Biyernes, Hunyo 19, 2009

Ang Pinag-isang Mundo ng mga Hugis at Tunog

Lumilipad sa hangin ang mga salita. Nagsasalimbayan ang mga ito pagbagsak sa lupa sa ritmo na likha ng mga patak ng ulan. Hanggang sa mabuo ang mga pangungusap, ang diwa at ang kabuuan nito. Sa paglikha’y muli itong umiilanlang at lumilipad sa kawalan. Bumubulusok pabalik sa mundo ng hugis at tunog. Tinahak ng manunulat ang landas ng liwanag at dilim at humabi ng mga imaheng ang tanging nakapangyayari ay ang tulad kong hindi nabiyayaan ng paningin.

- Lea
Nasillag Ken Nasipngit (Liwanag at Dilim)


Ilang araw at ilang gabi ang iginugol ko sa pag-iisip ng konsepto. Isang malaking suliranin para sa akin ay kung paano bang maihahanay sa eksperimental na anyo ang isusulat ko? Paglalaan ng tamang panahon at pananaliksik ang mga kaakibat na paghihirap sa proyektong ito. Minsan ay kinakailangan ding hintayin ang tamang tiyempo sa pag-iisip ng konsepto. Maya’t maya ay sumusulpot ang tanong: anong genre ang pipiliin kong isulat na kaya kong panghawakan hanggang sa matapos ang akda?
Lumutang ang ilang germinal ideas na bago ko pa man gawan ng concept paper ay ako na mismo ang nagbabasura. Isang erotikang istorya na ang bida ay isang matandang babae; saykoanalitikong akda tungkol sa isang taong may dementia; kuwentong pambata na may elemento ng future fiction at kung anu-ano pa.
Noong nakaraang semestre ay pinili kong sumulat ng isang personal na sanaysay na malapit sa puso ko. Ito ay tungkol sa aming mag-ina. Siguro nga’y may malikhaing epekto sa akin ang pagiging ina kaya’t naisip kong unang konsepto na ipasa ngayong semestre ay ang kuwentong pambata na may elemento ng science/future fiction, ang Adbentyur ng Batang si Ziggy. Naisip ko, muli kong mapaghuhugutan ng karanasan ang “kakulitan” ng aking anak. Ngunit hindi resolbado ang aking guro sa konseptong ito. Kapag nga naman tinanggalan ng ilang elemento ng science fiction ay magiging kuwento lamang muli ito ng mag-ina. Walang bago.
Hindi ako pinanghinaan ng loob sa pagkakabasura ng unang konsepto. Binalikan ko ang dahilan kung bakit gusto kong magsulat. Corny mang pakinggan ang tunay na dahilan, gusto ko sana itong pangatawanan – ang mabasa at magustuhan ng aking anak at ng iba pang mga anak lalo na ng mga inang tulad ko ang isusulat ko. Kaya’t binasa kong muli ang isa sa mga paborito kong sanaysay ni Ligaya Tiamson Rubin, ang Paano Nagsusulat ang Isang Ina. at lalo akong napaisip nang nabasa ko ang linyang ito:
“Di maiwawaksi ang pagsusulat sapagkat ito ang katas ng buhay na nagbibigay-buhay sa matayog na diwa ng inang manunulat. May mga kaisipang lumilipad. Tinatangay ng iyak ng anak, upang pagkatapos na tumakas ay di na mabubuong muli. Saan at paano niya hahagilaping muli ang mga kaisipang iyon?”
Saan nga ba hahagilapin ang mga kaisipan? Ayoko namang lumabas na parang isang journal entry ang isusulat ko kaya’t pinahirapan ko ng kaunti ang sarili ko sa pananaliksik at sa pag-iisip ng bagong konsepto na may makabagong anyo ng pagkukuwento. Mapanghamon ang klaseng ito naisip ko, kaya’t nagsikhay ako at pinag-ukulan ko ito panahon.
Nag-uunahan ang mga ideya sa isip ko na nagsisimula sa tanong na “paano kung?” Kaya’t maging sa panaginip ay dala-dala ko na ang mga tanong. Hanggang sa naisip ko, paano kung ang panaginip pala ay ang realidad at ang inaakala kong realidad ay ang panaginip? Paano naman kung bulag ang nanaginip? Nanaginip din kaya sila? Kung gayon man, ano ang laman ng kanilang isip at panaginip gayong wala silang konsepto ng mga imahen at kulay? Naalala ko ang isang dokumentaryong napanood ko tungkol sa isang pamilya ng mga bulag na maayos na namumuhay sa Antipolo, Rizal.
Dito na nagsimula ang interes ko sa pagsulat ng kuwentong Nasillag Ken Nasipngit (Liwanag at Dilim). Kung tutuusin, mas mayaman ang imahinasyon at karanasan ng mga hindi nakakakita. Mas matalas ang kanilang pandama at mas malawak ang kaya nilang ilarawan. Nagkaroon ng malaking ambag sa proyektong ito ang pagbabalik-aral ko sa talambuhay ni Helen Keller. Binasa kong muli ang dalawang nailimbag na autobiographies ni Keller – ang The Story of My Life at ang The World I Live In. Binasa ko rin ang librong The Miracle Worker, isa itong dula kung saan nadramatize ang mga paghihirap at pagkalingang ibinigay sa kanya ng kanyang gurong si Anne Sullivan. Matapos ang pagbabasa ng mga ito, natutunan kong gamitin ang lengguwahe ni Helen Keller bilang bulag. Nakatulong sa pagsusulat ko ang mga paglalarawan niya sa kanyang paligid gamit ang iba niyang pandama. Bagaman bulag at bingi, gumagamit din si Keller ng mga salitang visual at audial na paglalarawan sa mga bagay pagkatapos itong maipaliwanag sa kanya ng kanyang guro sa pamamagitan ng pagsusulat nito sa kanyang palad. Kapag nahawakan niya ang isang bagay ay mailalarawan niya ito sa kung paanong nailarawan ito ng isang taong may paningin.

(Si Helen Keller habang nag-aaral.)

Noong kasagsagan ng pag-aaral at pagsusulat ni Keller, nailathala sa Matilda Ziegler Magazine for the Blind ang anunsyong ito:
"Many poems and stories must be omitted because they deal with sight. Allusion to moonbeams, rainbows, starlight, clouds, and beautiful scenery may not be printed, because they serve to emphasize the blind man's sense of his affliction."
Mariing pinasubalian ito ni Keller at sinabing:
“That is to say, I may not talk about beautiful mansions and gardens because I am poor. I may not read about Paris and the West Indies because I cannot visit them in their territorial reality. I may not dream of heaven because it is possible that I may never go there. Yet a venturesome spirit impels me to use words of sight and sound whose meaning I can guess only from analogy and fancy. This hazardous game is half the delight, the frolic, of daily life. I glow as I read of splendours which the eye alone can survey. Allusions to moonbeams and clouds do not emphasize the sense of my affliction: they carry my soul beyond affliction's narrow actuality."

Ginamit kong modelo ang paglalarawan ni Keller sa mga bagay ngunit ginawan ko ito ng ibang istilo. Malaking tulong ang talambuhay ni Keller ngunit hindi pa rin ito naging sapat na reperensiya. Naghanap pa ako ng ilang taong bulag na naging matagumpay sa kanilang napiling larangan. Naisip ko ang tanyag na si Stevie Wonder. Sinuwerte akong makahanap ng biography ng kanyang ina na si Lula Hardaway. Doon ay nakita ko kung paanong napalaki ang tulad ni Stevie na ipinanganak ding bulag. Pinagsanib ko ang personalidad ni Stevie Wonder at Helen Keller sa katauhan ni Lea. Mabiro, responsable, matampuhin ngunit positibo at punung-puno ng pag-asa sa buhay.
Sinubukan kong hindi maging one-dimensional ang character ni Lea sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga kahinaan nito bilang bulag. Sa simula’y ipinakita ko kung paanong hindi niya maunawaan ang konsepto ng liwanag at dilim. Nang lumaon ay ipinakita ko rin ang kalakasan ng katauhan ni Lea sa pamamagitan ng pagtanggap nito ng kanyang kalagayan at pagturing niya sa sarili bilang isang normal na indibidwal.
Sa ibang eksperimental na akda, nilalagyan ng ibang timpla ang wika para makabuo ng makabagong istilo ng pagkukuwento. Gaya ng nobelang Clockwork Orange, dalawa ang wikang ginamit ng manunulat na si Anthony Burgess. Pinagsama niya ang English at Russian slang sa nobelang ito upang mas maging makatotohanan ang pagiging dystopian ng lunan na kanyang inilalarawan. Kaya naman naisip kong gumamit din ng dalawang wika sa kuwentong ito upang patingkarin ang pagiging Filipino ng mga tauhan sa kuwento.
Tatlong bagay ang sinikap kong palutangin sa kultural na aspekto ng akdang ito. Una, ang paggamit sa mayamang wika ng mga Ilokano; pangalawa, ang sining ng paggawa ng mga burnay o clay pots sa Ilocos; at pangatlo ay ang pagpapanatili ng tradisyunal na uyayi sa mga batang Ilokano.
Pinili kong maging Ilokana ang tauhan na si Lea para mabigyan ng ibang panlasa ang teksto. Ito ang kauna-unahang pagkakataon kong magsulat gamit ang ibang diyalekto. Bagaman may kaunti na akong nalalaman sa kanilang wika, hindi naging madali ang proseso ng pagsusulat. Inaral ko sa maikling panahon ang ilang salitang Ilokano sa tulong ng ilang kasamahan sa trabaho at ng kasama ko sa bahay na taga-Isabela. Kailangang malay ako sa tamang pagbabaybay ng bawat salita. Kailangan ding hindi pilit ang paggamit ko ng pinagsanib na salitang Ilokano at Filipino. Kaya’t sa panahon ng pagrerebisa, paulit-ulit kong binabasa ng malakas ang teksto, paminsan-minsa’y pinapalitan rin ng Filipino ang ilang malalim na salitang Ilokano.
Binuhay ko sa kuwentong ito ang sining ng paggawa ng burnay sa Ilocos. Kilala ang sining na ito sa buong rehiyon ng Ilocos lalo na sa Vigan na sentrong pangkultura at pangkasaysayan ng rehiyon. Sa mga maliliit na barangay sa Isabela ay mayroon pa ring maliliit na pagburnayan kahit pa unti-unti nang namamatay ang sining na ito dahil sa lumiliit na bilang ng mga parukyano nito. Ang pagtuturo ni Bakét Pelang kay Manang Luisa at ni Manang Luisa kay Lea ng paglilok ng burnay ay isang paglalarawan sa kung paanong napapanatili ng mga Ilokano ang kulturang ito sa kanilang lugar.
