Sabado, Hulyo 5, 2008

“TOXIC”

Ika-25 ng Hunyo, 2008

Hindi ko na halos namalayan ang tunog ng alarm ng cellphone ko. Puyat na naman sa nagdaang gabi ng pagtatrabaho. Late na ako. Hindi sa trabaho kundi sa unibersidad na pinapasukan ko. Kumukuha ako ngayon ng gradwadong aralin sa Unibersidad ng Pilipinas. Kahit hindi ako pinayagan ng boss ko, nagpumilit pa rin akong mag-aral. Nanghihinayang kasi ako sa halos sampung taong nasayang mula nang pinatulog ko ang aking pangarap na mag-aral muli. Nakatuon kasi ang buong atensyon ko sa trabaho at sa pagtataguyod ng kaisa-isa kong anak. Kaya pansamantala kong kinalimutan ang mga pansariling kagustuhan. Buong loob kong niyakap at ginampanan ang papel bilang nanay at tatay.

Habang byahe papunta sa unibersidad, iniisip ko na kung paanong pagpapaliwanag ang gagawin ko sa aking titser dahil sa pagliban sa mga nakaraang klase. Lumipas na ang dalawang linggo mula nang nagsimula ang semestre, hanggang ngayon wala pa akong napapasukang klase. Pikit-mata akong nag-enrol ngayon ng dalawang subjects kahit alam kong madalas di magtutugma ang iskedyul ko sa trabaho at pag-aaral. Isang malaking bonus na lang talaga ang magkaroon ng maunawaing guro na nagbibigay konsiderasyon sa mga estudyanteng sinasabay ang pagkayod sa trabaho at pag-aaral. Determinado akong mag-aral kahit umabot pa ito ng ilang taon, ang mahalaga ay ang pakikipagpalitan ko ng kaalaman at karanasan sa bawat klaseng aking pinapasukan.

Humahangos akong pumasok sa tanggapan ng Departamento ng Filipino. Hinanap ko ang aking guro sa malikhaing pagsulat. Kahit abala sa harap ng kanyang kompyuter, tinanong ko si Kuya Rolly kung saan maaring puntahan ang aking guro. Simbilis ng kanyang pagtipa sa keyboard ang pagsagot niya kung nasaan si Ma’am Luna. Yun pala’y nasa likuran ko lang, may kausap na kapwa niya guro. Nag-aalinlangan pa akong lumapit sa kanya. Umuurong ang aking dila at nababahag ang aking buntot. Marahil ay inakala ni Ma’am na makikigamit ako ng kompyuter kaya inalok niya sa akin ang upuang ginagamit niya. Tumanggi ako at nagpasalamat. Hindi ko na pinalampas ang oportunidad na ito na makausap siya. Lakas loob na kong nagpakilala. Hindi pa man ako natatapos magdahilan sa pagliban sa klase, sinabi niya na ang mga asignaturang ibinigay niya noong nakaraan. Tinanong niya ako kung nagdyodyornal daw ba ako. Kagyat akong sumagot na hindi. Nagsinungaling ako, dahil ang totoo, nagdyodyornal ako. Nag-alangan akong sabihin ang totoo dahil nahihiya akong ibahagi sa iba ang mga nakasulat sa dyornal ko. Isang dahilan kung bakit hindi ako nagpopost sa blog. Ang aking mga sinusulat ay nananatiling sagrado sa pagitan naming dalawa ng kaibigan kong laptop. Kulang na lang ay binyagan ko siya ng pangalan. Itinuturing ko kasing isang tapat at maasahang kaibigan ang walang buhay kong kompyuter. Handa siyang malaman at itago ang aking mga panaginip at saloobin, malungkot man o masaya, may kuwenta o wala. Hindi niya ito huhusgahan bagkus iingatan ang lahat ng aming napag-usapan. Pinasusulat ako ng titser ko ng dyornal, ikuwento ko daw ang kahit ano. Ikuwento ko raw ang aking trabaho.

Trabaho. Ang “toxic” kong trabaho. Ang totoo, fulfilling ang mapabilang sa liga ng mga tagapagbalita. Nagbubukas ito ng maraming oportunidad upang malaman ang kaisipan at maranasan ang magkakaugnay na kultura ng iba nating kababayan. Sa bawat paglalakbay upang humanap ng balita, maraming pagkatuto ang aking napupulot. Ang bawat harurot ng aming sasakyan at bawat pitik ng kamera ang siyang nagpapatibay ng aming ugnayan at pinag-isang karanasan.

Pero toxic dahil tila lason itong pumapasok sa iyong pagkatao para turuan kang maging manhid. Manhid sa lahat ng masasama at nakalulungkot na balita. Toxic dahil maari nitong hugutin ang iyong kaluluwa at baguhin ang iyong pagkatao. Toxic dahil inaagaw nito ang lahat ng oras para sa iyong pamilya. Toxic dahil tila wala itong kapagurang humigop ng natitira mong lakas at hahayaan ka nitong maging habambuhay na alipin ng sistemang sahuran. Ang lahat ng ito ay nakakubli sa isang sinumpaang tungkulin ng pagseserbisyo. Araw-araw na ganito...araw-araw may nakahaing bagong karanasan.

Ika-26 ng Hunyo, 2008

Magdamag akong alumpihit sa higaan. Hindi ako halos nakatulog ng maayos. Pagbaling ko sa kaliwa, naroon ang anak ko, himbing na himbing sa pagtulog. Tinititigan ko ang maaamo niyang mukha. Isa ito sa mga pinakagusto kong gawin, ang titigan siya habang himbing. Napapawi ang lahat ng lungkot at pagod, nawawala ang lahat ng pangamba. Banayad kong idinikit ang aking pisngi sa kanyang mukha. Narinig ko ang mahina niyang hilik, ipinaghehele ako nito. Saglit akong nakatulog. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang naalimpungatan ako, dagli akong bumangon. Marahan kong dinampian ng halik ang kanyang namimintog na pisngi.

Sing-amo ng kanyang mukha ang sikat ng araw ngayon, di tulad ng nakaraang sabado at linggo. Humupa na talaga ang masungit na panahon na dala ng bagsik ng bagyong frank. Magsisimula na naman ang mahabang araw ko. Naunahan pa ng pagtunog ng alarm ng cellphone ko ang tawag mula sa aming opisina. Pinapapasok ako ng maaga. Kailangan daw ng technical team sa Pier 12 kung saan naroon ang tanggapan ng Sulpicio Lines, ang may-ari ng barkong lumubog nang nakaraang sabado sa Romblon dahil sa galit ng alon na dala ng bangis ng panahon. Ayon sa nakalap na balita ng aming tanggapan, parami na raw ng parami ang mga kamag-anak ng pasahero ng MV Princess of the Stars sa opisina ng Sulpicio para makibalita. Karamihan sa mga ito ay mula rito sa Maynila, ang iba naman ay galing pa ng probinsya. Dali-dali kong ibinaba ang telepono matapos malaman ang kaunting detalye.

Nagpakulo na ako ng tubig na pangkape, nagsalang ng kawali at pinainit ang mantikang pagpiprituhan ng itlog, tuyo at hotdog –- ang paborito naming almusal ng anak ko. Nagsalang na rin ako ng sinaing sa isa pang kalan. Habang nagluluto at kasabay ng paghigop ng mainit na kape, naisip ko kaagad ang mga eksenang tatambad sa akin pagdating ko sa pier…mga nag–iiyakan, nagwawalang kamag-anak na nakaabang sa kung anumang balitang ihahain sa kanila ng Sulpicio at ng coast guard.

Pagkaluto ng almusal, naligo na ako. Tanghali pa ang pasok ng anak ko sa eskuwela kaya hindi ako gaanong ngarag sa umaga sa pag-asikaso sa kanya. Grade 1 na siya ngayong taon, “binata ka na anak, 6 kana,” ang biro ko pa sa kanya. Kapag binibiro ko siya ng ganun, naniningkit na ang mata niya sa pagkakangiti at saka yayakap ng mahigpit. Likas na malambing ang anak ko. Palibhasa’y lumaking puno ng pagmamahal kahit ako lang ang kinagisnan na nanay at tatay. Hindi siya hirap sa pagpapakita at pagpapahayag ng nararamdaman. Kaka-anim na taong gulang niya pa lang noong a-disi-otso nitong buwan na ‘to. Nagulat ako nang sinabi niya sakin nung bertdey niya na ayaw niya na daw tumanda. Tinanong ko siya kung bakit. “eh, kasi po ayoko pang mamatay, ikaw din nanay, ayokong tumanda ka, kasi ayokong mamatay ka” Sabi ko, “bakit mo naman nasabi yan? Anak, lahat ng tao ay tatanda, lahat ng tao ay talagang hahantong sa ganon, bakit natatakot ka ba?” Tumango siya ng marahan. Tinanong ko kung bakit siya natatakot, sabi niya “kasi po si lola, ang tanda tanda na, tapos maraming sakit, sabi ni Kuya Ched (ang pinsan niya) malapit na daw mamatay si lola…totoo ba yun nanay?” Natahimik ako, naramdaman ko ang takot niya, dahil tulad niya, takot din akong mawala na ang nanay ko.

Naisip ko agad kung paanong maipapanatili sa kanyang kaisipan ang lahat ng magagandang bagay ng kawalang malay at kamusmusan. Nais ko siyang ingatan at hangga’t maari’y iiwas sa magulong mundo na aking ginagalawan. Sa kanyang murang edad, ang inaasahan kong tanong ay kung gaano karami ang mga kumikindat kindat na bituin sa langit at kung bakit sumusunod sa kanya ang buwan sa tuwing siya’y naglalakad. Ito kasi ang mga tanong ko sa aking ina noong ako’y musmos pa. Hindi ang tungkol sa kamatayan. Hindi ako naging handa sa ganitong klaseng usapan. At tulad ng maraming pagkakataon na hindi ko na maapuhap ang mga paliwanag sa kanyang mga tanong, yakap lang ang kaya kong ibigay na sagot.

Paglabas ko ng banyo, pababa na anak kong pupungas-pungas pa, kasunod ang aming kasambahay na si Ate Ging. Si Ate Ging na ang nag-aasikaso ng baon niya kapag ganitong may maaga kaming news coverage. Nagmamadali na rin kasi akong nag-aya na mag-almusal dahil maya’t maya ang tunog ng cellphone ko. Nangungulit marahil sa text ang mga kasamahan ko. Bahagyang nagtaka ang anak ko kung bakit nagmamadali na naman daw ako. May nangyari na naman daw ba? Tanong niya. Kabisado na ng anak ko kapag ganitong nagmamadali ako, ibig sabihin, may nangyari na naman. Kabisado na rin niya ang trabaho ko, na kung saan may gulo, may sunog, may patayan o kung anumang sakuna, nandun ako.

Minsan nga nasabi niya sa akin na gusto niya rin daw maging tulad ko. Sa una’y nagulat pa ako, nagtaka, bakit niya gugustuhin ang trabahong tulad ng sa akin, samantalang ito ang trabahong umaagaw ng oras ko sa kanya. Masyadong demanding ang ganitong klase ng trabaho, ito ang trabaho na hindi pumasok sa isip ko noon. Gusto ko lang noon, magteatro, kumuha ng litrato at sumubok magsulat. Ewan ko ba kung anong klaseng hangin ang nagtulak sa akin sa larangang ito.

Sabi ko sa kanya, magbabago pa naman ang mga gusto niya habang lumalaki siya. Kinuwento ko sa kanya noong bata pa ‘ko, pinangarap kong maging abogado. Paglaki-laki ko, inayawan ko na ang abogasya. Nalaman ko kasing magaling lang magbaluktot ng katotohanan ang mga abogado. Pero naisip ko, habang lumalaki siya, dahil ako ang lagi’t lagi niyang nakikita, posible ngang ako ang maging numero unong impluwensya niya.

Muli niya akong tinanong kung anong nangyari. Sinabi ko sa kanyang pinapapunta ko sa pier, dun kako nakapark ang mga big boat. Naroon kasi ang mga kamag-anak ng mga biktima ng lumubog na barko. Bahagyang kumunot ang kanyang noo, “nanay, wag ka sasakay sa big boat ha”, paniniguro niya. Tipid na ngiti ang sagot ko, hinalikan ko siya sa noo, sabay nagpaalam kahit di pa tapos nguyain ang huling sinubo kong pagkain.

