Miyerkules, Oktubre 8, 2008

ANG KAMALAYANG FEMINISMO SA PANITIKANG FILIPINO

ni nanaybunso

Kumbaga sa pelikula, ang usapin ng opresyon sa kababaihan ay isa nang palasak na tema pero patuloy pa ring kumikita sa takilya. Isa itong di mamatay-matay na usapin na kinakailangang pagtuunan ng pansin. Walang pinagkaiba ito sa iba pang sakit ng lipunan tulad ng kahirapan, droga, problema sa edukasyon at korupsiyon. Ito ay malaon nang nilalabanan ngunit hindi lubos na masolusyunan.

Sa isang patriyarkal na lipunan, isang malaking hamon para sa kababaihan ang maging matagumpay sa anumang larangan at magtamo ng pantay na pagkilala at karapatan. Sa kasalukuyang panahon, laganap pa rin ang represyon, panggagahis at iba pang anyo ng opresyon sa kababaihan. Ang mga ganitong kalagayan ay hindi lamang makikita sa tahanan, kundi pati na rin sa trabaho, eskuwelahan at maging sa mga institusyong nagsusulong ng ganitong kamalayan. Ang marahas na sistemang ito ng patriyarkal ang nagtulak sa mga kilusang feminista na isulong ang kanilang adbokasiya laban sa dominasyon ng kalalakihan sa ating lipunan.

Sa ngayon, masasabing hindi pa rin ganap ang internalisasyon sa kamalayang feminismo sapagkat maging ang mga institusyong dapat sana’y nagsusulong nito ay kakikitaan ng di pantay na pagtingin sa isyu ng kasarian. Bilang napaka-epektibong midyum ng pagpapalaganap ng kaayusan at tagapagtaguyod ng pamantayan, ang media ay inaasahan sanang maging instrumento ng ganitong adbokasiya, ngunit sa realidad, ito’y nagiging kasangkapan pa upang lalong manaig ang kulturang patriyarkal. Makikita ito sa mga ipinapalabas nilang patalastas at ibang programa na may tema ng subordinasyon ng babae sa lalaki.

Tulad ng kalalakihan, marapat lamang na mabigyan ng sapat na pagkilala ang mga babae sa lipunan dahil makailang ulit nang napatunayan ang malaking ambag ng hanay na ito sa pulitika, kultura, ekonomiya at pati na sa siyensa. Kaya’t maituturing na isang malaking pagbabago sa mundo ng panitikan ang pagkilala sa ilang mga babaeng mandudula, makata, kritiko at manunulat noong dekada ‘80. Isang feministang pagkilos ang pagsusulat ng mga akdang tumatalakay sa iba’t ibang isyung nararanasan ng kababaihan.

Ngunit ang tanong, sapat na bang maisulat ang mga akdang nagsusulong ng kamalayang feminismo? Ang pakikibaka/adbokasiya ba ay nagtatapos lamang sa mga espasyo ng pahina ng teksto? Tunay na makapangyarihan ang mga naisulat na dula, tula at ibang akda noong mga nakaraang dekada hanggang sa kasalukuyan at marami-rami na ring pagbabago sa pagtanggap ng lipunan sa mga babae, ngunit di pa rin mabilang ang mga kaso ng karahasan at opresyon magpahanggang ngayon. Marahil hindi pa rin napagtatanto ng karamihan na ang tunay na esensya ng kamalayang feminismo ay nagsisimula sa ating sariling pagsisikhay na labanan ang kumbensyunal na pagtingin sa ating hanay.


ANG RETORIKA NG BABAENG MANUNULAT: ISANG PAGHUHUBAD

Bilang pagpoposisyon ng personang babae sa panitikang Filipino, napili ko ang isang maikling kuwentong nailathala sa Mirror Weekly at sa Aklat Likhaan ng mga Maiikling Kuwento 1999, isa itong halimbawa ng malinaw na paglalatag ng feministang paninindigan.

Ang kuwento na “Ang himas ni Ricardo” ni Babeth Lolarga ay isang akdang walang bahid ng pagpapanggap. Senswal ang bawat pangungusap sa unang bahagi ng kuwento. Explisitong nailarawan ang bawat eksena ng pagniniig. Bawat detalye ay maaring makapagpabuhay ng libido ng bawat mambabasa nito. Ngunit sa likod ng senswalidad ng akda, nilalayon nitong ibangon ang kamalayang feminismo.

Sa simula ng kuwento, inilahad ng pangunahing tauhan na si Lara Sumulong ang kanyang relasyon kay Ricardo. Nakilala niya si Ricardo matapos niyang iwan ang kanyang nambubugbog na asawa na si Joey. Nabigyang diin sa kuwentong ito ang usapin ng sexual politics sa pagitan ng babae at lalaki. Ang katawan ng babae ay hindi isang bagay na parausan lamang ng mga lalaki. Naipakita ang kaibahan ng paggamit sa katawan ng babae bilang parausan at ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng babae sa lalaki gamit ang kanyang katawan. Sa kanyang dating asawa ganito ang eksena:

• “Si Joey ay magpupumilit na magseks pa rin kami. Galit siya tuwing tumatanggi ako. Naniniwala siyang obligasyon ko ang sundin ang gusto niya…”

Samantalang kabaligtaran naman ito ng kanyang karanasan kay Ricardo:

• “Damdam kong masidhing naglalaban sa kalooban niya ang pagtratong paggalang sa akin at ang umaapoy na pagnanasa. Hindi naman ako ang tipo ng babae na kinikilig kapag mamamasdan ang hirap na dinadaanan ng lalaki; ang kinakatuwaan ko ay ang aking sariling kapangyarihan sa epektong kaya kong buhayin sa kanya.”

Sa huling bahagi ng kuwento, ganito ang palitan nila ng salita ni Ricardo:

• “Tinanong ko siya minsang nagpapahinga kami kung kagalakan ko lang ba ang ibig niyang madama. Ibinalik niya ang tanong sa akin, “At bakit naman hindi? Di ba reklamo niyong kababaihan na panay ang kagustuhan naming ang nasusunod? Magandang pagmasdan ang mukha mo habang ganado tayong nagse-sex. Alam kong napapaligaya kita.”

Dito naipakita ang pagiging sensitibo ng lalaki sa pangangailangan ng babae. Hindi lamang sex ang sentral na tuon dito ng akda. Mahalagang elemento nito ang pagkakaroon ng pag-asa ni Lara matapos ang isang bigong relasyon sapagkat nagpapakita ito ng kanyang katatagan bilang babae.

Ang paggamit ng pangalang Lara Sumulong – sumulong na sa kanyang pinakapayak na depinisyon ay nagsasabi ng progreso - ay maituturing na isang mapagpalayang deklarasyon nang pagsulong/pagtaguyod ng kamalayang feminismo. Iwinawaksi ng persona ang kumbensyunal na pagtingin sa pagpapamilya. Ipinagpapasalamat ni Lara na wala silang nabuong anak ni Joey, dahil kung mayroon, maaring nanatili siya sa kanilang relasyon sa isang maling konsepto na kailangan kalakihan ng bata ang isang buong pamilya. Ang pagkatao ni Lara ay matatag at hindi basta-basta nalulusaw ang paninindigan. (“Kailangan sumulong ka babae, ang palaging paalala ko sa aking sarili.”)

Sa malalimang pagsipat ng kuwento, si Lara ay isang representasyon ng makabagong babaeng naigpawan ang agresyon/pandarahas ng kanyang asawa. Pinutol ni Lara ang patriyarkal na relasyong namagitan sa kanila ng kanyang dating asawa nang iniwan niya ito isang gabing himbing ito sa ispirito ng serbesa. (“Isang gabi nang nakatulog na naman si Joey sa harap ng telebisyon at nakakunsumo ng katumbas ng isang galong serbesa, pumuslit ako, dala-dala ko ang ilang mga damit na pampalit.”)
Ito’y isang matapang na hakbang at malinaw na manipestasyon ng paglaban ni Lara sa karahasan sa kababaihan.

Naipakita sa kuwento ang pagwaksi sa istiryutipo ng babae bilang sunud-sunuran sa lahat ng gustuhin ng lalaki, na ang babae’y hindi mananatiling anino lamang ng lalaki. May implikasyong moral ang “Ang himas ni Ricardo” ngunit hindi didaktiko ang tono nito. Sa aking palagay, nakatulong ang ganitong istilo upang lalong maging epektibo ang pagkukuwento.

Sa huli, masasabi natin na kasabay ng paglaya ng kamalayan ni Lara ay ang paglaya ng babaeng manunulat na si Babeth Lolarga sa kanyang retorikal na paglalahad ng isang senswal na sitwasyon na may sensibilidad. Isa itong patunay na nailuwal ng panitikan noong dekada ’90 ang isang akdang may kabuluhan at feministang paninidigan.

1 komento:

Babeth Lolarga ayon kay ...

Salamat sa iyong rebyu ng aking maikling kuwento. Marami kang napuna doon na hindi ko namalayan habang sinusulat ko yung istorya tulad ng simbolo ng pangalang Lara Sumulong. Payagan mo ako na i-post ko yung iyong rebyu sa aking blog www.brooksidebaby.blogspot.com