Miyerkules, Hunyo 17, 2009

Kung Ibig Mo Akong Makilala: Pagtuklas at Pagpapalaya

Layunin ng sanaysay na ito na mailapat ang iba’t ibang teoryang pampanitikang maaring makapagpalutang sa tunay na esensya ng tulang Kung Ibig Mo Akong Makilala ni Ruth Elynia Mabanglo. Ang kabuuang daloy ng kritikal na papel na ito ay magsisimula sa pagpapalitaw ng mga elemento ng tula na maaring magpakita ng kaisahan nito bilang teksto. Sumunod ay paglilingkisin ang pagbibigay kahulugan sa bawat taludtod at saknong gamit ang pormalistang pagsusuri at hermenyutikal na pananaw. Layunin nitong palutangin ang kultural at panlipunang salik na nakakaapekto sa pagbibigay kahulugan sa akda. Susubukan ding idikonstrak at hanapan ng pandalawahang oposisyon ang akda upang palitawin ang ambiguidad sa kabuuang kahulugan nito. Sa huli, lalapatan ang tula ng Marxistang pagbasa upang mapaangat ang tunay na esensya at mensahe ng makata – ang mamulat ang mga mambabasa, gayundin ang iba pang manunulat sa papel at tungkulin ng kababaihan sa lipunan.

ANG RETORIKA NG BABAENG MAKATA

Sa mundo ng panulaang Filipino, si Ruth Elynia S. Mabanglo ay masasabing isa sa mga kinikilala at premyadong makata ng kanyang panahon. Ang kanyang mga akda ay maaring maihanay sa mga nangungunang paradigm sa mundo ng panitikang Filipino. Tumanggap si Mabanglo ng titulong Makata ng Taon sa Talaang Ginto, nasungkit niya ang Hall of Fame sa Gawad Palanca at nagkamit ng mga gawad at pagkilala mula sa National Commision for Culture and the Arts, Cultural Center of the Philippines, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Komisyon sa Wikang Filipino atbp.

Sa kalipunan ng kanyang mga tula ay mababakas ang mga sentimyento ng isang indibdwal, partikular ang babae bilang persona, patungkol sa kanyang lipunan. Ang ilan sa mga kalipunan na ito ay ang Liham ni Pinay na tumatalakay sa katauhan ng babae at ang iba’t ibang papel na ginagampanan nito sa lipunan. Sa tulang Kung Ibig Mo Akong Makilala, humahaginit ang kanyang mga talinghaga na nagbibigay ng impresyong makapuwing at makapag-iwan ng hamon sa mga mambabasa. Punong-puno ng angas ang tulang ito, kakaibang hamon ang naidulot nito hindi lang sa mga mambabasa kundi sa iba pang makata ng kanyang panahon at ng kasalukuyan.

Sa unang pagbasa, pag-ibig at pagtuklas sa sarili ang sentral na tuon ng tula. Hinahamon ng persona ang kanyang mangingibig o ang mambabasa na kilalanin ang buo niyang pagkatao tulad ng pagkakatuklas niya sa kanyang sarili. Ang tula ay may apat na bahagi. Sa umpisa ay ipinababatid sa mambabasa na higit pa sa pisikal na aspekto ang dapat pagtuunan ng pansin.

lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat,
ang titig kong dagat –
yumayapos ng mahigpit sa bawat saglit
ng kahapon ko’t bukas

Dito’y hinahamon ng persona na kilalanin siya hindi lamang sa panlabas niyang katangian kundi ang buo niyang pagkatao. Ginawang lunsaran ni Mabanglo ang tulang ito para tungaliin ang pagtingin ng lipunan sa pisikal na katangian ng babae bilang pamantayan ng kagandahan. Sa kasalukuyan, ang pagpapaganda o ang pagiging maganda ay maituturing nang isang obsesyon hindi lang sa babae kundi pati na rin sa mga lalaki. Dala ng komersyalisasyon, naglipana ang mga produktong pampaganda, pampapayat at pampapaputi, lahat ng may kinalaman sa pisikal at panlabas na katangian ng isang tao. Sa unang taludtod pa lamang ng tula, tumitiwalag na ang makata sa umiiral na de kahong konsepto ng kagandahan. Aangat ang lebel nito sa ikalawang bahagi kung saan ibinubulalas ng persona ang kanyang mga kahinaan at kapighatian.

sunduin mo ako sa himlayang madilim
at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil
ibangon ako at saka palayain