Habang byahe, bumalik sa alaala ko ang malulungkot na imahe sa naganap na paglubog ng MV Princess of the Stars. Mga lumulutang lutang na katawan ng mga biktima, mga naagnas at lumobong katawan ng mga bangkay, mga sugatan at hapung-hapo na mga nakaligtas sa malagim na trahedya. Naisip ko tuloy, ano ang iniisip nila nang nagdeklara na ang kapitan na iwan na ng lahat ang barko. Habang nagkakagulo at iniisip nila na posibleng di na sila makaligtas sa sakunang ito. Naisip ko ang mga batang sakay ng barko, mga batang punong puno ng pangarap. Mga pangarap na tinuldukan ng isang malagim na trahedya. Naitanong ko din sa sarili, ano ang gagawin ko kung sakaling ako ang nasa kalagayan nila? Isang malalim na buntong hininga lang ang naisagot ko. Sa pagitan ng buntong hininga at pagiging tulala, naisip ko talaga palang malungkot ang buhay.

Pagdating sa pier, di na ako nagulat sa dinatnan ko. Tulad ng inaasahan, napakarami na namang pamilya ang dumagsa sa tanggapan ng Sulpicio. Lahat ay umaasa na buhay pa nilang makikita ang kanilang mga kaanak na sakay ng barko. Sa una’y maayos pa silang nakikipagdayologo sa tagapagsalita ng Sulpicio pero nang kalaunan, di na napigilan ang nagpupuyos nilang damdamin. Pinaghalong galit, sakit at pagod ang nararamdaman ng bawat kapamilyang nandoon. Ang ilan ay nawalan ng malay dahil sa lumiliit na pag-asang makita pa nilang buhay ang kanilang kaanak. Ang isa’y umakyat pa sa mataas na tore na kinalalagyan ng tangke ng tubig ng Sulpicio at doon ipinahayag ang kanyang hinaing. Desperado na ang lahat, isa isa nilang idinikit sa pader ang mga larawan ng kanilang mahal sa buhay na sakay ng lumubog na barko. Nilapitan ko ito at tinitigan, mga larawan ng mga buhay na nasayang…ng inanod na mga pangarap. Sa isang iglap, maraming naglahong pangarap at nabuwisang buhay dahil sa tindi ng galit ng kalikasan. Bahagya akong naluha, naalala ko si Sidhaya.

Maya maya, dumating na ang kasama naming reporter, hudyat na ito na kailangan ko nang mag-edit para makahabol sa ere. Pagkatapos ng ere, kukuha na naman ng bagong video, edit ulit, ere ulit. Sa buong maghapon, ganito ka-toxic. Pasado alas dose na ng madaling araw nang matapos ang huling ere namin sa pang-gabing programa. Maari na kaming umuwi.

Pagkauwi, hindi na naman ako makatulog. Gusto ko nang ipahinga ang pagod kong katawan, pero di mawaglit sa isip ko ang mga imahe nitong mga nakaraang araw. Magdamag na naman akong alumpihit sa higaan. Pagbaling ko sa kaliwa, naroon ang aking anak, himbing na himbing sa pagtulog. Tinititigan ko ang maamo niyang mukha. Isa ito sa mga pinakagusto kong gawin, ang titigan siya habang himbing. Ñapapawi kasi ang lahat ng lungkot at pagod, nawawala ang lahat ng pangamba. Banayad kong idinikit ang aking pisngi sa kanyang mukha. Narinig ko ang mahina niyang hilik, ipinaghehele ako nito.

Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang dapuan ako ng antok. Humalik na ang buwan sa maamong sikat ng araw. Marahan kong dinampian ng halik ang aking anak sa namimintog niyang pisngi at saka pumikit. Saglit kong hinayaang iduyan ng magagandang alaala ang pagod kong katawan at isipan. Kailangan kong makapagpahinga kahit kaunti para sa isa na namang hamon ng bagong umaga.

Walang komento: