Sabado, Hulyo 5, 2008

"SIDHAYA"

sidhaya- pangalan ng aking anak; napulot ko sa nabasa kong librong puno ng maiikling kuwentong tagalog na ang ibig sabihin ay pagpapahayag

ika 27 ng Hulyo

Unang araw ko sa klase ng malikhaing pagsulat. Nasa ika-apat na palapag ng gusali ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ang aming klase. Hingal-kabayo ako sa pag-akyat. Singbilis ng pag-akyat ng nag-uunahan kong mga paa ang tibok ng puso ko. Kahiya-hiya dahil huli na ako sa klase. Pasado alas nuebe na kasi ng umaga, ilang minuto na akong late. Ang tanging pag-asa ko lang ay ang mahuli rin sa klase ang aking guro o kaya’y may mas mahuli pa akong kaklase. Ang sama ko, gusto pa ng karamay at heto ang aking alibi: Puyat na naman kasi ako kagabi dahil sa trabaho. Pagdating pa sa bahay, hindi naman ako agad makatulog. Daig pa nga ako ng guwardiya ng kapitbahay naming condominium. Si manong, sa tuwing uuwi ako ng dis-oras ng gabi, tulog. Sa hula ko, mga ilang oras na siyang tulog dahil sa pagkakalungayngay niya sa kanyang upuan. Kulang na lang mag-abot ang kanyang leeg at baywang.

Sa pagmamadali ko, natapilok pa ako. Sinisi ko ang hindi mabilang na baitang ng hagdan ng gusali ng KAL. Naisip kong maghinay-hinay sa pag-akyat. Wala naman pag-asang umurong pa ang orasan at hindi rin naman umiikli ang hagdan. Di tulad kanina, wala na sa tiyempo ang tibok ng puso at ang paglalakad ko. Mas mabilis na ngayon ang pintig nito. Kakapalan ko na lang talaga ang mukha ko mamya pagpasok sa klasrum. Plano ko, sa likod umupo. Sana matiyempuhan kong nakatalikod ang titser ko. Sana nagsusulat siya sa blackboard pagpasok ko ng kuwarto. Sana…

Kaya lang nakalimutan ko kung anong klasrum ko. Hindi ako sigurado kung 405 o 406! Habang umaakyat, hinahalungkat ko pa ang mala-bodegang bag ko. Naiinis ako sa sarili ko, inatake na naman ako ng amnesia. Ito yata talaga ang epekto ng naturukan ng anesthesia. Buti na lang bago pa man dumating nang ika-apat na palapag, nakita ko na ang form 5 ko, room 406 daw. Habang papalapit ang nangangatog kong mga paa sa room 406, bumibilis ang pintig ng dibdib ko, pabilis nang pabilis. Hindi ko malaman kung sa kaba o sa hiya, o mukhang naghalo na. Muli akong nainis sa sarili ko, pero wala nang panahon para mainis pa. Nasa pintuan na ako ng room 406. Ang kailangan ko, lakas ng loob. Pero parang minamalas yata ako, hindi nakatalikod ang titser ko, nakapaikot ang buong klase na parang matagal nang nagkukuwentuhan! Hindi uubra ang mga plano ko. Gusto kong takluban ng malaki kong bag ang nangangapal kong mukha. Nakakahiya! Bago pumasok sa kuwarto, nilingon ko kung may kasunod akong humahangos din na kaklase, pero malinis ang buong pasilyo. Kaya’t nakakahiya man, lakas loob akong pumasok ng klasrum, humila ng isang upuang pinakamalapit sa pintuan at umupo. Sa hiya ko, mukhang naiwan ang kaluluwa ko sa labas ng pinto. Hindi ko na napansin kung lahat ba sila nakatingin sa akin. O kung lahat ba sila masama ang tingin sa akin. Lumikha kasi ng ingay ang paghila ko sa upuan. Kumiskis sa semento, nakakangilo.

Nagsasalita na ang kaklase kong may hawak nang kanyang litrato noong bata siya. Heidi ang pangalan niya. Sa litrato, nakasuot siya ng t-shirt na may nakasulat na happy. Mukha naman siyang happy sa larawan, nakalabas ang dalawang biloy sa kanyang magkabilang pisngi. Naisip ko agad, masaya ang kanyang kabataan. Siguro mayroon siyang mamahaling Barbie na tinitirintasan pa ang ginintuang buhok. Ako kasi, manikang papel lang ang nahawakan ko, pati sandamakmak na teks na itinatago ko pa sa nanay ko. Marahil nagawa niyang makapagpalipad ng makulay na saranggola noong bata pa siya. Ang sa amin kasi ng kuya ko, black and white na saranggola lang, gawa sa dyaryo at dinikitan ng kaning lamig. Tantya ko din, madalas siyang makapagtampisaw sa ulan noong bata pa siya. Ako kasi, tuwing unang buhos ng ulan sa buwan ng Mayo lang pinapayagang makapaligo sa ulan. Sakitin at patpatin kasi ako noong kabataan ko. Nagkakasya na lang ako sa pagsahod sa alulod ng aming bahay. Ginagawa ko itong dutsa. Habang basang basa na naghaharutan ang mga kapatid ko sa labas, nakikipagpatintero naman ako sa sarili sa loob ng aming bahay. Taga-sahod sa tulo ng butas-butas naming bubong na ilang kalawang na lang yata ang di pa pumipirma.

Habang pinagmamasdan ko si Heidi, hindi maiwasang maglaro sa isip ko kung talaga nga bang masaya siya. Para kasing may nagkukubling kalungkutan sa lalim ng biloy ng kanyang pisngi. Ewan ko kung tama, pero naisip ko lang naman, maari rin namang mali. Hindi ko dapat sinusukat ang kasiyahan ng tao sa unang pagkikita. Napatunayan kong hindi siya gaanong masaya nang binasa niya ang kanyang blog entry. Ikinuwento niya sa amin ang kanyang karanasan nang minsang pumunta siya sa isang tanggapan ng gobyerno. Pumunta siya sa tanggapan ng MMDA na mistulang tore na kinabitan ng bakal na baging ng pekeng kadena de amor. Nakatsinelas siya, sinita ng guwardya at minata ng isang empleyado dahil sa suot niya. Para bang sila lang na nasa opisina at nakapormal na damit ang marangal. Para bang sinusukat sa suot ng tao ang respetong ibibigay, na kapag nakatsinelas ay hindi na kagalang-galang. Para bang sila lang na nakasuot nang pang-anak sa binyag araw-araw ang karapat-dapat bigyang respeto. Hindi nga naman makatarungan.

Naisip ko, dapat kasi nagkulay pink siya na t-shirt, kulay pink na pantalon, kulay pink na ribbon sa buhok, kulay pink na tsinelas, kulay pink na bag, kulay pink na panty at bra, at pagharap niya sa guwardiya, sasabayan niya ng ngiti, kulay pink din dapat ang ngipin niya. Para walang argumento! Presto! Nasa loob agad siya ng pink na opisina ng MMDA.

Sinulat niya ang lahat ng angst niyang ito sa wikang inggles. Wow, sosyal, naisip ko, inggles ang dyornal! Pilit kong sinalansan sa buhaghag kong utak ang mga posibleng dahilan kung bakit pinili niyang inggles ang gamitin. Gumana ng bahagya ang mga naiidlip kong brain cells na para bang mga doktor na nag-uusap-usap ng differential diagnosis ng kanilang pasyente.

Nakapagtataka dahil sinabi niyang ang kanyang mga sinusulat ay mga maiikling kuwentong tagalog. Naisip ko, pinili niyang inggles para siguro di kahiya-hiya kapag binasa ng ilan ang kanyang blog? O para siguro mas maintindihan ng nakararami na may access at panahon na makapag-internet? O di kaya’y para masabing “in” sa cyberworld?

Kung ating lilimiin, hindi si Heidi ang hinuhusgahan ko, kundi ang kultura ng ganitong klaseng mentalidad. Hindi maikakaila, marami pa rin sa atin ang kolonyal mag-isip. Yun bang may konsepto na kapag nakapag-inggles ka, intelektuwal ka. Maiiwan na lang na nakamaang ang sinumang kausap mo na di marunong mag-inggles. Duduguin ang ilong ng ilan at magpupumilit sumagot ng pautal-utal sa pamamagitan ng pagsabing “you know, well, ah, I think, ah, I mean” at walang katapusang “aah” na parang mapuputulan na ng hininga sa pag- apuhap sa susunod pang salitang inggles.