Ang himlayang madilim at inunang hilahil ay maaring representasyon ng iba’t ibang anyo ng represyon sa kababaihan. Nais humulagpos ng babae sa tanikalang nanggigipit sa kanyang katauhan na bunga ng normatibong kalagayan sa lipunan. At ang mambabasa ang inaasahan niyang sumagip sa kanyang kinasadlakan. Sa ikatlong saknong inilarawan ng makata ang pag-ibig na ideyal, mga katangiang malayong-malayo sa realidad.

pag-ibig na lipos ng lingap,
tahanang malaya sa pangamba at sumbat,
may suhay ng tuwa’t kaluwalhatia’y
walang takda –

Lahat ng ito’y hinihiling ng persona na iaalay sa kanya. Sa huling bahagi ng tula, ipinakita ang pagiging bukas ng pagkatao ng persona upang siya’y kilalanin. Sukdulan ang mga ginamit na metapora sa bahaging ito, bukas pati ang kanyang kaluluwa upang lubusang makilala ang kanyang tunay na esensya.

Ang persona ng tula ay masasabing isang moderno at progresibong babae. Ito ay ipinapalagay ng mag-aaral sapagkat iginigiit din ng tulang ito ang malayang oryentasyong sekswal ng isang indibidwal. Ito’y produkto hindi lamang ng biyolohikal na dahilan kundi pati na rin ang sikolohikal, historikal at personal na sirkusmtansya. Masasabing may malakas na puwersa pa nga ang huling tatlong nabanggit na salik sa pagpapatibay ng kamalayan at oryentasyon ng indibidwal. Nakikita ang mga ito bilang epekto ng lipunang patriyarkal na humuhulma sa pagkatao ng isang indibidwal partikular ang babae bilang persona sa tulang ito. Samakatwid, maaring ipalagay na kapwa babae (homosekswal) o lalake o ang kabuuang lipunan ang kinakausap ng tula.

Lumitaw naman ang kontradiksyon sa konsepto ng pagiging malaya ng persona. Sa ikalawang saknong ay inilarawan ng persona ang kanyang pagkakakulong sa “himlayang dilim” at sa “inunang hilahil” na sisidlan din ng kanyang mga dalamhati. Taliwas ito sa huling taludtod na nagsasabing siya’y hubad mula ulo hanggang paa. Ang pagiging hubad ay sumasagisag sa pagiging malaya. Samakatuwid, hindi talaga nakakulong ang persona, tuluyan nitong binabasag ang konteksto ng “pagpapalaya” dahil siya naman pala ay hubad at malaya sa kanyang sariling introspeksyon.

Ngunit kung atin pang paglilimian ang konteksto ng pagiging malaya sa tulang ito, mulat ang makata sa tungkulin nitong palayain ang kababaihan sa rehas na likha ng kapitalistang sistema kung saan ang mga babae ay itinuturing na commodity o di kaya ay object of desire ng kalalakihan at ng buong lipunan. Malay ang makata sa obligasyon nitong kontrahin ang dominanteng kulturang iniluwal ng sistemang kapital. Hindi man direktang naipinta sa tula ang mga ispesipikong sitwasyon na nagpapakita ng iba’t ibang anyo ng represyon at opresyon sa kababaihan, naipahiwatig ito at nakapaloob sa mga imaheng ginamit niya sa tula. Mapapahalagahan din ang tula bilang rebolusyunaryong akda dahil ito’y tumutugon sa pagkamulat ng masang mambabasa hindi lamang para sa kababaihan kundi pati na rin sa kalalakihan.

Kumbaga, ang dapat lamanin ng isang akda ay hango mula sa karanasan ng masa at ito’y gagawing masining upang bumalik din sa masa. Ito ang panitikan mula sa masa, para sa masa.

Maging sa mundo ng panulaan ay macho ang umiiral na kalakaran. Sa tulang Ako Ang Daigidig ni Alejandro Abadilla, inako ng makata ang panulaan at ang daigdig. Ang ganitong tuwirang pagpapahayag at asersyon ay may negatibong implikasyon lalo na sa mga babaeng makata.

Sa bahaging ito mailuluwal ang mga tanong: sino ang tunay na makata? At mulat na makata para kanino? Diyalektikal ang diskursong ito, ang pagsuri sa ugnayan ng makata sa mambabasa at ang mambabasa sa makata ay isang usaping matagal nang pinagdedebatehan. Marahil isang angkop na batayan ng pagpapalapot ng ugnayan ng dalawa ay kung paano napagsisilbihan ng makata ang masang mambabasa.

Walang komento: