Miyerkules, Hunyo 17, 2009

Ang Panitikan sa Gitna ng Pagbabagong-Anyo at Ang Papel ng Reality Show sa Pagbuo ng Pambansang Identidad

Malalim ang ugat ng tradisyong iniwan at ipinamana sa atin ng mga Kastila, ngunit may malaki ring ambag ang dispensasyong kolonyal ng Amerika sa kalakarang pulitikal at kultural na umiiral hanggang ngayon. Ang malaking impluwensya nito ay naibuhos sa sitwasyong pampanitikan noong panahon ng kanilang pananakop hanggang sa transisyunal na gobyernong itinatag noon, ang Commonwealth.
Ang pananakop ng mga ‘Kano sa Pilipinas ay panahon din ng Cold War. Naging mainit ang giyerang pangkultura ng mga kapitalistang bansa, tulad ng Amerika, Inglatera, Ruso at ilan pang sosyalistang bansa. Lumutang ang tunggalian ng ideolohiyang kapitalismo at sosyalismo. Siyempre pa, nagkundamahog ang mga ‘Kano sa “panliligaw” sa mga intelektwal sa lipunan. Isang pulitikal na stratehiya ng Amerikano ang “panliligaw” na ito sapagkat hinihikayat nila ang mga intelektuwal para makaiwas at hindi sumanib ang mga ito sa mga grupong nagsusulong ng komunismo at ng sosyalistang kaisipan. Nakita ng mga ‘Kano na epektibong gawing lunsaran ang sining at panitikan. Pinasok nila ang arenang ito sa pamamagitan ng edukasyon kaya naman masasabing may matinding epekto ang kolonyalismo sa kamalayan ng mga Filipinong intelektwal.
Sa pagitan ng mga taong 1930-1940, umusbong ang mga popular na babasahin na naglalathala ng mga nobela at serye tulad ng Liwayway, Photonews, Cebuano Bisaya, Iloko Bannawag at Hiligaynon. Umunlad ang demand sa mga popular na babasahin. Ang mga kuwentong nailathala ay masasabing produkto ng kolonyalismo dahil sa mga katangian nito. Nang lumaon ay ginamit ito ng Amerika bilang aparato sa pagpapalaganap ng kanilang hegemonya sa bansa. Nahahati ang mga kuwento at nobelang nailathala noon sa dalawang kategorya: ang itinuturing na pambakya at ang itinuturing na pampanitikan kung saan inihahanay ang mga akda bilang masining. Ang mga nagsusulat ng pampanitikan ay mula sa hanay ng peti-burges at mga intelektwal. Umangat ang dalawang prominenteng tema sa mga kuwentong nailathala: ang mga akdang romantiko at mga makabayang kuwento. Pag-ibig ang palagiang paksa ng mga ito, kadalasang sentimental/melodramatiko ang tono nito. Matimpiin ang pagtalakay sa kalakarang pulitikal na umiiral noon ngunit dahil ito ay panahon sa pagitan ng transisyong kultural sa bansa, nanatili pa ring mainit ang diwang makabayan ng mga Filipino na makikita sa ilang akda na may tema ng kalayaan.
Ganito rin ang tinahak na daan ng industriya ng pelikulang Filipino. Panahon din kasi ito nang magsimulang gumawa at magpalabas ng mga pelikula. Bago pa man ang Golden Age ng Philippine Cinema noong 1950’s, naipalabas ang mga pelikulang may paksang nakasentro rin sa pag-ibig at buhay sa kanayunan tulad ng Takipsilim (1940) na pinagbibidahan nina Carmen Rosales at Rogelio dela Rosa at ang Zamboanga (1937) na pinagbibidahan naman nina Fernando Poe Sr. at Rosa del Rosario. Nakatanggap pa ito ng papuri sa isang director sa Hollywood na si Frank Capra. Ang karamihan sa anyong nabuo sa pelikula ay kakikitaan ng pattern mula sa Hollywood. Ang pagiging sentimental ng tono ng mga kuwento at iskrip pampelikula ay hango sa kultura ng Hollywood. Impluwensya din ng Hollywood ang mga kuwentong may temang pulitikal na hango sa aktwal na pangyayari sa kasaysayan ng bansa pati na ang mga pelikulang kakikitaan ng pakikipagsapalaran ng mga bayani. Ilang halimbawa dito ay ang Walang Sugat (1939) at Sakay (1939).