Isang mainam na halimbawa itong si Manny Pacquiao, nagpupumilit mag-inggles, hindi naman kayang pangatawanan? Mabuti pa ang mga mehikanong nabubugbog niya, may taga-salin sa lengguwahe nila kapag iniinterbyu. Si Manny, kahit anong baluktot ng dila, pilit itinutuwid ang pagsagot sa tanong nang nalilito nang announcer. Mabuti, hindi dumugo ang ilong ng announcer. Hindi sa suntok ni Pacman kundi sa pag-iingles nito. Kitang kita ang ironiya sa kanya. Pinagyayabang niyang mahal niya ang Pilipinas pero trying hard siya mag-inggles? Pinagmamalaki niyang pinoy siya pero di naman siya magkandatuto sa panghihiram ng dilang banyaga? Hindi sa minamaliit ko ang kakayanan ni Manny na mag-inggles. Ang punto dito ay ang pagyakap at pag-angkin natin sa sarili nating wika. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit wala tayong matibay na pambansang identidad. Hindi natin pinagyayaman at ipinagmamalaki ang wikang nauunawaan ng ating kaluluwa.

Pero iba ang katwiran ni Heidi. Sabi niya, sinasanay lang niya ang kanyang sarili sa pagsulat sa wikang inggles dahil kailangan niyang maging bihasa dito dahil sa uri ng kanyang trabaho. Nagtatrabaho siya sa dambuhalang kumpanya bilang tagasulat ng updates sa internet. Trabaho na ang sangkot, wala nang argumento, talo na ako sa kaso. Madalas talaga kapag trabaho na ang dahilan, tumitikom na lang ang bibig ng sinuman. Talaga namang ang kabuhayan ang nagdidikta sa lahat. Kahit gaano ka kaprinsipyado, titiklop at yuyukod ka sa iyong amo. Hindi ako nagmamalinis sa ganitong puna, dahil tulad niya at tulad ng karamihan, naging sunud-sunuran na lang din ako sa ganitong sistema. Para tayong mga sundalong patpat na iginigiya ng tagapagsalaysalay sa teatro. Sa pagbubukas ng tabing, ang mga sundalong patpat ang totoong mga bida, ang puppeteer ang nagsisibing tagapagpaganap. Ang mga sundalong patpat ang mga manggagawa at ang puppeteer ang amo na mistulang diyos na tagapagpagawa sa lahat. Pagpinid ng telon, maiisantabi ang sundalong patpat at ang puppeteer ang aani ng papuri at palakpak.

Kung susuriin ang konteksto nang kanyang sinulat, masasabing kritikal naman siyang mag-isip. May katwiran kung bakit niya ibinahagi sa klase at sa internet ang karanasan niyang ito. Una, gusto niyang maglabas ng sama ng loob. Pangalawa, gusto niyang makapamukaw ng atensyon. Atensyon mula sa gobyernong bingi at bulag. Atensyon mula sa mga taong nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan.

Ang totoo, gusto kong magpalalim sa sinimulan niyang kuwento, sa mga kalokohan ni Bayani Fernando at sa burukrasya sa gobyerno. Kaya lang naisip ko, mukhang hindi ito ang tamang panahon. Ilang oras lang ang aming klase at marami pang hindi nakakapagbahagi ng kanilang sarili.

Umikot na ang bote, para kasi kaming naglalaro ng truth or consequence o truth or truth. Wala naman kasing kansikwens. Tila may imaginary na bote sa gitna ng grupo. Nagmistulang therapy session ang aming palihan. Hindi man magkakakilala, dahil kasama sa proseso ang pagbabahagi ng sariling dyornal, parang matatagal na kaming magkakaibigan.

At dahil late ako at kakapasa lamang ng dyornal at litrato, napunta sa ibabaw ang sinulat ko. Ako tuloy ang sumunod na tinawag ng titser ko at nagkuwento. Ilang bahagi lang ng dyornal ang binasa ko. Sa ikling yon, mukhang nainip pa ang mga kaklase ko. Hindi ko alam kung nakikinig sa akin ang mga kaklase ko nang oras na iyon, pero sigurado akong nakikinig ang titser ko. Siya ang tagapagpadaloy kaya kailangan niyang magkumento. Natuwa ako. Parang lumuwag ang dibdib ko. Bukod kasi sa kaibigan kong kompyuter, may iba nang nakakaalam ng mga sinusulat ko. Sinabi niya sa aking maraming paksa ang maari kong maisulat. Taong labas kasi ako. Bukod pa sa mahilig akong kumuha ng litrato at pumuna ng kung anu-ano. Tama siya, sa bawat silip ko sa lente, maraming kuwento ang laman nito. Sa isang iglap ng pagkurap ng shutter ng kamera, maraming buhay ang aking nakikita. Sa bawat pagbuka ng apperture nito, nakacapture ko ang totoong istorya.

Ang titser ko, sa tuwing nanonood daw ng balita, mas naeengganyong alamin kung ano ang mga kuwento sa likod ng mga balita. Yun ang mga sinusulat ko. Ang mismong karanasan namin sa pagkuha ng balita. Kung paanong itinataya ang buhay namin sa ngalan ng serbisyo. Sinusulat ko ang mga hindi puwedeng isulat ng reporter. Nakaposas kasi ang kanilang kamay sa journalism ethics and standards. Sa tuwing nagkukundamahog sila sa pagsusulat ng kanilang report para makahabol sa programa, nagsusulat din ako. Pero kaiba sa kanila, ang sinusulat ko’y hindi naliliman ng kanilang panuntunan. Ang kuwento ko’y hindi puwedeng saklawan ng kanilang patakaran. Malaya akong nakapagsusulat sa estilong gusto ko at sa himig na naisin ko. Hindi ko hahayaang baguhin ng sinuman sa mga amo ko ang kuwento.

Muli na namang umikot ang bote, nahagip ang aking katabing si Ron. Tila isang pamamaalam ang kanyang sinulat. Malungkot ang himig ng kanyang dyornal. Madilim ang bawat sulok nito, hindi ko maaninagan ng kahit kaunting liwanag. Habang binabasa niya ang kanyang dyornal, hinahanap ko ang kanyang katauhan sa kanyang sinulat. Sa unang tingin kasi, aakalain mong napakamasayahin nito, walang pasan na kahit anong bagahe. Walang bakas ng kahit anong hinagpis ang maamo nitong mukha. Magaan ang pakiramdam ko sa kanya, kaya’t nagtaka ako at pilit hinagilap ang katauhan niya sa sinulat niyang dyornal. Sa aking pagtingin, ang pagsulat niya nito at pagbahagi sa amin ay may malalim na pinag-ugatan. Kung anuman ito, walang ni isa sa amin ang nagtangkang mag-usisa.

Sa muling pag-ikot ng bote, marami pang tinig ang narinig. Lumulutang na ang isip ko. Tila lulan ako ng namuong ulap, lumulutang sa hangin, binabaybay ang isipan ng bawat taong kasama ko. Paikot, mula kay Heidi sa aking kaliwa hanggang kay Ron sa aking kanan. Nilandas ko ag damdamin ng bawat isa. Madalas ko itong gawin, ang basahin o hulaan kung anong iniisip ng mga tao, lalo na kung sakay ako ng dyip. Yung mga taong kaharap ko, binibihisan ko ng ibang katauhan. Parang karakterisasyon sa isang dula. Minsan nga pinapangalanan ko pa, binibinyagan ng pangalan na babagay sa kanilang bagong katauhan. Bahagyang namahinga ang aking diwa, payapa. Hinayaan kong lumipad ang aking hiraya sa bagong mundong nabuo nito.

Hanggang sa boses na nang aming titser ang nangingibabaw. Sa kanya na tumapat ang nguso ng boteng pinapaikot kanina pa. Sa totoo lang, malaman ang lahat ng namutawi sa kanyang bibig. Walang nasayang na salita. Tinalakay niya ang kasulukuyang kalagayan ng panitikang Pilipino, ang kanyang pagkabahala sa kinabukasan ng mga pilipinong manunulat, pati ang tunggalian ng mga guro para makamit ang pinakaaasam-asam na promosyon, at marami pang iba. Walang patid ang kanyang mga hinaing at kritikal na pagtingin. Lahat kami’y mataman na nakikinig. Tahimik.

Ito ang esensya ng aming palihan, ang magbukas ng mga saloobin ang bawat miyembro ng grupo. Ito’y hindi simpleng pagpapahayag ng sarili kundi isang pagniniig ng diwa at ng pinag-isang naisin, ang magsulat. Sa aming pagpapahayag, maraming paksang maaring pagmulan ng aming magiging akda.

Kaharap kong muli ang matalik kong kaibigan na wala pang pangalan. Nag-uunahan ngayon ang mga ideyang pumapasok sa isip ko na parang mga kiti-kiti na naglalaro sa estero. Pero walang kakayanan ang aking kamay na tumipa sa keyboard na mapang-anyaya. Nakatulala, hinihigop ang aking kaluluwa ng liwanag na nagmumula sa kuwadradong naglalaman ng lahat ng aking lihim at saloobin. May isa akong natuklasan, ang pagbabahagi ng dyornal ay di lamang pagpapahayag ng sarili, ito’y pagbabahagi ng iyong kaluluwa.

Walang komento: