Huwebes, Nobyembre 20, 2008

ang nawawalang libog sa pagsusulat

nangungulila na ang kamay ko sa pagsusulat.  Masyadong maraming oras ang inilalaan ko sa trabaho at sa aking anak kaya wala nang panahong makapagsulat.  Kahapon, sinubukan kong muling sumulat.  Walang nailuwal ang isip ko ni isang letra...nawala na yata ang libog ko sa sining ko.  Baka nagtampo.  Sabi ng ilang kaibigan, sa dami raw ng mga lugar na napuntahan ko, marami akong maaring maisulat.  Tama sila, pero sa tuwing sisimulan kong humarap sa computer o kahit sa isang pirasong papel hawak ang ballpen, wala kahit tuldok akong maisulat.  Naiintimidate ako sa liwanag ng monitor ng computer at sa malawak na espasyo ng kakarampot na papel.  Nasaan na ang libog kong magsulat? Nangungulila ako sa hirayang dati'y naglalaro sa isip ko.  Sa mga inimbento kong tauhan na kaulayaw ko sa matinding pagkainip.  Marahil, lahat ng ito'y nagbago na ng dimensyon.  Nais kong makatagpo at muling makaniig ang aking sining.  At sa muli naming pagniniig, pinapangako kong hinding-hindi ko na ito pakakawalan...   

Lunes, Nobyembre 10, 2008

Ms. Unibers-idad

Ano ba ang batayan ng kasiyahan ng isang tao?    Nagpapapakalalim na naman ang tono ko pero ang totoo simple lang naman ang sagot diyan:  kung nagagawa mo ang mga gusto mong gawin ng wala kang natatapakan.  Nitong mga nakaraang buwan, natuklakasan kong kaya ko rin naman palang makapagsulat ng mga kuwento, tula at kritisismo.  May kababawan man ang mga sinusulat ko, ang mahalaga, naibubulalas ko ang mga gusto kong sabihin.  Kaya’t napagdesisyunan kong lumipat ng kurso ng malikhaing pagsulat mula sa gradwadong aralin ng Filipino.  Mainam ito naisip ko, dahil marami akong oras nakatunganga at nag iisip, mas mabuting isinusulat ko na lang ang lahat ng ideyang naglalaro sa isip ko.  Pangalawa, lagalag naman ako araw-araw.  Maraming ideya na maaring laruin sa mga sulatin.  Pangatlo, hinikayat na rin ako ng mga kaklase ko at guro nitong nakaraang semestre.  Matrabaho ang paglipat, bibiktimahin ka ng burukrasya sa unibersidad.  Kayraming kailangang papirmahan, para akong pingpong na pabalik-balik sa mga opisina ng mga dekano at advisers ko.  Kadalasan pa, kailangang hintayin ko mula sa isang meeting o oral defense o training ang adviser ko para lang makapagpapirma.  Kayhirap hagilapin ng mga propesor sa UP.  Kaya naman umabot ng apat na araw ang pag-aasikaso ko nito.  Noong ikalawang araw ko ng pag-aasikaso nito, naisipan kong tumambay sa opisina ng kasamahan ko sa cultural work na guro sa UP.  Nabanggit ko sa kanya ang desisyon kong paglipat sa MP mula sa AP.  Siya lamang ang bukod tanging nagsabi sa akin na wala naman daw akong matutunan sa programang iyon.  At kung ang tanging dahilan ko lang ng paglipat ng programa ay dahil sa nag-enjoy ako nang nakaraang semestre, eh malaking kababawan daw iyon.  Bakit daw ba ako nag-aaral?  Kagyat kong sinagot na para matuto.  Eh kung gusto ko raw matuto, wag kong hanapin ang madali, walang madaling bagay sa pag-aaral.  At kaya ko rin naman daw magsulat kahit hindi pumasok sa programa ng malikhaing pagsulat.  Kinontra agad ng isip ko ang ideyang yon, dahil alam kong maraming-marami pa akong dapat matutunan.  Napaisip ako pagkatapos nito, ni hindi ko na malunok ang kapeng barakong inialok nila sa akin kanina.  Nanliit ako ng bahagya, basta ang nasa isip ko, e sa pakiramdam ko doon ako magiging masaya e, bakit ko pa ba pahihirapan ang sarili ko?  At wag niyang sabihin na walang matutunan don sa prgoramang iyon, dahil kung wala, hindi na iooffer ng unibersidad ang kursong iyon.  Matapos ang huling mapait na lagok sa kape, nagpaalam na ako.  Inasikaso ko pa rin ang paglipat ko, desisdo na talaga ako.

At matapos ang apat na araw na hilong talilong sa pagpapapirma, nasimulan ko na rin sa wakas ang pag-eenrol ng mga subjects sa malikhaing pagsulat.  Ang nakakatuwa rito, hindi na ako binigyan ng mga undergrad na subjects ng adviser ko.  Konsolasyon ito sa namimintig kong mga binti at kinakalyong talampakan.  Habang pinipirmahan ng tagapangulo sa gradwadong aralin ang papel ko, tinanong niya ako kung bakit naisipan kong lumipat.  Naalala ko ang nakapanliliit na reaksyon ng kakilala kong guro noong isang araw.  Naisip ko, magpapabibo ba ako at sasagot ng pang- Ms. Universe o magpapakatotoo ako.  Hindi naman pang beauty contest ang personalidad ko kaya nagsabi ako ng totoo.  Ang sabi ko, “masaya po ako kapag nakapagsusulat, yun lang po talaga ang dahilan ko.”   Akala ko, manliliit akong muli sa reaksyon niya, pero nagkamali ako.  Itinaas niyang muli ang tiwala ko sa sarili ko nang sinabi niyang best reason naman daw ang kasiyahan para sa lahat ng bagay.  Kung saan ako masaya, dapat sinusunod ko.  Nang narinig ko to, parang nakatanggap ako ng korona na pang-Ms. U.  Winner!