Martes, Agosto 18, 2009

Ang Pagkabuo ng Larawan ng Babae sa Ilang Piling nobela ni Ma. Magsano: Isang Alternatibong Pagbasa (annotated bibliography)

Sumentro ang pag-aaral sa dalawang nobelang naging bahagi ng panitikang bernakular: Ang Bales na Kalamangan (Ganti ng Kataksilan, 1952) at ang Duksa’y Kapalaran (Malupit na Kapalaran, 1959). Ayon sa pag-aaral, salat man sa kinis ang ilang bahagi ng nobela, maari pa rin itong maihanay sa nangingibabaw na paradigm sa mundo ng panitikang Filipino dahil sa ilang katangiang nagpapaangat sa tunay na esensya nito. Naging salalayan ng pag-aaral ang sosyo-historikal at kamalayang pangkasarian upang mapag-aralan ang bawat tauhan sa kuwento. Pinagsanib niya ang dalawang malaking simbolo ng Pangasinan – ang Birhen ng Manaoag bilang imahen ng isang ina at ang Prinsesa Urduja ng Talawisi bilang babaeng mandirigma. Higit na naunawaan ang paglatag ng gender inequality sa bawat tauhan sa paggamit ng mag-aaral ng mito bilang metapora at simbolo ng mga babae higit pa sa pagiging arketipo nito. Higit ding naintindihan ang layunin ng awtor (Ma. Magsano) na baliktarin ang kabalintunaan ng posisyon ng babae sa lipunang patriyarkal.

Dito’y sinuri rin ang imahen ng babaeng Filipina na nilikha ng isang babaeng manunulat na nagmula sa rehiyon. Maituturing na may kamalayang pulitikal ang awtor ngunit may mga limitasyon pa ring lumitaw sa kanyang panulat marahil dahil na rin sa pulitikal at historikal na sirkumstansya noong panahon ng kanyang pagkatha. Bagaman batbat ng mga limitasyon, may mga pagkakataong lumilihis pa rin siya sa kumbensyon tulad na lang ng paglalarawan niya sa ilang babaeng tauhan. Liberal, determinado at produktibo ang ilan sa kanyang mga tauhan. Naipakita niya rin ang hirarkiya sa lipunan at kung paanong naigpawan ng ilan sa mga babaeng tauhan ang mga puwersang nagdidikta ng istiryutipo at nagpapalaganap/nagpapanatili ng opresyon sa hanay ng kababaihan.

Sa huli, masasabing isang matapang na paglalahad ng feminist struggle ang pagsusuri sa dalawang nobela ni Ma. Magsano. Sa isang lipunang lalaki ang nagdodomina maging sa panulatan noong panahon niya, maituturing na isang malaking hamon sa mga lalaking manunulat ang kanyang mga naiambag sa panitikan.

Ang Manunulat sa Likod ng Sandaang Damit at Iba Pang Maiikling Kuwento ni FANNY GARCIA-TALAMPAS, MA Thesis (annotated bibliography)

Nagpakilala sa pag-aaral na ito ang manunulat na humabi ng sandaang karanasan at higit pa sa mga kuwentong naitala hindi lamang sa kanyang sariling libro kundi sa maraming antolohiyang kinabilangan ng kanyang mga akda. Matutuklasang ang karamihan sa kanyang kuwento ay halaw sa kanyang totoong karanasan at karanasan din ng ibang malalapit sa kanya. Muli niyang binalikan ang lahat ng alaala na kakambal ng bawat kuwento, bawat tauhang nalikha, ugnayang naputol at mga alaalang nanatiling buhay. Bukod pa sa malayang haraya at malikhaing pagpapadaloy ng kuwento, mahalagang elemento ang kanyang mayamang karanasang pulitikal sa pagpapalalim at pagbibigay ng animo’y mahika sa kanyang mga akda. Tila nakikidanas ang mga mambabasa sa bawat karanasang kanyang inilalarawan.

Itinuturing ng awtor na isang kolektibong proseso ang pagkatha. Sa ganitong premis, tinitingnan niyang hindi lamang siya ang humubog sa bawat babaeng tauhang kanyang napalutang at nabigyan ng boses. Naniniwala siyang ang karanasan ng isa ay ang karanasan ng buong lipunan, lahat ay magkakawing at magkakaugnay. Nostalgic ang unang bahagi ng pag-aaral dahil binalikan niyang muli ang mga mahahalagang panahon at karanasan na nagtulak sa kanya upang magpatuloy sa napiling larangan -- ang trahedya ng pagkamatay ng kanyang ama na siyang naging malaking impluwensya niya at ang makulay niyang buhay-kolehiyo. Bagaman napapaligiran ng mga kapwa manunulat na lalaki, hindi siya nagpadaig at nagpaiwan sa pagpapayaman ng kanyang sining. Karamihan sa mga kuwento niya’y isinulat niya noong siya’y dalaga pa lamang at nagawaran ng iba’t ibang pagkilala. Tinalakay sa kanyang mga kuwento ang isyu ng moralidad, kahirapan, opresyon sa kababaihan, at mga karanasang kultural at pulitikal.

Sa huli, mapapahalagahan ang mga kuwento ni Fanny Garcia-Talampas bilang isang mahalagang ambag sa panitikan dahil sumasalamin ito sa dekadenteng kulturang namayani noong panahon ng kanyang pagkatha hanggang sa kasalukuyan.

Isang Feministang Pagbasa sa mga Kuwento ni Rosario de Guzman- Lingat (annotated bibliography)

Umaalingawngaw sa kabuuan ng pag-aaral na ito ang Marxista-Feministang pagbasa na siyang naging salalayan ng mag-aaral sa pagsuri sa mga kuwento ni Rosario de Guzman-Lingat. Sumentro ang diskurso sa mga kuwentong nailathala sa pagitan ng mga taong 1970-1980, panahon kung kailan pinipi ang mga manunulat at mamahayag ng diktaduryang Marcos. Ngunit hindi nagpapigil si Lingat sa pulitikal na puwersa dahil ayon sa pag-aaral, ito rin ang panahon na lalong naging aktibo si Lingat sa pagsusulat. Bagaman umiiral ang dominanteng ideolohiyang patriyarkal, hindi ito naging balakid kay Lingat upang makapagsulat ng mga maiikling kuwentong nagtatampok ng babaeng bida at naglalarawan ng kanilang mga kalakasan upang mabaliktad ang umiiral na dominasyon ng kalalakihan. Matagumpay na nailahad sa pag-aaral ang unti-unting pag-unlad ng feministang kamalayan sa kanyang mga maiikling kuwento. Heterogenous ang paglalarawan sa mga babaeng tauhan, ito ay nakabatay hindi lamang sa kanilang domestikong tungkulin kundi pati na rin sa kanilang panlipunang gawain at pulitikal na tindig.

Malay man ang manunulat sa pantay na kakayahan ng lalaki at babae ay nilalangkapan niya pa rin ng domestikong papel ang kanyang mga babaeng tauhan sa paniniwalang mas mapapalitaw nito ang kahinaan ng mga lalake (ang mga lalake ay nagiging dependent sa mga babae). Ayon pa sa pag-aaral, naipakita rin ang komodipikasyon sa mga babae at iba pang anyo ng opresyon sa mga unang bahagi ng mga kuwento ngunit hindi naman nanatiling ganito ang sitwasyon. Sa huli’y ipinipinta ang mga babaeng tauhan bilang matatag, matapang, makabayan, progresibo, may pagmamahal sa sarili, may boses upang igiit ang kanilang karapatan at may sariling desisyon. Mga paglalarawang taliwas sa itinakda ng dominanteng kultura.

Bukod sa pagsuri sa mga babaeng tauhan sa kuwento, kinilala rin si Lingat bilang isa sa mga masigasig na babaeng manunulat na nagtataguyod ng kamalayang feminismo.

Ang Pagbukas Sa Pinid na Pinto: Ang Pagiging Babae sa mga Piling Maikling Kuwento ni Rosario de Guzman-Lingat (annotated bibliography)

Gamit ang Istrukturalista/Post-istrukturalistang lente, nilandas ng pag-aaral na ito ang mga katangian ng mga babaeng tauhan sa ilang piling maiikling kuwentong isinulat ni Rosario de Guzman-Lingat sa pagitan ng transisyong pulitikal sa bansa (1965-1979). Ito rin ang panahon na monopolyado ng kalalakihan ang mundo ng panitikan. Higit na kinikilala ang kakayahan ng mga lalaking manunulat kumpara sa mga babaeng makata/manunulat. Sa simula’y tinalakay at dinalumat ang iba’t ibang depenisyon ng babae, kababaihan at ng pagkababae. Nagpalalim sa bawat kahulugan na ibinigay at inilatag ang mga dikotomiyang nakita sa bawat kuwento.

Muling binalikan ng pagsusuring ito ang historikal na balangkas na siyang pinagmulan ng sistemang patriyarkal. Masusing pinag-aralan ang mga metapora at paglalarawang ikinabit sa mga babaeng tauhan at kung paanong hinabi ang karakterisasyon ng mga babae sa bawat akda. Natuklasang ikinukubli ni Lingat ang mga potensyal o kalakasan ng babaeng tauhan sa ilang piling kuwento ngunit maituturing naman itong isang maingat na hakbang ng awtor tungo sa pagpapalalim ng personang babae lalo pa’t itinuturing itong malaking anomalya sa isang lipunang lalaki ang nagdodomina. Lumitaw din na ang ilang babae sa kuwento’y may lakas ng loob na sumalungat sa kumbensyong idinidikta ng patriyarka bagaman ang iba ay hindi pa rin lantad ang subersyon.

Sa ilang bahagi ng pag-aaral ay may isinagawang rebyu sa ilang akdang isinulat rin ng ibang sumibol na babaeng manunulat. Dito’y nagkaroon ng bagong pagbasa sa mga senyal at representasyon ng mga babaeng tauhan. Sa mga akdang ito makikitang unti-unting bumabaklas sa istiryutipo ang paglalarawan sa mga babae. At kasabay nito, inilalarawan naman ang mga lalaki bilang oportunista, mahihina, makasarili at walang paninindigan. Dahil dito, lalong tumitingkad ang kalakasan ng kababaihan laban sa patriyarka.

Sa kabuuan, tinangka ng pag-aaral na ito na buwagin ang androsentrikong kamalayan na umiiral sa paglikha ng imahen ng kababaihan sa panitikan.