Sinubukan ko ring langkapan ng tradisyunal na uyayi ng mga Ilokano ang kuwento – ang Dungdungwen Kanto (Aalagaan Kita). Masasabing buhay pa rin ang uyaying ito sa ilang kaibigang Ilokanong matagal nang naninirahan dito sa Maynila. Bahagya pa akong nasorpresa nang nalaman kong kinakanta pa rin nila ito sa kani-kanilang mga anak.
Sa pagpili ng lunan, naisip kong gamitin ang kanayunan sa Isabela bilang pangunahing tagpuan sa kuwento. Minsan na akong nakapunta roon at nanatili ng ilang araw. Binalikan ko ang mga tala sa aking journal na nagsisilbi kong memory reservoir. Nakatulong ito ng malaki sa paglalarawan ko sa Isabela at nagkaroon ako ng pagkakataong makaisip ng lugar na maaring kabaligtaran ng nayon. Una kong naisip ang squatters’ area sa Agham road ngunit kapos ang kaalaman ko sa paglalarawan sa lugar na ito dahil madalas ay nadadaanan ko lang naman ito. Kaya’t naisip ko ang isang barangay sa Punta, Sta. Ana na nagkaroon ng malaking marka sa memorya ko. Ilang taon din akong nagpapabalik-balik sa lugar na ito dahil isa ito sa mga komunidad na pinupuntahan ko para pagdausan ng mga palihan sa teatro noong aktibo pa ako sa gawaing pangkultura.
Kapag nagbubuo ako ng mga imahen, pumipikit ako at sinusubukang pasukin ang mundo ng mga bulag. Sa mga sandaling nakapikit ako’y hinahayaan kong lumipad ang aking hiraya sa mundo ng mga hugis at tunog. Walang limitasyon ang imahinasyon, lahat ng kayang iluwal ng isip sa pamamagitan ng mga salita ay tinitipa ko. Saka ko na lamang pinipili ang ilang imaheng maaring bumagay at magbigay ng kaisahan sa kuwento.
Sa usapin naman ng istilo at anyo, pinangatawanan ko ang dalawang tinig na nagsasagutan sa kuwento. May mga lumutang na suhestyon sa klase na mas magiging epektibo ang akdang ito kung gagawin kong isa lamang ang naratibo. Maiiwang si Lea na lamang ang nagkukuwento. Magandang suhestyon sana ito para mas maunawaan natin ang mundo ng mga bulag. Pero umiral ang katigasan ng ulo ko. Naisip kong hindi sundin ang suhestyon ng ilang kaklase dahil sa tingin ko’y mas mapapalutang ko ang mga dikotomiya sa kuwento kapag gumamit ako ng secondary narrative. Mas nagkaroon ng espasyo para sa paglalatag ng polaridad ng buhay sa nayon at siyudad, ng normal at ng di normal. Kung sa mga naunang burador ay ginawa kong tagalabas ang naglalahad, sa pinal na kopya ay ginawa kong mag-ama ang naghahalinhinan sa paglalahad. At para mas maging eksperimental ang anyo, dinistort ko ang panahon at ginawa kong di kronolohikal ang daloy nito. Madalas ay sinisingitan ko ng mga flashbacks ang paglalahad nilang dalawa na pinagsumikapan ko namang lagyan ng maayos na transisyon.
Sinikap kong palitawin ang transpormasyon ng kahulugan ng pagiging bulag sa ilang bahagi ng kuwento. Pahapyaw kong tinalakay ang dogmatismo ng relihiyon sa back story ni Manang Luisa at Bakét Pelang; ang pagmamaliit sa kakayanan ng mga “maliliit at di normal” sa lipunan sa katauhan ni Manang Carmen; ang pambabalewala ng mga taga-syudad sa pangangalaga sa kapaligiran; at ang pagiging bulag ng hustisya at pulitikal na sistema na naipakita sa pagkamatay ni Lakay Temyong. Pahapyaw man ang pagtalakay sa mga ito, sa tingin ko’y nakatulong ito sa pagpapalapot ng pinaka-ubod ng kuwento – ang usapin ng normal at di normal sa lipunan at ang kahulugan ng liwanag at dilim.
Sa huling bahagi ng librong The World I Live In, nagpalalim muli si Helen Keller sa kanyang pagtingin sa konsepto ng karunungan at ng liwanag at dilim. Isinulat niya ang tulang Chant of Darkness kung saan nailarawan niya kung paanong ang imahinasyon ay naging makapangyarihan at kung paano nito ninonormalisa ang kalagayan ng tulad niyang walang paningin. Narito ang ilang bahagi ng tula na nagkaroon ng malaking impluwensya sa ubod ng aking kuwento:
Knowledge hath uncurtained heaven;
On the uttermost shores of darkness there is light;
Midnight hath sent forth a beam!
The blind that stumbled in darkness without light
Behold a new day!
In the obscurity gleams the star of Thought;
Imagination hath a luminous eye,
And the mind hath a glorious vision.

"The man is blind. What is life to him?
A closed book held up against a sightless face.
Would that he could see
Yon beauteous star, and know
For one transcendent moment
The palpitating joy of sight!"

My hands evoke sight and sound out of feeling,
Intershifting the senses endlessly;
Linking motion with sight, odour with sound
They give colour to the honeyed breeze,
The measure and passion of a symphony
To the beat and quiver of unseen wings.
In the secrets of earth and sun and air
My fingers are wise;
They snatch light out of darkness,
They thrill to harmonies breathed in silence.
At sa muli’y binalikan ko ang sanaysay ni Ligaya Tiamson Rubin, ang Paano Nagsusulat ang Isang Ina at dalawang bagay ang natuklasan ko. Una, mahirap mang pagsabayin, maari naman palang maging magkahugpong na bagay ang pagiging ina at manunulat. Pangalawa, hindi naman pala ako lumihis sa una kong ginamit na reperensya. Ang pagiging ina ko pa rin naman at ang kagustuhan kong makisangkot sa mga usaping panlipunan ang naging malakas na puwersa sa pagsusulat ng kuwentong ito. Naalala ko ang unang bahagi ng sanaysay ni LT Rubin na nagsilbing pinakapuso ng kuwento ko.


Mabuti ka pa’t pipi. Marami kasing dapat na sabihin na maski hindi mo sabihin okey lang, dahil pipi ka nga. Kaysa isang hindi pipi ngunit hindi masabi ang mga dapat sabihin. Mabuti ka pa’t bulag. Marami kasing dapat makita na maski hindi mo makita okey lang, kasi bulag ka nga. Kaysa isang hindi bulag na hindi makita ang mga dapat makita. Mabuti ka pa’t bingi. Marami kasing dapat marinig na maski hindi mo marinig, okey lang kasi bingi ka nga. Kaysa isang hindi bingi na hindi marinig ang mga dapat marinig.
Sa pagtatapos ng proyekto, patuloy pa ring may sumusulpot na mga tanong: Ano at sino ba ang normal at di normal sa lipunan? Sino ang nagtatakda nito? Hindi ba matatawag na normal ang mga tulad ni Lea na hindi man nabiyayaan ng paningin ay kayang unawain kahit ang pinaka-di-normal na usapin? Sa pagkakataong ito, ang mambabasa na ang magtatakda ng kasagutan.

Walang komento: