-aaral at literatura), pagpapatabi po
nuno att paghakbang sa liblib (metodolohiya at pamamaraang ginamit), muni-muni (paglalagom),
pagpipinid (konklusyon), pag-aawang (mungkahi). Sa aking sariling palagay, ang mga paghahambing na ito ay
isang malaking hamon para sa mga magbabasa lalo na sa isang tulad ko na may kadahupan sa pang unawa sa
konteksto ng malalalim na salitang tagalog. Ang mga materyal na naging instrumento sa pag-aaral na ito ay
kagyat niyang isinalin sa sariling wika pagkat naniniwala siyang mas mabisang naipararating ang
anumang depinitibong konsepto kung ang sarili nating wika ang ginamit na daluyan. Sa una’y sadyang
kinakapos ako sa pag-intindi sa mga kahulugan nito ngunit nang naglaon dahil sa ito’y nagsilbing hamon,
nakasanayan at naunawaan na rin. Ganito itinuturing ng may akda ang pag-aaral ng kabataan sa dalumat ng
pagkataong Pilipino. May kasalatan man sa pang-unawa sa ngayon, sa katagalan ay mahihirati rin at magiging
bahagi ng kanilang kalinangan.

Ang ilan sa kanyang malikhaing maikling akda ay halaw sa kanyang personal na karanasan. Ang ilan sa mga ito
ay ang kuento ng luha ng higante, labindalawalang magkakapatid at ang istorya ng tatyaw at bulate. Ang
kuento ng luha ng higante ay kanyang isinulat nang siya’y mapasyal sa kahali-halinang chocolate hills ng
bohol noong 2001. Naakit siya sa romantikong kuento ng dalawang higanteng sina aloya at arogo na kinuento ni
Atan. Si atan ang may ari ng sasakyang kanilang ginamit at inarkila sa pamamasyal buong araw sa bohol.
Ang kuwento naman ng labindalawang magkakapatid ay mula sa sermon ng kanilang kura paroko sa lagro kung
saan ang kanyang buong pamilya ay nakatira. Sa sermon ng pari ikinuento niya ang tungkol sa labindalawang
magkakapatid na buwan. Sa istoryang ito, binigyang importansya niya ang tunay na kahulugan ng pag-ibig.
Si pebrero, nagpakita ng wagas na pag-ibig at papaparaya sa kaniyang labing isang kapatid pa na
supling ng araw at ng buwan. Ang dulang tatyaw at bulate ay hango mismo sa kuentong bayan na ipinamana
niya sa kanyang panganay na anak na si pongpong na noo’y apat na taong gulang pa lang. Ang kuento ay
lalong binuhay ni pongpong. Nagulat na lamang siya ng itinuloy ng kanyang anak na si pongpong ang kuento
tungkol sa tatyaw at bulate, naiba lamang ng kaunti ang kaeksena at ang huling bahagi ng istorya. Ang
kalipunan ng malikhaing akda ni Bb. Landicho ay lagi’t laging kakikitaan ng mga pantasya at masiglang haraya
na sinasabayan ng mga makukulit na dayalogong tiyak na kagigiliwan ng mga bata. Sa dakong huli ng mga kuento
at dula, paniguradong kapupulutan ito ng kagandahang asal na magiging mahalagang elemento ng kanilang
kamulatan.

Sa pamamagitan ng kanyang mga malikhaing dula at kuentong pambata, nabigyang buhay ang kultura na
kinapapalooban ng mga konsepto ng pagiging “maka”--makadiyos, makakalikasan, makakapwa at makabayan.
Kanyang tinuran, “sa isang bata, ang kaluluwa ng literatura ang tutulong sa paggabay sa kanya sa
pagkakaroon ng isang pagkataong tunay na makalumikha, makakalikasan, makakapwa at makabayan.” Ito, sa
kalaunan, ay magiging bahagi ng malay ng bawat batang Pilipino.

Sa kabuuan ng pag-aaral, kapansin pansin na naging maingat ang may akda mula sa konseptualisasyon
hanggang sa pagsulat ng mga malikhaing dula at kuentong pambata hanggang sa pagsusuri at paglagom
nito para sa malalim na pang unawa ng pagkataong Pilipino. Ito ay kinapapalooban ng kalipunan ng mga
akdang panliteratura, tesis at disertasyon, artikulo/monograp na may kaugnayan sa dula at
sikolohiyang Pilipino. Tinanggap niya ang mga opinyon ng iba’t ibang tao na may nauna nang pag-aaral
kaugnay ng kanyang paksang napili upang gawing salalalayan ng kabuuan ng kanyang tesis. May mga
bahagi din sa tesis na ito ang mga pag-aaral ng mga tao sa larangan ng media pagka’t kinilala ng may akda
ang malawak na impluensya ng media sa pagkakaroon at pagbuo ng isang implisitong kaisipang panlipunan. -
“ang media ay nagtatambuli ng pagkabahala sa iba’t ibang himaymay ng pagiging Pilipino na nalulugami sa
kabulukan, katiwalian, imoralidad, ngunit tuwina, sa dulo ng balangaw, ipinadadadama pa rin ang pananalig
at pag-asa.” Naniniwala siya sa kapangyarihan ng media sa pagbabago ng pananaw sa kultura at sariling
pagkalahi.

Ganito ang kanyang tinuran sa paglulundo ng pag-aaral, “ang bagong balangaw ay sisilay, may dalisay na samyo
ng simoy na hahalik. Ang tahanan ay hindi maaring ipinid nang matagal, iaawang ang pinto para sa bagong
dampulay ng sariwang hangin.” Punong puno ng pag-asa ang mga huling pahina ng disertasyon, umaasa na
magiging matagumpay at magkaroon ng katuturan ang lahat ng inialay na hirap, pagod, luha at pagibig
mailuwal lamang ang pag-aaral na ito. Tunay na maituturing itong isang pangakong tagumpay na
naisakatuparan ng may akda. Isang pangako at debosyon di lamang sa kanyang anak at apo kundi sa lahat ng
isisilang pang mga batang Pilipino.

Lunes, Setyembre 8, 2008

DANDANNAG

Sa ilog ng Chico, pumalahaw ang tribong Bontok.
Laban sa pangangamkam ng lupa at panggagahis,
Nanaghoy ang mga ibon at ang payapang bundok.

Ritmo ng tambol at baril sabay-sabay ang putok,
Hiyaw ng pang-aalipin, ‘di tumiklop ang bagwis
Sa ilog ng Chico, pumalahaw ang tribong Bontok.

Inialay kay Lumawig ang hilagyong nalugmok,
Mga awiting nagpupugay at naghihinagpis,
Nanaghoy ang mga ibon at ang payapang bundok.

Umalingawngaw ang hagulgol at mga himutok
Ng mga naulila, may punyal sa pusong amis.
Sa ilog ng Chico, pumalahaw ang tribong Bontok.

Nagningas ang poot sa kadangyan na nanghimasok
Sa panatag na buhay ng tribong pinaaalis.
Nanaghoy ang mga ibon at ang payapang bundok.

At dahil sa siphayo, sa kilusan ay lumahok;
Ritwal ng paglaya, ang tanikala ay inalis.
Sa ilog ng Chico, pumalahaw ang tribung Bontok,
Nanaghoy ang mga ibon at ang payapang bundok.

note: sa Kalinga, ang dandannag ay ang awiting nagpupugay sa patay.