Sa ganitong punto, susulpot ang tanong kung ano ba dapat ang lamanin ng mga kuwento para magkaroon ng depenitibong pambansang identidad? Dito naipakita state control o ang impluwensya ng estado o ng nasyon sa mga lumitaw na katangian ng mga kuwento at iba pang anyo ng sining.

Isa sa sumibol na kwentista noong panahon ng Amerikano ay si Brigido C. Batungbakal. Si Batungbakal ang nag-ayos ng kalipunan ng mga kuwento na Pula ang Kulay ng Dugo na nagkamit ng parangal mula sa Commonwealth Literary Award noong 1940. Ang karamihan sa mga kuwento sa kalipunang ito ay naglalarawan ng mga sitwasyong panlipunan sa kanayunan. Sa pambungad na sanaysay ni Dr. Roland Tolentino sa librong ito, tinalakay niya ang naging susing inkorporasyon ng mga kuwento sa kolonyal at imperial na kaayusan. Dito’y ipinaliwanag niya kung paanong ang kuwento ay itinuring bilang isang pambansang proyekto sa paglikha ng isang pambansang dangal.

Sa kuwentong Nagbibihis na ang Nayon, angat na angat ang mga katangiang nabanggit sa simula. Ang mga motif at tensyon sa kuwento ay umiinog sa panlipunang struktura at relasyon ng mga tauhan. Sa unang pagsipat, mahihinuhang kuwento lamang ito na pumapaksa sa pag-ibig. Si Derang, ang pangunahing tauhan ay kinasama ng isang inhinyerong galing sa Maynila. Simultaenous ang pagpapakita ng mga “pagbabago” sa kuwento. Kaalinsabay sa daloy ng kuwento ng pag-ibig ang kuwento ng pagbabagong anyo ng kanilang nayon, ang Tulikan. Nang nagbago ang kanilang lugar dala ng urbanisasyon at industriyalisasyon, kasabay ding nagbago ang pagtingin ng mga taga-Tulikan sa pagkatao ni Derang mula nang umibig ang dalaga sa inhinyero.

Intrusive/invasive na maituturing ang “pagbabago” na dala ng ginagawang kalsada sa Tulikan. Walang pakundangan sa kalikasan ang epekto ng industriyalisasyon at urbanisasyon. Ang conversion ng agraryong lupain para maging isang industriyalisadong komunidad ay may kaakibat na adbentahe at disadbentahe. Maaring makapagdulot ito sa di-balanseng sistemang ekolohikal. Ginamit sa kuwento ang bundok ng Sinukuan dahil sumisimbolo ito sa inang kalikasan. Sa mitolohikal na kuwento, si Maria Sinukuan ay isang diwata at reyna ng bundok Arayat, dito’y nirerespeto siya ng mga hayop at ng buong kalikasan. Ngunit sa kuwentong ito, ginamit ang Sinukuan bilang lugar na pangyayarihan ng “pagbabago”. Maaring ituring na bukod kay Derang, ang Sinukuan ay biktima rin ng “pagbabagong” iwinawasiwas ng naratibo.

Sa kuwento, ang mga taga-Tulikan ay naging pasibo lamang sa pagbabagong anyo ng kanilang nayon, gayundin naman si Derang na wari’y sunud-sunuran lamang sa kanyang ama at sa inhinyero, isang manipestasyon ng sistemang patriyarkal. Dagdag pa rito, itinuring si Derang bilang isang bagay na nilulunggati ng mga lalaki sa Tulikan dahil sa angkin nitong kagandahan. Sa huling bahagi ng kuwento ay lumitaw ang isang babaeng nagpakilala bilang asawa ng inhinyero, dito mas umigting ang panghuhusga at panghihimasok ng mga taga-Tulikan sa buhay ni Derang. Kaya’t katulad ng indutriyalisasyon, ang mga taga-Tulikan ay naging intrusive sa personal na buhay ng dalaga.

Hindi lang ang relasyon ng mga tauhan ang apektado sa mga “pagbabagong” ito, may tendesiya ring mabaon sa limot ang mga nakaugaliang kultura sa kanayunan/kabukiran. Sa bahaging ito, umaangat ang tensyon mula sa domestikong kalagayan papuntang lipunan.

Ang mga “pagbabagong” ito sa kuwento ay representasyon lamang upang maipakita ang mga tunggalian ng puwersa at kapangyarihan sa lipunan. Hindi lang miminsang kinasangkapan ang panitikang Filipino ng panahon at ng sistema upang palitawin ang mga tunggalian ng puwersa. Kadalasan tuloy, ang mga mambabasa ay nagiging pasibo at hindi kaagad nakapaghahain ng mga alternatibong diskurso upang kontrahin ang naghaharing kaisipan.

Gagamitin ko sa pagsusuring ito ang Pinoy Fear Factor na reality show bilang trope. Ang media sa kabuuan ay talaga namang intrusive sa personal na buhay ng tao, ngunit magiging partikular ako sa mga katangian ng reality show.

Ang palabas na Pinoy Fear Factor ay nagpapakita ng mga elemento ng tulad sa kuwento. Dito’y may umuusbong din na love angle sa pagitan sa ng mga participantes. Lumitaw din ang katangian ng ama ni Derang na sa proseso ng biglaang pag-angat ay may nasisira at may nauungkat na mga negatibo at personal na bagay. Sa Pinoy Fear Factor, para tanghalin kang el ultimo participante kailangan ay handa kang harapin ang mga hamon ng mga “pagbabagong” dala ng kompetisyon. Handa kang masira ang personal na buhay sa pagkamit ng nais tamasahin para umunlad. At dahil ito’y kompetisyon, klaro at angat na angat ang tunggalian ng mga puwersa, ng lakas at ng kasarian. Pero walang pinoy factor ang Pinoy Fear Factor. Bukod pa sa South America ito ginawa, hindi ito nagpapakita ng kahit anong elemento ng pagiging pinoy. Maari pa itong angguluhan ng pagiging pinoy sa bahaging pinakain sila ng buhay na gagamba kung saan nagpapakita ito ng pagiging competetive, at adaptive ng pinoy. Pero bukod dito ay wala na.

Tulad ng kuwentong Nagbibihis na ang Nayon kung saan naging biktima ng exploytasyon si Derang at ang buong kanayunan, biktima rin ng eksploytasyon ang mga babaeng kasali sa palabas at pati na ang mga manonood. Nagbagong anyo lamang ang eksploytasyon ngunit umiral pa rin ito sa kompetisyon. Una, ang mga babaeng participante ay pinapasuot ng two-piece bikini sa ilang hamon. Pangalawa, naeeksployt ang kamalayan ng mga Filipinong nanonood ng ganitong klaseng palabas dahil tadtad lang ng eskapismo ang mga reality show kahit pa sabihing nakauugnay ang bawat manonood sa buhay ng mga kalahok dito.

Ang ganitong mga katangian ng kuwento, pati ng mga palabas sa telebisyon ay manipestasyon na tila ba wala nang sapat na rekurso ang mga mambabasa/manonood sapagkat ito lamang ang inihahain sa kanila ng lipunan. Muli, papasok dito ang papel ng estado na nagdidikta sa buto at kalamnan ng diskursong kultural ngunit mag-iiwan naman ito ng hamon sa mga alagad ng sining at tanod ng kultura.

Sa huli, mapapahalagahan ang kuwento ni Batungbakal bilang isang mahalagang ambag sa panitikan dahil sumasalamin ito sa dekadenteng kulturang namamayani sa kasalukuyan.

Walang komento: