Miyerkules, Oktubre 8, 2008

ANG KAMALAYANG FEMINISMO BILANG LOHIKA NG KUWENTO

Rebyu sa Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon ni Luna Sicat-Cleto
rebyu ni nanaybunso

Kailan nga ba nabibigyan ng boses ang mga babae sa lipunan? Naisasapraktika ba sa pang-araw araw na karanasan ang tunay na kamalayang feminismo? Sa unang pagtatangkang maintindihan ang kabuluhan ng kuwento, ito ang mga tanong na bumungad sa akin.

Isang matingkad na paglalahad ng feminist struggle ang mismong lohika ng kuwentong ito. Sa pagitan ng mga salita ay nakapaloob ang mga talinhaga na nagpapakita ng tunay na ideya ng may akda. Pinaglilimian ng kuwento ang internal at external na tunggalian ng babae bilang persona sa teksto.

Ang kuwento ay hindi lamang nakasentro sa tunggalian kundi isang pagtuklas sa mga karanasan ng babaeng piniling mamuhay mag-isa (“matagal na akong namumuhay mag-isa, sa isang apartment sa Quezon City, maliit, masikip, maraming agiw, walang tubig…nasubukan ko nang mabuhay sa de-lata at Skyflakes, kung minsan dinadalaw ko pa ang aking mga magulang at kapatid…”). Naging kaakibat ng kanyang pag-iisa ang kalungkutan pero pilit niya itong nilalabanan dahil iwinawaksi niya ang tradisyunal na konsepto ng pamilya (“isang kumportableng buhay sa piling ng isang responsableng asawa, dalawang maganda at normal na anak, at isang bahay sa malinis at tahimik na lugar, hindi ko nakikita ang aking sarili sa ganoong sitwasyon…”). Sa kuwento, ang pag-iisa at kalungkutan ay naging magkahugpong na bagay, dito lumitaw ang kahinaan ng tauhan, ngunit sa puntong ito naipakita na ang akda ay naging makatotohanan.

Nilandas ni Luna ang kaisipan ng babaeng tahimik na lumalaban sa de-kahong konsepto ng lipunan sa esensya ng pagiging babae. Mula sa domestikong pagtingin (hindi ako marunong magluto…)hanggang sa moralistikong pananaw (kasalanan kaya ang pagsiping ko kay Sandali?), detalyadong naipakita ang agam-agam ng babaeng humihiwalay sa realidad kasabay ng paglaya nito sa kumbensyunal na pagtingin sa pagkababae.

Sa simula pa lamang ng kanyang paglalahad, ipinakilala niya ang isang bisita, si Sandali, ang kanyang imaginary friend, lover and enemy. Si Sandali ay di lamang isang kathang-isip na kanyang naging kaulayaw kundi sumisimbolo ito sa oras kanyang paglaya -- ang sandali na kumakatawan sa oras/panahon. Sa bawat pagniniig nila ni Sandali, ang kanyang gunita at kaluluwa’y naglalayag sa isang mapagpalayang mundo na nilikha niya. Doon, hawak niya ang kanyang sariling mundo, ang kanyang sariling oras. Hindi siya nakatali sa ideya na kailangan niyang paglingkuran ang iba; (“binibigyan ko ang aking ina ng pera mula sa aking suweldo, panggastos sa grocery, naidaing niyang mataas ang presyo ng bilihin…”) isang kalagayan na malaon nang nakatanikala sa kababaihan na mas lalong nagiging komplikado dahil sa mga isyung pangkabuhayan.

Sa isang normatibong kalagayan, maaring tawagin na isang kahibangan ang pagkakaroon ng imaginary friend, subalit nagsisilbi itong susi sa kanyang mga realisasyon dahil sa mga pagkakataong ito lamang siya nakasusumpong ng katahimikan.

Maari ding tingnan si Sandali bilang repleksyon ng kanyang sarili na kumakatawan sa kanyang mga naisin at saloobin (“gusto ko lang munang maglakbay at kumawala, katulad ni Sandali, naiinggit ako sa kanya…”). Malinaw ring naipakita sa kuwento ang represyon at ang takot ng persona na mahusgahan ng iba (“gusto ko sanang ihinga sa ibang tao ang tungkol sa kanya, kaya lang, hindi ko alam kung maiintindihan nila ako…”).

Samantala, ang kanilang mga naging supling ni Sandali ay maaring sumalamin sa mga social institutions tulad ng simbahan at media na nagdidikta sa normatibong kondisyong nagkakahon sa mga babae bilang mahinang hanay sa lipunan. Sa kuwento, inilarawan ang mga supling bilang; (para silang mga dagang naghahabulan sa kisame, sa kisame ng aking utak, at pinamumukha nila sa aking hindi ko sila matatakasan…) daga na makulit at mapanira. Maaring tingnan na ito ay mga structural/social aggression sa kababaihan.

Sa huling bahagi ng kuwento, ang mga supling nila ni Sandali ay tila nagbagong anyo (gawin mo kaming mga alagad ng katahimikan, ang sabi nila…), nais nilang maging matibay na puwersang maaring makapagpamulat sa mga taong nakararanas ng represyon at kalungkutan.
Dito naipakita ang transpormasyon ng isang imahe ng kahinaan tungo sa pagiging sagisag ng lakas at pagbabago.

Isang pagbasag sa naratibong daloy ang hindi pagkakaroon nito ng isang yugto kung saan mamumulat ang mambabasa sa kung ano nga ba ang kabuluhan ng kuwento. Maituturing na isang matapang na hakbang ang paghiwalay ni Luna sa nakagawiang kumbensyon ng pagsusulat. Tuloy-tuloy ang daloy ng mga pangungusap sa kuwentong ito, isang retorikal na paglalahad ng nagaganap sa utak ng tauhan. Sa kabilang banda, masasabing nakatulong ang malaya at tuluyang pagbubukas ng persona. Naging mas kapani-paniwala ang masalimuot na internal na tunggalian. Naisiwalat ang mga tahi-tahing komplikasyon sa buhay ng tauhan.

Kung tayo’y magbabalik-tanaw sa kasaysayan, ang babae ay maaring ihalintulad sa mga bula ng sabon, sumasabay sa ihip ng hangin kung saan ito dadalhin, sumusunod lamang sa dikta ng lipunan. Sa kontemporaryong panahon, kung saan marami nang sumibol na mga progresibong babae na may feminismong kamalayan, ang mga bula ng sabon ay maaring representasyon ng mga isyung kanilang nilalabanan tulad ng opresyon, represyon at karahasan sa kababaihan. Sa paglulundo ng kuwento, naging mapagpalaya ito (“Ito ang paraiso, bulong ko sa aking sarili, ang paraiso’y isang babaeng naglalaro ng mga bula ng sabon, kapiling ang kanyang mga anino, at kapiling ang kanyang Sandali.”). Sa pagsusuri ng akda, hindi lamang lohika ang aking nakita, bagkus, naramdaman ko ang kaluluwa nito.

Walang komento: