Martes, Oktubre 14, 2008

Ang Paglalayag ng Prinsesa ng mga Bituin

prosang tula ni nanaybunso
alay sa mga biktima ng MV Princess of the Stars Tragedy

Isang gabi, inutusan ni Haring Sulpicio na maglakbay ang kanyang anak na Prinsesa sa kaharian ni Haring Neptuno upang maghatid ng mga binhi sa karatig na isla. Malugod na sinunod ng Prinsesa ng mga Bituin ang kanyang ama. Pumalaot siya at naglayag kasama ng mga binhi. Naaliw ang Prinsesa sa simponiyang huni ng mga ibon sa papawirin at marahang pagispis ng tubig sa kanyang katawan.

Lumipas ang mga oras, nalibang ang Prinsesa at nakisayaw sa mabining indayog ng karagatan. Tuloy, hindi niya namalayan ang nagbabadyang panganib sa kaharian. Binalaan ang Prinsesa ng mga kawal ni Haring Neptuno na huwag nang tumuloy sa paglayag ngunit ipinagsawalang bahala niya ito. Mahigpit na ibinilin ng kanyang Amang Hari na dalhin ang mga binhi sa kabilang isla anuman ang mangyari.

Ang masuyong galaw ng mga alon ay napalitan ng magaslaw na sayaw. Ang mala-orkestrang ihip ng hangin ay sinabayan ng dumadagundong na kulog at kidlat na sumusuyod sa pinakapusod ng dagat. Humiyaw ang hagayhay at binulabog ng daluyong ang buong kaharian. Dahil dito, nahintakutan ang Prinsesa ng mga Bituin. Maya-maya pa’y umalingawngaw ang mga panaghoy ng dala niyang mga binhi. Nanulay ang kanilang mga hibik sa bawat haplit ng alon. Nagsalimbayan ang kanilang mga boses sa konsyerto ng kawalang pag-asa. Hanggang sa namaos ang mga panangis at saklolo. Tuluyan na silang inanod ng agwahe ng kalungkutan.

Gustuhin mang iligtas ng Prinsesa ang mga binhi’y wala na siyang magawa. Sinagupa niya ang mga dambuhalang alon ngunit hindi siya nagtagumpay. Hanggang sa natapos ang nakabibinging dalit ng kamatayan. Maraming binhing nasayang, mga binhing papasibol pa lamang ang mga pangarap.

Napuno ng kirot ang pagdating ng umaga. Ang ibang binhi ay kinatigan ng kaligtasan ngunit lumutang ang ilang mga inulilang pangarap sa dalampasigan ng Sibuyan. Matapos ang ilang buwan, ang Prinsesa ng mga Bituin ay nanatiling naghihingalo sa karagatan. Sa pusod nito, may mga naiwang bakas ng kapabayaan. Hindi pa rin tuluyang namaalam ang alaala ng nakaraang sigwa.

Walang komento: